PANTASYA Part 23-24 | Pinoy M2M Stories

By Daredevil

Part 23

Kinakabahan man ay pormal akong sumunod kay Kuya Carlo papasok ng opisina. Samantalang tumayo si Marianne sa kanyang kinauupuan at mabilis na nilapitan si Kuya Carlo.

"Good Morning honey" si Marianne sabay yakap.

"Good Morning din." sagot naman ni Kuya Carlo. "Bakit ka nandito?"

"Do you remember what I told you yesterday? Sisimulan ko na yun ngayon."

Naalala ko naman ang kanyang tinutukoy, ang sinabing aangkinin niya muli si Kuya Carlo at babaguhin ito.

"Oh, may kasama ka pala, baka pwede mo naman akong ipakilala sa kanya" si Marianne na tumingin sa aking kinaroroonan. Bahagya naman akong nagulat.

"Ah eh, siya si Rico, assistant ko." ang pagpapakilala niya sa akin.

Maya-maya ay nilapitan ako ni Marianne. Lalong lumakas ang aking kaba sa kanyang sunod na ginawa. Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa na animoy kinikilatis ako.

"So you are Rico. Im Marianne the future wife of Carlo." ang kanyang pagpapakilala.

Tila nabigla si Kuya Carlo sa narinig. "Ano ba ang pinagsasasabi mo Marianne?"

"Bakit, di ba totoo naman, I am the mother of your daughter."

"Pero hindi naman tayo magpapakasal"

Humalakhak naman ang babae. "Nagpapatawa ka ba, pananagutan mo na ako ngayon dahil sa anak natin. And besides wala namang masama kung magpapakasal tayo, lalaki ka babae ako."

Parang sibat sa aking puso ang mga pahayag ni Marianne. Tama siya, walang hadlang kung magpapakasal sila. Natural lang iyon sa isang lalaki at babae. At isa pa ay may anak sila, kailangan iyon upang mabuo ang kanilang pamilya. Hindi ko naman maiwasang mahabag sa aking sarili.

"No Marianne, nag-usap na tayo sa bagay na iyan di ba. At pumayag ka sa kasunduan natin." 

"Hindi pa naman huli ang lahat, saka namimiss kita eh, wala namang masama kung hindi ako sumunod sa kasunduan."

"Ayoko Marianne" ang may pailing-iling na sagot ni Kuya Carlo.

"Bakit Carlo, dahil ba sa kanya ha!" ang napataas na tanong ni Marianne sabay turo sa akin. "Anong gayuma ang ginawa sa iyo ng taong ito para magkaganyan ka?"

"Pwede ba wag kang mag-eskandalo dito, tandaan mo na nandito ka sa opisina ko" may pormal na pagsagot ni Kuya Carlo.

"Sagutin mo ang tanong ko, huwag mong ilihis ang usapan."

Bumuntong hininga si Kuya Carlo bago sumagot. "Wala kang pakialam sa buhay ko Marianne"

"Wala, ganoon na lang ba iyon. Nasasabi mo pa yan matapos mong sirain ang buhay ko"

Hindi sumagot si Kuya Carlo. Yumuko lang ito.

"Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na pinagpalit mo ako sa taong tulad niya" si Marianne at tumingin ulit sa akin.

"At ikaw, hindi ka ba nahihiya sa sarili mo. Sayang, may itsura ka pa naman at maganda ang katawan pero may pagkaberde pala ang dugo mo. Tama nga ang sabi ng iba na kabilang ka sa mga salot sa lipunan."

Wala ako magawa sa mga oras na iyon kundi manahimik na lang. Sa loob-loob ko ay gusto ko nang umalis sa lugar na iyon at pumunta sa isang lugar na kung saan mailalabas ko ang aking sama ng loob. Grabe ang naging epekto sa akin ng mga sinabi ni Marianne.

"Tumigil ka na Mariaane, sumosobra ka na. Wala kang karapatang pagsalitaan si Rico nang ganyan!" ang napapalakas na boses ni Kuya Carlo.

"Bakit hindi ba totoo na bakla siya di ba Rico?"

Hindi ako makatingin ng deretso kay Mariaane. Nanatili akong nakayuko.

"Marahil ngayon ay hiyang-kiya ka sa sarili mo at narealize mo na ang iyong mga pagkakamali. Kaya kung ako sa iyo ay magbago ka na. Maghanap ka ng taong karapat-dapat sa iyo hindi yung mang-aagaw ka ng taong may responsibilidad na." si Marianne.

