Wednesday, March 18, 2020

Most Valuable Player (A true to life story) Part 30

by: sympaticko

CHAPTER 30

Kung kaya ko lang ibalik ang nakaraan, gagawin ko. Mas pipiliin kong hindi ko nalang makilala ang isang Kevin Huget sa buhay ko. Nagbago ang buhay ko, mas nagbago ang buhay nya. Nasasaktan ako ng sobra dahil nasasaktan ko sya.

Kung alam nyo lang kung gaano kabigat sa pakiramdam tuwing ako ay papasok na hindi sya kasama. Ang bagal ng pagdaan ng mga oras ko nung nawala sya sa buhay ko.

Nung mga unang araw, madalas kaming magkasalubong sa mga pasilyo ng eskwelahan. Lagi syang may kasama at ganon din naman ako. Kilala na ako ng mga kaibigan nya at ganon din naman sa akin kaya hindi maiiwasang magkabatian at konting kwentuhan kapag nagkakasalubong sa mga daan. Nagkaka-ngitian parin naman kami ni Kevin pero hanggang dun nalang. Madalas magtanong ang mga kaibigan namin kung bakit hindi na kami laging magkasama, nagtataka silang lahat pero hindi na namin yun pinapansin pa.

Dumaan ang mga araw. Akala ko magiging madali lang ang lahat pero hindi pala, nagkamali ako. Ang hirap pala magkunwaring kaya mo na. Ginawa ko ang mga dati kong gawi tulad ng pagsama-sama sa mga dating mga kaibigan, paminsan-minsang labas at inuman, pagpunta sa mga dating tambayan, bla bla bla...

Lumipas ang mga araw. Patuloy ko parin tinatahak ang napili kong landas, mahirap, mabagal pero pilit kong hinahakbang ang aking mga paa pasulong, hindi lumilingon sa kahapon.



*************************************************


Wa-epek ang ingay ng alarm clock sa akin. Hindi ako nagising sa paulit-ulit na pag-iyak ng alarm. Marahil ay dahil narin sa sobrang puyat na dulot ng nagdaang gabi. Hindi na naman kasi ako nakatulog agad dahil sa kakaisip ng kung ano-ano.

Maaga naman ako nakarating sa school... maaga para sa next subject. Absent na naman ako sa first subject, may quiz pa naman kami dun. Kakausapin ko nalang siguro professor ko. Kailangan ko nga lang mag-isip ng magandang dahilan para makalusot.

Hihikab-hikab pa ako habang naglalakad pagpasok ng school. Marami akong nakitang mga kaibigan na nakatambay sa gilid gilid pero hindi ko sila nilapitan. Patay malisya lang ako kasi pag nagkataon matatambay lang ako kasama nila.

Nagpatuloy lang ako maglakad, mabagal, parang pagong sa kupad. Para akong naglalakad sa ilalim ng buwan.

“Psssssst.”

Hindi ko nilingon. Ayokong tumambay.

“Psssssst.”

Buset. Gusto kong pumasok! Hindi ko ulit nilingon.

“Hindi ka na namamansin.”

Nasa likod ko na ang boses, malapit na sa akin. Hindi ko parin pinansin.

“Absent ka sa first subject mo.”

Mas malapit na boses kaya mas nakilala ko ang kanyang tinig, pamilyar.

Huminto ako at agad nilingon ang likuran.

“Uy.”

“Oh bakit para kang nakakita ng multo?”

“Uy Kevin.”

“Tignan mo itsura mo. Haggard na haggard ka.”

“May mga requirements lang akong tinapos kagabi.” paliwanag ko.

“Hindi ako naniniwala.” ngumiti sya, ang kanyang ngiting nakakagago.

“Loko good boy nato.”

“Tamad nga lang.”

“Loko hindi ah.” napakamot tuloy ako ng ulo. “Bakit ka nga pala naglalakad?” dagdag ko.

“Madalang nako magdala ng kotse eh.”

“Ha? Bakit?”

“Eh wala kana eh. Wala nakong kasama.”

“Oh sige na alis nako. May gagawin pa ako.”

“Ingat.” mahina nyang sambit. Ngumiti muli sya.

Tumalikod ako at nagpatuloy sa paglalakad.

Hindi kami magka-klase ni Maggie sa araw na yun pero madalas kaming magkasalubong, walang pansinan. Maliit lang ang mundo para sa amin. Magkasama kami sa iisang building.

Maaga na naman akong umuwi sa bahay. School-bahay-school lang ako lately hindi gaya dati na inaabot ako ng hating gabi .


*************************************************


Nasa isang lugar ako na madilim, nag-iisa, natatakot. Naglakad ako ng naglakad, sobrang layo ng nilakbay ko pero tila walang katapusan. Sa mga daan na aking nilagpasan, wala ako ni-isang nakita o naka-usap manlang. Pawis na pawis ako, pagod na pagod, takot na takot, hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng paglalakbay na ito.

