Monday, March 23, 2020

Most Valuable Player (A true to life story) Part 35

by: sympaticko

CHAPTER 35

Nahimasmasan ako sa mga sinabi nya. Nabigla man pero tanggap ko naman yun.

Tumayo ako. Kahit medyo nahihilo pa, buong tapang akong humarap sa kanya. Tinignan ko siya, diretso ang tingin sa akin, mukhang galit parin.

“Sinasabi mo ba na lumayo na ko sayo?”

“Oo.” mabilis niyang sagot. Seryoso ang kanyang mga mata.

“Ano dahilan mo?”

“Marami.”

“Katulad ng?”

Lumapit siya sa akin. Hinablot niya ang sando ko, halos mapunit yun sa pagkakahawak niya. “Lagi ka nalang bang magmamaang-maangan Mark? Hindi naman ako tanga. Hindi ako bulag, hindi ako bingi at lalong hindi ako pipi para hindi magsalita.”

Kinuha ko ang kamay niya na nakahawak sa damit ko, inalis ko yun gamit ang buong kong lakas, napunit yun, nahati pababa. “Ang siga mo naman.” mahina kong sambit. Sa totoo lang natatakot ako sa kanya.

“Mark alam mo ba na lahat ng hindi ko kayang gawin dati, nagawa ko para sayo. Kinain ko ang pride ko, binaba ko sarili ko, muka nakong aso na sumusunod, para na akong timang na naghahabol sayo, namamalimos ng atensyon mo, ano pa ba?”

Ayan na nga ba ang sinasabi ko eh. Imbes na magsalita, napayuko nalang ako, tumalikod, humakbang, naglakad papalayo... sa kanya.

“Ano Mark tatakas ka na naman? Naduduwag ka na naman ba?”

Natigilan ako. “Eh kasi...”

“Anong kasi? Wag mo sabihing lasing ka.”

“Eh kasi... eh kasi natatakot ako.”

Akala ko dati kapag nakainom ka, malakas ang loob mo, matapang ka pero kabaligtaran ata ang nangyari sa akin.

“Ano na naman yan Mark?”

“Natatakot kasi ako sayo. Baka sapakin mo na naman ako.”

“Nakakatawa ka naman Mark. Ang laki-laki mo tapos natatakot kang masuntok.”

“Eh ikaw kaya sapakin sa mukha.”

“Oh sige sapakin mo rin ako para matahimik ka na.”

“Eh alam mo naman na hindi ko kayang gawin yun.”

“Ang arte mo.”

“Ikaw nga jan eh. Kadrama mo. Ano palagay mo ikaw si John Lloyd Cruz na umaakting sa MMK?”

“John Lloyd? Kabaduy mo naman Mark. Siguro idol mu yun noh? Tapos may nalalaman ka pang MMK.”

“Hindi ah.”

Tinuro niya ako. Seryoso parin ang kanyang mukha. “Ikaw Mark. Hindi ko pa nakakalimutan yung mga kasalanan mo. Wag mo ibahin yung usapan.”

“Sorry.” Ngumiti ako. Ginaya ko ang style niya kapag nagagalit ako sakanya, dinadaan sa ngiti. "Hindi bagay sayo magalit. Sorry na ulit."

“Sige na matulog kana.”

"Hindi ka na galit?"

Napabuntong hininga siya, napapikit, napa-isip.

"Sige sige."

"Sabi ko nga ba hindi mo ko kayang tiisin eh. Hahaha."

"Sige na matulog kana jan."

“Tara?”

“Ayoko tumabi sayo.”

“Bakit naman?”

“Ang baho mo.”

Inamoy ko ang sarili ko. Parang hindi naman.

“Loko ka. Hindi naman ah.”

“Akala mo lang yun. Maligo ka muna bago kita tabihan.” sa wakas ngumiti na siya.

“Buset.”

Naligo naman akong mabuti, nagsabon, nagpabango. Mabilis naman nawala ang amats ko kaya itinuloy namin ang planong manuod ng movie. Sayang naman kasi yung nirent niyang projector at binili niyang dvd kundi namin yun itutuloy. Parehas kaming mahilig sa mga action movies lalo na kapag war ang tema. Hindi namin napanuod ang 'Saving Private Ryan' nung mag-showing ito few years ago kaya napagkasunduan naming yun ang panuorin.