Pakiramdam ko ay sasabog na ang dibdib ko sa sunud-sunod na patutsada ni Marianne sa akin. Kaya nagpasiya muna akong umalis sa lugar, baka hindi ko na kayanin pa ang mga sasabihin pa niya.

Hindi na ako nakapagpaalam pa kay Kuya Carlo, Mabilis akong lumabas habang naluluha. Hindi ko na alam ang direksyon na aking  tinatakbuhan pero isa lang ang alam ko, gusto ko munag lumayo. Hanggang sa makarating ako sa isang childrens playground. Umupo ako sa isang swing doon. Walang patid ang pagtulo ng aking mga luha.

Nasa kasagsagan ako ng pag-iiyak nang mapukaw ng aking atensyon ang mga masasayang batang naglalaro doon habang nagbabantay sa kanila ang mga magulang nila. Muli ay naalala ko ang lahat ng sinabi sa akin ni Marianne. Masakit man, pero wala akong naging pagtutol. Walang patutunguhan ang relasyon namin ni Kuya Carlo. Si Marianne ang karapat-dapat sa kanya, siya ang makapagbibigay at kukumpleto sa isang masayang pamilya tulad ng nakikita ko ngayon.

Maya-maya isang kamay ang tumapat sa aking mukha na may hawak na ice cream. Napatingin naman ako sa taong nagmamay-ari nito.

"Gusto mo" ang sabi niya nang tignan ko.

"Ikaw pala Jerome" sagot ko sabay pahid ng mga luha sa aking mata.

"Kain ka muna pampalamig ng ulo" Kinuha ko ang icecream sa kanya. 

"Salamat." sabi ko sa kanya. Umupo siya sa kabilang swing.

"Nakita kitang nagtatakbong lumabas ng building kanina. Alam ko na sobra ang iyong kalungkutan. Kaya sinundan kita. Maaari kang magshare sa akin, para mabawasan ang bigat na nararamdaman mo."

"Jerome salamat sa malasakit. Isa ka talagang mabuting kaibigan."

"Kaibigan lang, hindi ba pwedeng bestfriend?" ang tanong niyang may halong biro. Napangiti naman ako sa kanya.

Katahimikan ang namayani sa aming dalawa ng mga oras na iyon habang kinakain namin ang ice cream. Alam ko na naghihintay lang si Jerome na iopen ko sa kanya ang lahat ng nararamdaman ko. Pero tumagal pa ito ng ilang minuto kaya siya na ang bumasag nito.

"Wala ka pa bang balak bumalik sa opisina?" ang una niyang tanong sa akin.

Bumuntong hininga ako bago sumagot. "Ako, hindi ko alam. Gusto ko muna dito magpalipas ng oras para makapag-isip."

"Maaari ko bang malaman kung ano ang mga iniisip moat saloobin mo, mas maganda kasi kung ilalabas mo yan. Tulad ng sinabi ko kanina, maaari mong ibahagi sa akin yan."

Doon na ako naglakas loob na sabihin sa kanya ang lahat ng nangyari. At sinimulan ko isalaysay sa kanya ang lahat samantalang siya ay nakikinig lang. Matapos noon ay napaiyak na naman ako, pero kahit papaano ay gumaan ang aking pakiramdam.

Bigla siyang tumayo sa swing at nilapitan ako. Umupo siya nang bahagya sa tapat ko at pinahid ang aking mga luha gamit ng kanyang daliri. "Ano na ang gagawin mo ngayon?" ang sunod niyang tanong sa akin.

"Hindi ko pa alam. Naguguluhan pa kasi ako sa mga nangyari eh" ang naisagot ko lang.

"Siguro, kailangan mo nang dumistansya sa kanya. Alam ko na masakit ito para sa iyo dahil sa pagmamahal mo sa kanya."

Napaisip ako sa payo niyang iyon sa akin. Tama siya, ako na mismo ang dapat lumayo sa kanya dahil patuloy lang akong masasaktan kung ipagsisiksikan ko pa ang sarili ko kay Kuya Carlo.

"Salamat  Jerome."

Pinahid niyang muli ang natitirang luha sa aking pisngi. "Ito lang ang maipapayo ko sa iyo bilang kaibigan, gawin mong basehan ang  mga nangyari sa iyo para makabuo ka ng isang desisyon." Tumango lang ako sa kanya bilang sagot.