Tinahak ko ang isang madilim, nakakatakot na daan. Sa dulo ay may maliit na lagusan, may konting liwanag akong nakikita. Nagkaroon ako ng konting pag-asa na makaalpas sa tila kawalan. Nagmadali akong naglakad, tumakbo patungo sa butas na yun. Nakarating ako sa dulo, nakalanghap ng konting pag-asa pero natatakot parin, hindi ko alam kung ano ang naghihintay sa akin paglabas.

Dali-dali akong lumabas. Nakita ko agad si Maggie na naghihintay, may kilik-kilik na bata, umiiyak. Hindi sya nagsasalita, seryoso ang kanyang mukha. Nagpalinga-linga ako sa paligid pero kaming dalawa lang ang naroon. Ilang sandali pa ay inabot nya sa akin ang bata, umiiyak parin. Hindi ko yun kinuha. Pilit nyang ibinibigay sa akin ang batang bitbit nya pero nagmatigas ako, lumayo ako sa kanila.

Nadapa ako, nakatingin parin sa kanila. Papalapit sila sa akin at ako naman ay nagsimula ng manginig sa takot ng hindi ko alam, hindi ko maintindihan. Kakaibang takot ang namutawi sa aking buong katawan.

“Mark!” “Mark!”

Nakita ko si yaya sa aking harapan. Hawak-hawak nya ang aking balikat. Takot na takot parin ako.

“Mark nananaginip ka.” patuloy nya.

Dilat na dilat ang aking mga mata. Pawis na pawis at hinahabol ang aking paghinga.

“Nagising ako dahil sumisigaw ka kanina pa.” nanginginig ang boses nya.

Niyakap ko nalang si yaya ng mahigpit.

“Anak may problema ba?” bakas sa kanya ang pag-aalala.

“Wala po.”

Hinagod nya ang aking likuran.

Halos gabi-gabi akong nananaginip ng mga nakakatakot na bagay tulad nito. Hindi ko maintindihan pero nagdudulot yun sa akin ng kakaibang takot.

Kailan ba ako makakawala sa bigkis ng takot at kalungkutan? Hanggang kailan ko ba to mararamdaman?

Hindi pa man ako nakakabalik sa pagkakahiga, sunod-sunod na text ang aking nareceive. Lahat yun galing kay Maggie. Gabing-gabi na kaya nakakapagtaka.

“Mark delayed na ako ng ilang araw. Natatakot ako.”

“Mark natatakot ako.”

“Mark .”

“Mark.”

Tuluyan nang bumaliktad ang mundo ko ng gabing yun. Hindi ko na alam kung kaya ko pang matulog dahil tiyak na iisip-isipin ko na naman yun buong magdamag.

Tumayo ako at nagbihis. Lumabas ako ng bahay, bahala na kung saan ako makarating. Basta gusto ko munang kalimutan ang lahat kahit saglit.

Dumaan ako sa bahay nila Kevin.

Dinalaw ko si Jollibee, umorder ng B3, kumain mag-isa.

Pumunta ako sa basketball court kung saan kami unang naglaro ng one on one.

Magbubukang liwayway na nang ako ay makauwi sa bahay, pagod, puyat, inaantok.



************************************************


Dumaan ang mga araw, linggo at mabilis na nagpalit ang buwan, mabagal pero hindi ko namalayan.
Madalang na kaming magkita ni Kevin sa school at kung magkasalubong man, parehas na kaming umiiwas sa isa't-isa.
Mabuti na siguro yun, hindi ko sya nasasaktan.

Nakatanggap ako ng mga tawag mula sa aking pamilya sa Canada, kay Mariel sa Saudi Arabia at sa ilang mga kaibigan.

Umaapaw ang inbox ng aking cellphone sa dami ng nagpadalang mensahe.

Ang dami rin nagpost ng greetings sa Facebook at Friendster accounts ko.

Hindi ako pumasok dahil mas gusto kong mapag-isa. Sa okasyong tulad nito na dapat ay pinagdiriwang, mas pinili kong magkulong nalang sa bahay.

Tahimik lang kaming nagharap ni yaya sa hapag kainan. May ilang putahe syang niluto, masyadong marami para sa aming dalawa.

“Mark wala ka bang darating na bisita?”

“Wala po.”

“Bakit naman?”

Natagalan ako bago makasagot. Simple lang naman ang tanong nya pero bakit nahihirapan akong isipan ng palusot.

“Sa ibang araw nalang po siguro.”

“Si Kevin?”

Hindi na naman agad ako nakasagot. Bugtong hininga akong nag-iisip ng sasabihin sa kanya.

“Hindi po pupunta.”

“Bakit?”

“Ewan.”

Naputol ang aming usapan ng biglang bumuhos ang malakas na ulan.




Birthday ko ba talaga?:( 
Share:

0 comments:

Post a Comment