Nakapatay ang lights sa loob ng room, mahinang liwanag mula sa screen lang ang nagsisilbing ilaw sa loob. May mga snacks, may drinks... para talaga kaming nasa loob ng movie house, ang pagkakaiba nga lang, dalawa lang kami na laman.

Magkatabi kami, nakasalampak sa sahig, nakasandal sa baba ng kama, magkahawak ang kaway habang tahimik na nanunuod ng pelikula. Napapahigpit ang aming kapit sa isa't-isa tuwing tataas ang tensyon ng mga eksena. Sa kabuuan, mukang na-enjoy naman namin parehas ang palabas.



Monday, maaga akong gumising para maagang makagayak. Sinundo ko si Kevin sa bahay nila. Nabigla si loko dahil first time ko yun gawin sa kanya. Kung dati-rati siya lagi ang sumusundo sa akin sa bahay, ngayon pagkakataon ko naman para bumawi sa kanya.

“Mark bakit parang ang saya mo. Todo smile ka kanina pa. Nakakapanibago.”

“Bakit mo naman yun nasabi?”

“Matagal-tagal narin kasi kitang hindi nakikitang ganyan ang aura. Bumalik ka na sa pagiging magulo kaya balik ingay na din ang mga alipores mo. Back to normal na ang klase.”

“Hindi naman. Hahaha.”

“Pero mas cute ka kapag kanyan ka, laging nakangiti, nakatawa, magulo, makulit. Yan si Mark na kilala ko. Yan si Mark na...”

"Na?"

"Nevermind."

“Hehe. Oh Sige Maggie, mauna nako sayo.”

“Wait Mark sabay na tayo mag lunch.”

“Nako sorry hindi pwede eh.”

“Bakit naman?”

“May kasama na kasi ako.”

“Ganon ba? Sino naman?”

“Si Kevin.”

“Ah... Sama naman ako sa inyo.”

“Nako sorry ulit Maggie. Hindi talaga pwede, may mahalaga pa kasi kaming pupuntahan. Sige maiwan na kita. Kita-kits nalang mamaya sa next subject. Bye.”

Lumabas kami ng school, dinalaw namin si pareng Jollibee para dun maglunch. Namiss kasi namin kulitin ang kanyang mga empleyado at syempre ang kanyang meal na B3.

Pagbalik namin sa school, tuloy na siya sa klase niya habang ako naman ay diretso sa library para magpalipas ng oras habang hinihintay ang next class. Sinusubukan ko din kasi na gumawa ng letter for Kevin. Minsan lang naman ako maging baduy kaya susulitin ko na. Kagabi ko pa yun binubuo sa isip ko pero nahihirapan akong makumpleto. Ilang papel din ang nalukot, napunit at maraming tinta rin ang nagamit ko. Sa wakas nagawa ko rin. Sana magustuhan niya.



“Kevin may email ako sayo. Check mo nalang kapag may time ka.”

“Okey.”

After thirty minutes nagtext siya.

Beep. Beep.

“Thank you Mark.”

“Hehe. Nagustuhan mo ba?”

“Naiyak nga ako.”

“Hehe.”

“Mark, I love you.”

Binitawan ko ang cellphone ko. Humilata, humiga, huminga ng malalim, nag-isip. Bumalik ako sa kahapon, nung una ko siyang nakita, nakilala. Naglakbay ang diwa ko, lahat ng araw na siya ang kasama ko, dinaanan ko ang lahat ng mga nangyari sa buhay ko kasama siya, masaya, malungkot, kulitan, kadramahan, iyakan, sapakan, sapatos, adobo, Jollibee, Baguio, Love will keep us alive, Manila bay sunset, rooftop, bla... bla... bla...

Napatagal ata ang magmumuni-muni ko...


“Mahal na mahal din kita Kevin.” 
Share:

0 comments:

Post a Comment