Pagkatapos noon ay tumayo siya. Hinawakan niya ako sa aking mga braso at hinila ako para tumayo rin. "Tutal ay wala ka pang balak bumalik sa opisina , tara gumala tayo."

Napangiti naman ako sa sinabi niya. Alam ko na gusto lang niya akong tulungan upang mapawi ang aking kalungkutan, kaya pumayag ako. 

Nagpunta kami sa isang SM mall sa lugar na iyon. Habang naglilibot kami ay panay ring ang cellphone ko. Alam kong si Kuya Carlo iyon kaya pinasiya ko munang patayin ito. Kumain kami sa isang restaurant doon at pagkatapos ay sa Worlds of Fun. Maraming biniling token si Jerome kaya halos lahat ng machine doon ay nalaro namin. At ang pinakahuling ginawa ay ang pagkanta sa KTV booth.

Hindi na namin namalayan ang oras at inabot kami ng gabi. Nagpasiya si Jerome na ihatid na lang ako sa amin.

"Jerome maraming salamat ah kahit naubos ang pera mo" sabi ko sa kanya habang nakasakay kami sa jeep.

"Ok lang sa akin iyon. Bilang bestfriend ay gagawin ko ang lahat upang sumaya ka sa abot ng aking makakaya" ang sagot ni Jerome sa akin. Sinuklian ko siya ng isang matamis na ngiti.

Pagkababa sa jeep ay sabay kaming nagtungo ni Jerome sa aming bahay. Habang naglalakad ay panay ang kanyang pagkukuwento at pagsasabi ng mga jokes. Mababaw lang naman ako kaya napapatawa  ako sa mga sinasabi niya kahit na may pagkacorny ang mga ito. Hanggang sa makarating kami sa aming bahay.

"Tara pasok ka muna" ang paanyaya ko kay Jerome habang binubuksan ko ang gate.

"Sige" ang sagot niya at sumunod sa akin.

Hindi pa man kami tuluyang nakakapasok ay isang sigaw ang aking narinig mula sa labas.

"Rico!"

Napalingon naman kami sa pinanggalingan ng boses. Biglang lapit naman ng taong ito at isang suntok ang pinakawalan sa mukha ni Jerome na dahilan upang mapaupo siya sa semento.

"Bakit mo siya sinaktan?" ang pahayag kong may bahid ng pagkabigla. Nilapitan ko si Jerome at inalalayang tumayo.

"Dapat lang sa kanya yan, hindi marunong tumupad sa usapan." ang maangas na sagot ni Kuya Carlo. Alam ko ang tinutukoy niya ay ang pagdistansiya sa akin.

"Sa tingin mo may bisa pa ba ang kasunduang iyon sa mga nangyayari ngayon kay Rico" ang biglang pagsabay ni Jerome sabay punas ng dugo sa labi gamit ang kanyang mga kamay.

 "Aba talagang ginagalit mo ako ha!" Akmang susuntukin pa niya sana si Jerome nang harangan ko na siya.

"Pwede bang tumigil ka na. Wala kang karapatan na saktan si Jerome dahil wala siyang ginagawang masama!"

"Wala, tignan mo nga ang ginagawa niyang pang-aagaw."

"Hindi siya mang-aagaw, dinadamayan lang niya ako sa mga problema ko."

"Bakit sa kanya pa, nandito naman ako?"

"Dahil siya lang ang nakakaintindi sa akin, at kahit kailan ay hindi pa niya sinaktan ang damdamin ko di tulad mo."

Bigla namang lumabas si Nanay. "Anong nangyayari rito?" ang nagtatakang tanong niya.

"Jerome, sabay ka muna kay Nanay sa loob." ang utos ko sa kanya. "Nay pakigamot naman po siya" ang pakiusap ko kay nanay.

"Huwag mong sabihin na pinagpalit mo na ako sa kanya." ang medyo galit na tanong ni Kuya Carlo pagkapasok nina Jerome. 

"At kung sasabihin kong oo may magagawa ka pa ba? Di ba wala? Sa tingin ko nga ay dapat na natin itigil ang relasyon natin. Maghiwalay na lang tayo alang-alang sa pamilya mo." ang deretsahang sagot ko sa kanya. Bigla naman akong nagkalakas ng loob na sabihin ang mga bagay na iyon dahil sa nangyari kay Jerome.

