Saturday, March 7, 2020

Most Valuable Player (A true to life story) Part 18

by: sympaticko

CHAPTER 18

Inaantok pa talaga ako pero pilit ko yun nilalabanan para naman may makausap si Kevin. Baka kasi antukin sya habang nagmamaneho, mahirap na. Kung ano-ano nalang ang mapagkwentuhan namin. Pati si Doraemon, son Goku, Sakuragi at Naruto ay nasali sa usapan. Masarap naman kausap si Kevin, hindi ka maiinip sa kanya.

Nasa 70-80 kph lang ang takbo namin. Maganda ang byahe dahil wala pa gaanong sasakyan sa lansangan.

“Mark... ilang beses kana napunta ng Baguio?”

“Three times palang.”

“Kelan yung huli?”

“Halos tatlong taon na.”

“Sino naman kasama mo?”

“Si Mariel... nung nagrereview sya for her board exam.”

“Swerte ni Mariel sayo noh.”

“Swerte din naman ako sa kanya.”

Hindi na sya kumibo kaya minabuti ko ng baguhin nalang ang usapan.

“Ikaw ba ilang beses ka na napunta ng Baguio?” tanong ko sa kanya.

“Once.”

“Once?! Nagbibiro ka ba? Alam mo naman daan papunta dun?”

“Madali lang yun.”

“Kelan ka ba huling napunta ng Baguio?”

“Nung bata ako, mga 10 years old.”

“Ano? Baka naman sa Batanes tayo mapunta nyan.”

Nakuha pa nyang matawa sa lagay nayun.

“May map naman tayo. Binili ko sa National bookstore. Three days ko yung pinag-aralan.”

Ano kaya palagay ng Kevin nato? Parang nung unang panahon lang... parang sila Magellan at Columbus, compass at mapa lang ay makakapaglayag kana.

“Sige ikaw na bahala. Kahit saan tayo mapunta okey lang. Kahit sa South China Sea pa.”

“Ikaw naman wala ka kasing kabiliv-biliv sakin eh. Basta ako bahala sayo.”

Pag tungtong namin ng Pangasinan, almost six o'clock na nun, pasikat na ang araw, dun na kami nagsimulang magtanong-tanong sa bawat mahintuan namin. Kung kanina medyo mabilis ang byahe ngayon mabagal na kasi panay ang tingin namin sa mga signage sa daan. Ilang beses din kami huminto para buksan ang mahiwagang mapa ni Kevin. Hindi naman kahirapan yung daan paakyat ng Baguio kasi tuloy-tuloy lang yun. Puro national high-way lang ang babagtasin mo. After almost two hours sa wakas nakalabas narin kami ng Pangasinan. Sa Marcos high-way na kami dumaan dahil mas safe daw dun, mas maluluwang ang mga daan.

Exactly nine o'oclock nasa Baguio na kami. Naghanap muna kami ng makakainan. Syempre sa Jolibee ulit. Ang dami namin inorder at yung iba take-out nalang. After that we decided to go to church. Cathedral yung pangalan ng simabahan kung hindi ako nagkakamali. Yung famous church ng summer capital, malapit sa SM Baguio. Basta dun yun. Nag-research daw kasi sya ng mga lugar na pwedeng puntahan sa Baguio. Ilang beses ulit kaming nagpahinto-hinto para magtanong. Buti nalang hindi pa kami naliligaw.

Pumasok kami sa loob ng simbahan. Sa gilid kami dumaan. Kakaunti lang ang tao sa loob kaya sa bandang dulo kami pumwesto. Magkatbi kami, tahimik lang at nagmamasid-masid. Saglit lang kami duon at agad narin kaming umalis. Dumaan kami sa SM Baguio para bumili ng pagkain namin sa bahay. Isa pa magluluto daw sya ng adobo mamaya para sa dinner namin. Mga one hour lang ang tinagal namin duon at umalis na agad kami.

Naghanap-hanap kami ng bahay sa paligid ng Burnham Park. Mas gusto daw kasi nya ng isang buong bahay na ma-rerentahan kaysa sa hotel.

