Saturday, March 21, 2020

Most Valuable Player (A true to life story) Part 33

by: sympaticko

CHAPTER 33

Hapon na kami umalis ni Kevin dahil tinulungan pa namin si yaya na maglinis ng buong bahay. Natambakan kasi siya ng ga-bundok na labahin. Si Kevin naman ay napilitang magwalis, mag-agiw at maglampaso ng sahig, halatang hindi sanay sa gawaing bahay habang ako naman ay nanuod ng tv. hehe.

“Uy Mark. Kanina ka pa tahimik jan? Kinakabahan ka ba?”

“Hindi ah...”

“Hindi naman kumakain ng tao ang pamilya ko. Tsssk.”

“Bugok.”

“Si daddy at mommy kilalang-kilala kana. Yung kuya ko parang ako lang kaya wag ka mag-alala. Yung isa naman ganon lang yun, tahimik, pero mabait. Ihanda mo lang ang sarili mo sa dalawa kong pamangkin, mapapasabak ka. Hahaha.”

“Uto. Mag-drive ka nalang jan para masaya.”

Almost nine o'clock na nang dumating kami sa bahay nila. Naipit kasi kami sa traffic dahil sa bugso ng mga sasakyan sa daan, palabas ng Metro.

Agad kami pumasok sa bahay nila at sakto nandun naman sila tita.

“Oh ijo long time no see ha.” pagbati ni tito Jamie.

Agad naman akong lumapit sa kanila.

Nung mga nakaraang araw kasi, hindi ko na sila madalas makita. Busy daw sa work kaya ang anak nilang si Kevin halos sa bahay na nakatira.

Lumapit si Kevin sa kanyang mommy, yumakap, humalik.

“Oh Kevin tawagin mo na sila sa taas para makakain na tayo.”

Agad naman pumanik si Kevin sa taas para tawagin ang kuya at ang pamilya nya at ang kanyang nakababatang kapatid.

Ilang sandali pa'y magulong nagbabaan ang ibang kapamilya. Nakapasan kay Kevin ang isang pamangkin habang ang isa naman ay nakasabit sa kanyang leeg.

“Mark this is my kuya Alex.”

Inabot ko naman ang aking kamay at tinanggap naman nya yun agad. Tama si Kevin parang sya lang ang kuya nya, malakas ang dating, kalog din.

“This is ate Michelle, kuya's wife.”

Kumamay nalang ako imbes na magbeso-beso. Para siyang dalaga, ang ganda nya. Bigla tuloy akong nahiya sa kanya.

“Cris Angelo”

Nagkakilala na kami dati pero saglit lang kami nagkasama, nagkausap. Madalas syang laging wala sa bahay dahil sa duty at lakwatsa. Kung si Kevin ay kalog, si Angelo ay laging seryoso. Tama si Kevin, tahimik lang sya pero ang lakas ng dating... ang kanyang tingin...

Ang huling pinakilala ni Kevin ay ang malilikot, makukulit, maiingay nyang mga pamangkin. Lagi sa kanya nakasunod ang mga ito. Halatang miss na miss si loko.

“Malamig na ang pagkain. Tara na kumain.” sabi ni tita.

Kinuha ni tito Jamie ang kamay ni tita.

Kinuha ni kuya Alex ang kamay ng asawa, kasama ng kanilang mga anak.

“Tara na Mark.” aya ni tito.

Nagulat nalang ako ng biglang kinuha ni Kevin ang kamay ko. Napatingin tuloy si Cris na katabi lang namin.

Ang daming pagkain na nakahain, parang fiesta. Magkatabi kami ni Kevin, sobrang lapit namin.

“Oh Mark kumusta studies nyo ni Kevin.” tanong ni tito.

Napatigil ako sa pagsubo ng pagkain. “Okey naman tito. Ayun po lagi ko pong tinutulungan si Kevin sa assignments nya.”

Bigla akong tinapakan ni Kevin, siniko, tinitigan.

“Nako Mark nakakahiya naman sayo.” sabi ni tita.

“Okey lang po yun.” ngumiti naman ako.

Patay ako mamaya nato.

“Baka naman puro chicks inaatupag nyo.” sabat ni kuya Alex.

Nagkatitigan kami ni Kevin. Wala ni-isa ang sumagot sa amin.



************************************************


After dinner nagkaroon pa kami ng time para makapagkwentuhan. Para na talaga akong kapamilya dahil hinayaan lang nila akong makasama sa ilang mga personal na usapan. Ang saya ng pamilya nila. Naikwento ko rin ang ilang parte ng buhay ko. Naalala ko tuloy ang pamilya ko sa Canada, namiss ko sila bigla. Si Kevin naman todo iba ng topic, lagi nya akong sinasalo kapag alam nyang nalulungkot na ako.