"Masyado na akong nasasaktan sa mga nangyayari. Narinig mo naman lahat ng mga sinabi ni Marianne sa akin kanina. Binaba niya nang husto ang aking pagkatao at ako pa ang sinisisi niya sa mga nangyayari sa iyo."

"Kung anuman ang mga sinabi ni Marianne kanina ay ako na ang humihingi ng tawad" ang mahinahong pahayag ni Kuya Carlo.

"Hindi mo kailangang gawin iyon para sa kanya. Tama kasi siya. Alam kong mahal ka ni Marianne kaya ginagawa niya ang mga ganitong bagay. Gusto lang niya na mabuo ang inyong pamilya. Naiintindihan ko ang lahat ng ito kaya para sa ikaaayos ng lahat ay nararapat lang na putulin ko na ang pakikipag-ugnayan sa iyo."

Bigla naman akong nakaramdam ng awa sa sunod niyang ginawa. Yumakap siya sa akin at humagulgol.


----------------------------------------

Part 24 - Gay Pinoy Blog

----------------------------------------

Kinabukasan, pinag-usapan namin ni nanay ang lahat. Sinabi ko sa kanya ang aking desisyon. Masaya ako dahil ipinapakita niya sa akin ang kanyang suporta. Dahil dito ay mas lalo ko pa siyang minahal bilang ina.

Nagpatulong ako kay Jerome na makahanap ng pansamantalang tirahan namin ni nanay. Hinihintay kasi namin si kuya na nangakong maghahanap na ng lilipatan naming bahay sa Maynila. Alam na rin ng aking kapatid ang lahat dahil kinuwento ko ang mga ito sa kanya. Kung sa una ay botong-boto siya sa amin ni Kuya Carlo ay kabaliktaran na ngayon.

Ang umagang iyon ay ang magiging huling araw ko sa opisina. Magbibigay na kasi ako ng resignation letter. Ipinaalam ko na rin ito kay Kuya Carlo sa aming pag-uusap kagabi.

Maaga pa lang ay dumating na si Jerome sa amin para magsabay kami. Habang bumibyahe ay sinabi ko sa kanya ang tungkol sa resignation letter hanggang sa makarating kami sa opisina.

Pagkapasok ko sa office ni Kuya Carlo ay nakita ko siya na nakaupo. Sapo ng kanyang dalawang kamay ang buong mukha at ang buhok niya ay medyo magulo.  Nilapitan ko siya upang iabot na ang resignation letter.

Bahagya naman akong nagulat sa aking nakita nang tanggalin niya ang kanyang mga kamay sa mukha upang abutin ang letter. Sobrang maga ang kanyang mga mata na parang pinagsamang antok at magdamang pag-iyak.

Wala siyang naging pagtutol. Marahil ay natanggap na niya ang aking desisyon.

Pinagbuti ko ang pagtatrabaho sa araw na iyon. Sa buong araw na iyon ay walang ginawa si Kuya Carlo kundi tignan lang ako. Ewan ko pero nakakaramdam na ako ng awa sa kanya. Alam ko ang bigat ng kanyang salooobin pero ako pilit nilalakasan ang loob upang ipakita sa kanya na kaya ko at mapaninindigan ko ang lahat.

"Aalis na po ako Sir," ang pagpapaalam ko sa kanya ng hapon iyon. "Inayos ko na rin po ang lahat ng papeles para sa papalit sa akin"

"Sige, mag-ingat ka" ang kanyang tugon na may isang pilit na ngiti. Napansin ko ang pagtulo ng kanyang mga luha sa mga mata niya matapos sabihin iyon.

Habang pababa ako ay hindi ko maiwasang maluha muli. Sa tuwing maaalala ko ang kanyang kaawa-awang itsura ay napapaiyak ako. Pero tulad nga ng ginawa ko kanina ay pilit akong nagpapakita ng katatagan.

Sa lobby ay nakita ko si Jerome na nag-aabang. Hinatid na niya ako sa amin.

Kinabukasan ay nakuha ko na ang aking pinakahuling sahod. Malaking bagay ito upang magamit ito pangtustos sa aming paglilipat.

Isang linggo pa ang lumipas nang tawagan kami ni kuya at sinabing nakakita na siya ng aming lilipatan. Kaya agad namin sinimulan ni nanay ang pag-aayos ng aming kagamitan. At dumating na ang araw ng aming pag-alis. 