Inabutan na kami ng ulan sa paghahanap ng bahay. Sobrang lakas ng buhos ng ulan. Wala pa naman kaming dalang payong. Wala din daw nadalang jacket or kahit anong panglamig si Huget para sa amin dahil summer na summer pa naman sa Pampanga nung umalis kami. Halos walang makita sa daan kaya nagpasya kami na pumarada muna sa isang gilid malapit sa park. Hintayin muna namin na tumila ang ulan.

Halos isang oras na simula nang bumuhos ang malakas na ulan. Hindi man lang humihina kaya nagpasya na kami na ipagpatuloy na ang paghahanap ng bahay. Laging si Kevin ang bumababa ng kotse para makahanap ng bahay.

Ilang beses din kami nagpaikot-ikot malapit sa siyudad at sa wakas may nahanap din kami. Isang malaking unit sa isang building malapit sa Burnham park. Alam ko condo units mga yun na pinarerentahan ng mga owners kapag naka-vacant yung space. May dalawang bed room, isang banyo, may sala, may water heater at kumpleto appliances. May kamahalan ang bayad namin sa bahay na tutuluyan namin sa loob ng tatlong araw. May savings naman daw sya at matagal nya yun pinag-ipunan kaya okey lang. Pero sa akin hindi yun okey. Nahihiya syempre ako.

“Basang basa kana. Magpalit kana agad.”

Tumango lang sya. Parang kakaiba ang kilos nya. Ako na ang naglabas ng bihisan nya para makapagpalit na agad. Inayos ko narin ang mga gamit namin para ilagay sa cabinet. Sa isang kwarto nalang kaming dalawa tutal malaki naman ang bed. Sya naman ay diretso na sa kitchen para magluto. Tahimik lang sya gumagawa kaya nakakapanibago.

“Kevin okey ka lang?” tanong ko habang nasa kwarto at sya naman ay nasa kitchen.

“Yup. Pahinga ka muna, mamaya ready nato.” tugon nya. Iba talaga ang tono ng boses nya. Baka pagod lang siguro.

Hindi ko na namalayan na nakatulog na pala ako. Haaaaay. Ang sarap kasi matulog, ang lamig at umuulan. Malakas ang buhos ng ulan, parang hindi man lang humihina.

____________________________________________


Nagising ako dahil sa sunod-sunod na text messages at missed calls na natanggap ko. Si yaya pala, nag-aalala na sakin. Agad ko naman nireplyan para sabihin na okey lang ako. Hindi ko pa sinasabi na nasa Baguio ako at baka mas lalong magalala yun.

Eight o'clock na pala ng gabi. Apat na oras na pala akong nakatulog. “Oo nga pala nagluto si Kevin. Bakit kaya hindi nya ako ginising?” lumabas ako ng kwarto, ang lamig. Nakabukas pa yung sliding door papuntang terrace kaya sinarado ko muna yun. Wala si Kevin sa sala, wala din sya sa kitchen. “Saan kaya nagpunta yun?” binuksan ko yung pangalawang kwarto, naka-off yung ilaw kaya binuksan ko. May nakatalukbong ng blanket kaya nilapitan ko. Nakatulog din siguro si Kevin. Hayaan ko muna siguro sya na magpahinga at baka napagod sa mahabang byahe. Wala pa nga palang tulog si loko simula kagabi. Kawawa naman.

“M...a...r....k....” mahina nyang tawag kaya agad ko uli syang nilapitan. Binuksan ko ang blanket at bumungad ang isang Kevin na naka fetal position. Nagchi-chill sya kaya agad kong sinalat ang kanyang nuo. Ang init! Sobrang init nya. Kinabahan ako sa kanya lalo na nung mapuna ko ang kanyang labi na sobrang pula.

“Mark ang ginaw...” nanginginig pati boses nya.

“Bakit hindi mo agad ako tinawag. Masama na pala pakiramdam mo.”

“Mark naman, wag mo na ako pagalitan.”

“Oo nga naman Mark. May sakit na nga ang tao tapos papagalitan mo pa.” sabi ng konsensya ko. Binalot ko ulit sya ng blanket.

“Kevin saglit lang ha. Hahanap lang ako ng gamot.” dali-dali akong bumaba ng unit para magtanong ng gamot sa mga tao sa baba. Buti nalang may nakuha akong isang paracetamol tablet bigay ng guard na nakaupo sa harap ng building.