Nilapitan ako ni tita, hinaplos ang buhok ko. “Mark... anak... ituring mo sana kaming parang sarili mo naring pamilya. Basta open lagi ang bahay namin para sayo... Wag kayo maghiwalay ni Kevin...” tinapos nya yun ng isang malalim na ngiti, ngiti ng isang ina. Ang lakas ng dating sakin nun.

Tinignan ko sila isa-isa. Sinipat ko ang kanilang reaksyon. Para kasi sa akin, baduy ang eksenang yun pero sa kanila hindi, seryoso silang lahat.

Binago ni Michelle ang takbo ng usapan. Madrama na kasi ang nagiging agos ng kwentuhan. Malamang napapansin nya na hindi ako komportable sa ganong eksena. “Mark nasan girlfriend mo?” tanong nya. Muli naging masaya ang buong bahay, lahat mukhang interesado sa sagot ko.

Tumingin muna ako sa kay Kevin. “Ah... wala...” umiling ako.

“Halata nga... halatang nagsisinungaling. hahaha.” sabat naman ni kuya Alex. “Ganyan din ako dati... dati nung binata pa ako.” nagtawanan ang lahat maliban kay Cris na seryosong nagmamasid.

“Si Kevin naman... may kinahuhumalingan na ba sa school nyo?” tanong naman ni tita.

Tumingin ulit ako sa kanya.

“Hindi ko po alam... tita...” ang likot ng mga mata ko. Kung saan-saan yun nakakarating.

“Simula kasi magbreak sila ng ex gf nya last year, naging seryoso na yan, naging tahimik bigla. Hindi na sumasama sa mga kaibigan, madalang ng lumabas. Buti nga nanjan kana Mark. Napansin kasi namin na malaki ang pinagbago ni Kevin nung maging magkaibigan kayo. Kaya nga nung nagpaalam yan sa amin na lilipat ng school, nung una hindi namin pinayagan pero nakita namin kung gaano sya kadesididong lumipat, nakita namin na mukhang masaya naman sya... ayun pinayagan narin namin dahil alam namin nanjan ka.”

Natahimik ako bigla. Wala kasi akong alam sa part nayun ng buhay ni Kevin. Aminado ako na hindi talaga ako nage-effort na mas makilala pa siya... ng mas malalim pa. Kung sino si Kevin na lagi kong kasama, yun lang ang Kevin na kilala ko.”

Pinagmasdan ko si Kevin. Flat affect lang siya, wala akong mabasa sa mukha nya... seryoso, wala paring imik.

Nahihiya ako sa sarili ko... nahihiya ako dahil hindi ko man lang yun alam... hindi ko man lang yun inalam...


*******************************************


Tatlo kami sa isang kwarto. Ako, si Kevin at si Cris. Hindi gaanong malaki ang espasyo. Sa kama si Cris at sa baba naman kami ni Kevin, sa nakalatag na kutson.


“Kevin tumigil ka.”

“Bakit niyayakap lang naman kita.”

“Psssst. Wag ka nga maingay.”

“Kasungit mo naman.”

“Makita tayo ng kapatid mo.”

“Tulog na yun.”

“Psssst. Hinaan mo yang boses mo.”

“Namiss lang kasi kita eh.”

“Namiss? Bugok ka ba? Magkasama lang tayo kanina.”

“Eh basta.”

Wala na akong nagawa, hinayaan ko nalang sya.

“Kevin...”

“Oh?”

“Sorry pala...”

“Sorry? Saan?”

“Marami pa pala akong hindi alam sayo. Hindi man lang ako nag-effort na...”

Dumampi sa aking labi ang kanyang malambot na daliri, pinigilan na nya akong magpatuloy pa... sa pagsasalita. “Psssst. No need to explain Mark...” mas humigpit pa ang kanyang yakap.

Hinayaan ko nalang sya... hinayaan ko nalang syang humakap hanggang gusto nya.

Nagising ako. Ginala ko ang aking mga mata... umaga na pala... may araw na...

Tulog na tulog parin si Kevin, nakatalikod ako sa kanya... sya naman ay nakayakap parin sa akin, simula kagabi hanggang magising... magkalapit na magkalapit ang aming mga mukha...

“Teka. Oo nga pala si Cris.”

Mabilis kong inalis ang kamay ni Kevin. Mabilis kong inalis ang kanyang paa na nakapatong sa akin. Tumayo ako agad para tignan ang kapatid nya.

Nakaligpit na ang higaan nya.

Bumangon na pala.




Oh my...


Patay don! 
Share:

0 comments:

Post a Comment