Habang isinasakay ang aming mga kagamitan sa isang nirentahang trak, napansin kong wala si Kuya Carlo. Hindi ko namang magawang itanong kay Titay Mely na kasalukuyang kinakausap si nanay kung nasaan siya baka kung ano pa ang isipin niya. Naisip kong mas mabuti na rin ito para hindi na kami lalong masaktan pa.

Halos magtatakipsilim na nang makarating kami sa bahay ni kuya. Samantalang ang mga gamit namin ay dineretso na sa lilipatan namin. Sabay-sabay kaming naghapunang tatlo. Habang kumakain ay napag-usapan namin ang mga nangyari. At sa pag-uusap naming iyon ay nabuo ang isang desisyon,  ang tuluyang kalasin ang anumang ugnayan namin sa pamilya ni Kuya Carlo. 

Lumipas ang mga araw ay naging maayos naman ang buhay namin maliban sa problemang pinansyal. Dahil sa nawalan ako ng trabaho ay nagkaroon kami ng kakulangan sa panggastos sa araw-araw. Pilit naming pinagkakasya ni nanay ang perang inaabot ni kuya sa amin. Kaya nagpasiya akong maghanap ng bagong trabaho.

Tumagal ng halos tatlong buwan na wala akong trabaho hanggang sa isang araw.

"Hello Jerome, napatawag ka."

"Rico, kamusta na nakahanap ka na ba ng trabaho?" ang tanong ni Jerome sa akin.

"Sa kasamaang palad, wala pa rin." ang matamlay kong sagot sa kanya.

"Ganyan pala diyan ano, nasa Maynila ka na pero pahirapan pa rin maghanap ng trabaho. Siyanga pala Rico bago ko sabihin ang dahilan ng pagtawag ko sa iyo eh may ibabalita muna ako sa iyo."

"Tungkol saan na naman yan"

"Kay Sir Carlo"

"Ano ka ba naman Jerome, diba nag-usap na tayo sa bagay na yan."

"Alam ko iyon pero sure ka bang ayaw mong malaman?"

"Ayoko na. Hindi ko na babalikan pa ang nakaraan." sagot ko sa kanya.

"Ganoon ba, sayang naman. Oh ito na lang sasabihin ko sa iyo, nakausap ko ang isa kong kaibigan dyan sa Maynila, meron daw ngayong on-going audition diyan sa isang kilalang fashion boutique."

"So ano ngayon?" ang medyo pagkawalang interes kong sagot.

"Ano ka ba, chance mo na yan, hindi biro ang salary na makukuha mo"

"Ano bang trabaho yan?"

"Naghahanap sila ngayon ng bagong model"

Nabigla ako sa sinabing iyon ni Jerome. "Model? hindi ako pwede diyan"

"Hindi mo ba susubukan, alam mo ba kung bakit kita nirerekomenda na mag-audition, kasi naniniwala ako sa kakayahan mo. Yung kaibigan ko na ang nagsabi, base sa itsura mo sa mga pinakita kong mga pictures sa kanya ay may potensyal ka."

"Pero Jerome...."

"Nasa sa iyo yan, isipin mo na lang ang hirap sa paghahanap ng trabaho."

"Sige Jerome salamat sa tulong, pag-iisipan ko muna ang bagay na yan." ang nasabi ko na lang sa kanya.

Kinagabihan, kinonsulta ko kina kuya at nanay ang mga sinabi ni Jerome sa akin.

"Anak, wala kaming pagtutol ng kuya mo kung papasukin mo ang pagmomodelo, pero iniisip ka lang namin. Kung matatanggap ka, magiging exposed ka sa mga tao, baka ito ang maging dahilan ng pagkrus ninyo ng landas ng Kuya Carlo mo"

"Opo nay, naisip ko na rin ang posibilidad na yan, naaawa na rin ako kay Kuya e, nakikita ko pong nahihirapan siya sa pagsusustento sa atin. Gusto ko lang po ay makatulong."

"Ang bait talaga ng kapatid ko" ang nasambit ni Kuya. Alam ko ang pagkatouch niya sa sinabi ko. "Sige tol, kung ano ang desisyon mo, susuportahan ka namin ni nanay."

Kinabukasan, agad kong tinawagan si Jerome upang hingiin ang address at pangalan ng binanggit niyang boutique. Pagkarating ko sa lugar, nakita ko ang dami ng mga taong nakapila roon para mag-audition. Pumunta ako sa information at kumuha ng number. Pagkatapos noon ay umupo ako sa isang mahabang bench doon kasama ang ibang nag-audition.