“Kevin uminom ka ng gamot oh.” agad naman nya yun ininom. Sobrang init parin ng katawan nya.

Nung mawala na yung pagchi-chill nya, inalis ko na yung blanket na nakabalot sa kanya. Kumuha ako ng isang planggana na may malamig na tubig at bimpo para punasan sya.

Hinawakan nya ang aking kamay na may hawak ng bimpo nang maramdaman nyang dumampi yun sa mukha nya.. “Mark wag... giniginaw ako.”

“Mataas ang lagnat mo kaya dapat bumaba agad. Baka mag-convulsion ka.” tugon ko naman.

“Basta Mark dito kalang. Wag mo ko iwan.” hawak parin nya ang kamay ko. Nangingig parin sya. Nakapikit habang nagsasalita Namumula sya lalo na ang mga labi dahil narin siguro sa init ng katawan.

“Nandito lang ako Kevin. Hindi kita iiwanan.” mas lalo pang humigpit ang hawak nya sa kamay ko.

Hinaplos ko ang buhok nya. Nahiga ako sa tabi nya. Unti-unti akong lumapit sa kanya hanggang sa maramdaman kong magkadikit na ang aming mga katawan. Sinubukan ko parin na punasan sya ng malamig na bimpo pero ayaw talaga nya.

“Kevin kapag hindi bumaba lagnat mo, dadalhin kita sa ospital.”

“No... Please... basta dito ka lang Mark.. wag mo ko iwanan..”

Niyakap ko sya ng mahigpit, sobrang higpit. Ang bilis ng takbo ng puso nya, ramdam ko yun. Kinakabahan parin ako. Nakapikit lang kasi sya, naaawa ako. Hindi sya nakatulog kagabi at malamang ganon din sa mga nagdaang gabi para lang sa pagpaplano ng lakad nato. Late ako ng ilang oras kaninang umaga pero naghinatay parin sya, nakangiti pa ng makita ako imbes na magalit. At ngayon, nabasa sya sa ulan dahil ayaw nya na ako ang mabasa. Nahihiya ako sa sarili ko dahil hindi ko nakikita ang mga ginagawa nya. Hindi ko man lang magawang pahalagahan yun.

“Kevin....”

“Hmmm...”

“Salamat ha?”

Hinawakan nya ulit ang kamay ko. Hindi man sya sumagot, alam kong naintindihan nya ako.

Nakapikit sya. Unti-unti ko nilapit ang mukha ko sa mukha nya. Gusto ko sya halikan pero natatakot ako. Tinitigan ko ang maganda nyang mukha, ang mahabang nyang mga pilik mata, ang mapupulang nyang labi, ang makinis nyang pisngi, ang matangos na ilong, lahat maganda... pinakiramdaman kong mabuti ang sarili ko. Pinakinggan kong mabuti ang puso ko. Nakipagusap akong mabuti sa isip ko.

Hinalikan ko sya... Hinalikan ko sya sa nuo... matagal na dumampi ang mga labi ko sa parte nayun...


“Kevin salamat.... mahal kita... pero bilang kaibigan lang talaga...”

Nakita kong unti-unting pumatak ang luha sa kanyang mata. Pinunasan ko yun agad. Unti-unti syang bumitaw sa pagkakahawak sa aking kamay. Nararamdaman kong inilalayo nya ang kanyang katawan sa aking pagkakayak. Nakapikit parin sya pero pumapatak ang luha. Hindi ko namalayan na pumapatak narin pala ang aking luha. Hindi ko mapigilan. Nadadala ako sa emosyon.

“Sorry” bulong ko. Mas hinigpitan ko pa ang yakap sa kanya.

Wala akong nakuhang pagtugon mula sa kanya...

“Pinilit ko pero wala talaga... sorry...”



Tama ba ang ginagawa ko? Hindi ko man lang inisip ang kalagayan nya. Bakit ngayon pa? Bakit?



“Ganito ba talaga yun? Hindi ko maramdaman yung sinasabi ko... parang hindi sumasang-ayon ang puso ko.. ang bigat bigat.” 
Share:

0 comments:

Post a Comment