Ilang minuto na rin akong nakaupo at naghihintay nang may tumabi sa aking isang lalaki.

"Hey nag-aapply ka rin ba?" ang tanong ng lalaki sa akin na naging dahilan upang tignan ko siya. Napansin kong may kagwapuhan siya at medyo bata sa akin pero hindi nagkakalayo ang aming mga katawan.

"Ah eh oo." ang naisagot ko na lang.

"Ok, bakit mo naman naisipang mag-audition?" ang sunod niyang tanong sa akin.

"No choice ako eh, nagbabakasakali lang kasi problemado kami sa pera ngayon"

"Pareho pala tayo, alam mo halos lahat naman ng tao dito eh ganyan din ang problema." sabi niya sabay turo sa ibang mga taong naroroon.

"Kasi di biro ang mga benefits na makukuha mo kung sakaling makukuha kang model" ang dagdag niya.

Bigla naman akong nagkaroon ng interes sa kanyang mga sinasabi kaya hinayaan ko lang siya magpatuloy. "Mayroong isang model dito na biglang umasenso. Dahil sa kanyang pagmomodelo ay nakabili siya ng bagong bahay at kotse para sa kanyang pamilya.

"Talaga?"

"Oo pero dapat maging handa ka sa mga ipapagawa sa iyo. May pagkakataong rarampa ka sa stage ng nakabrief lang gaya ng mga nakikita mo as TV at magazines."

"Alam ko na ang bagay na yan" ang sagot ko sa kanya. 

"Hindi lang yan, meron ka pang dapat....." ang sunod sana niyang sasabihin nang biglang tinawag ang aking numero.

"Sige salamat ha, pasok na ako sa loob" ang paalam ko sa aking kausap.

Medyo kinakabahan ako nang pumasok sa room ng audition. Nang makapasok, tumambad sa akin ang dalawang tao, isang babae at isang bakla. Agad silang nag-umpisa sa pag-iinterview sa akin. Sa una ay sinabi nila ang tungkol sa kanilang boutique.

Pagkatapos noon ay marami silang tinanong sa akin kabilang ang aking personal background at ang dahilan ng aking pag-audition. At ang pinakahuling pinagawa akin ay ang paghuhubad ng aking pang-itaas na damit. Kita ko ang pagkamangha sa mata ng bading na nag-iinterview sa akin. Ewan ko pero parang nakitaan ko siya ng pagnanasa sa kanyang mga mata ngunit hindi ko na lang pinansin iyon.

"May itsura ka naman, maganda ang iyong katawan kaya youre hired. Please come early to the office on Monday." ang huling sinabi ng babae na lubos kong ikinatuwa. Ito na kasi ang katuparan ng aking pangarap na matulungan ang aking pamilya.

Dahil sa sobrang excitement ay agad akong umuwi ng bahay upang ibalita kay nanay ang nangyari.

"Talaga anak, sabi ko na nga ba matatanggap ka. Masaya ako para sa yo" ang masiglang sagot ni nanay sa aking binalita.

"Sa wakas po, makakaahon na rin tayo, hindi na rin mahihirapan si kuya." sabi ko sabay yakap kay nanay.

"Pero anak, sigurado ka bang itutuloy mo yan, alam mo naman siguro..."

"Na matutunton ni Kuya Carlo ang kinalalagyan natin. E ano naman kung magkita kaming muli, wala ring magbabago, tanggap ko na hindi kami para sa isat-isa at saka ngayon siguro ay kasal na sila ni Marianne.

"Sige anak, pagbutihan mo na lang. Tandaan mo na nandito lang kami ng kuya mo para sa iyo." sagot ni nanay sabay haplos ng aking ulo.

Sa mga sumunod na araw ay wala akong ginawa kundi maghanda para sa aking bagong trabaho. Sa tulong ni kuya ay nagpagupit ako ng buhok, nagpafacial ng mukha, at nag-exercise sa isang gym na malapit sa bahay. 

At dumating ang araw ng aking pagsisimula.

Itutuloy......


If you wish to share your own pinoy gay stories, you may send your stories at gaypinoystories@gmail.com.

We also value your privacy, if no author's or pen name provided, we will simply use "Anonymous" as the sender.

Thank you very much and we are looking forward to all your Pinoy M2M stories and other kwentong malilibog stories to share in our pinoy gay blog.

Post a Comment

[blogger]

Author Name

Contact Form

Name

Email *

Message *

Powered by Blogger.