Sunday, March 15, 2020

Most Valuable Player (A true to life story) Part 27

by: sympaticko

CHAPTER 27

Tumayo ako. Inangat ko ang aking katawan ng buong lakas. Nanginginig parin ako sa sakit. Pumunta ako ng banyo, humarap sa salamin, namamaga ang aking kanang pisngi. May paunti-unti pang dugo na lumalabas sa aking ilong. Umiiyak parin ako.


***************************************************

Friday.

Sobrang lakas ng ulan. Baha na ang mga lansangan, ang lakas ng ihip ng hangin. Hindi na sana ako papasok kung wala lang kaming exam. Absent ako ng apat na sunod-sunod na araw, simula Lunes hanggang Huwebes kaya pinilit ko nang pumasok. Ang dami kong text at calls na natanggap mula sa mga kaklase at kaibigan, ang ilan ay galing pa sa mga professors namin, lahat sila nagaalala sa akin.

Nagsisimula na ang klase nang ako ay dumating. Natagalan kasi ang byahe ko dahil commuter ako ngayong araw. Traffic sa daan dahil sa lakas ng ulan. Pagpasok ko palang sa classroom nakita ko na agad si Maggie, hindi nya ako pinansin. Tahimik lang akong naglakad sa loob ng kwarto, diretso sa dulo. Umupo ako malayo sa iba, nag-iisa. Lahat ng galaw ko, bawat hakbang ay pinagtitingan ako ng lahat pati professor namin. Hindi pa man ako nag-iinit sa kinauupuan at biglang nagkagulo ang buong klase, lahat ay gusto akong kausapin. Na-touch ako dahil marami palang concern sa akin.

Maaga dinismiss ang klase dahil sa lakas ng ulan. Wala naman bagyo pero walang tigil ang buhos ng ulan at hampas ng hangin. Inaaya ako ng ibang kaibigan na mag malling pero tumanggi ako, marami kako akong gagawin. Magulong naglalabasan ang buong klase, lahat ay tuwang-tuwa dahil walang pasok. Ang gulo, ang ingay. Nakaupo parin ako mag-isa, tahimik lang sa isang gilid.

Nagnanakaw tingin ako kay Maggie, pasimple ko syang sinusulyapan. Gusto ko kasi sya lapitan para kausapin pero nanatili syang mailap sa aking paningin, umiiwas siguro.

Ilang sandali pa ay biglang nawala si Maggie sa aking mga mata. Napansin kong nakatingin ang iba namin kaklase kasama na ang kanyang mga kaibigan sa akin, parang may mali.

Kinalabit ako ng isang tao na galing sa aking likuran at agad ko naman yun tinignan. Nagulat ako.

“Maggie.” sambit ko. Seryoso ang kanyang mukha, nakatingin sa akin.

Ang bilis ng mga pangyayari, sinampal ako ni Maggie, ang lakas. Nanggigilid ang luha nya, ako naman ay deadma. Hindi sya umiimik pero alam kong marami syang gustong sabihin. Deadma parin ako. Nilabas ko kunwari ang cellphone ko para may gawin. Pinagpipindot ko ang keypad, nagbusy-busy-han. Alam ko pinagtitinginan kami ng mga tao sa paligid. Buti nalang iilan nalang ang naroon.

Tahimik lang syang naglakad palayo sa akin. Kinuha ang bag sa hindi kalayuan at dali-daling lumisan ng classroom. Sumunod naman sa kanya ang kanyang grupo na nakatingin parin sa akin, nagtataka, nag-aalala. Sigurado akong wala silang idea sa mga nangyayari.

Ayoko agad lumabas ng classroom dahil siguradong haharangin ako ng mga kakilala ko para ayain sa mga lakad nila kaya nagpatiiwan nalang ako sa loob ng kwarto.

Ang tagal kong nanatili sa loob ng campus, hinihintay na tumila ang ulan pero wala naman. Mas lumalakas pa yata ang buhos kaya nagpasya na akong umuwi.

***************************************************

Dumaan muna ako sa isang simbahan na malapit lang school tutal maaga pa naman. Wala naman akong gagawin sa bahay kundi matulog, mas mabuti na dito nalang ako mag-ubos ng oras. Wala halos tao sa loob ng ako'y pumasok, pati simbahan ay malungkot. Umupo ako sa gilid, nagmasid-masid. Hindi ko sya matignan ng tuwid, nahihiya kasi ako. Taimtim akong nanalangin.

“Nahihiya ako sayo.” “Hindi ako karapat dapat na humarap sa iyong harapan ngunit lakas loob akong tumatawag sa iyong dakilang pangalan.” “Pacenxa kana sa lahat ng mga kasalan na ginawa ko.” “Naging mahina ako.” “Kung eto napo ang kabayaran ng lahat ng ginawa ko, tatanggapin ko.”

Ayokong makita ako ng ibang tao na lumuluha. Ayokong isipin ng tao na ako'y mahina. Mahusay akong magtago ng tunay na nararamdaman. Mahusay akong magkunwaring malakas at hindi nasasaktan pero hindi sa pagkakataong ito. Pumatak ang luha ng isang anak na naghahanap ng makakausap. Sumabog ang emosyon ng isang Mark Lopez. Ang sakit, ang hapdi, ang lungkot.


**************************************************

“Anak gusto mo ng makakausap?” salubong na tanong sa akin ni yaya habang hinuhubad ko ang basa kong polo. Hinagod ko ang basa kong buhok, ngumiti upang magkunwari. Tumalikod ako para hindi nya makita ang aking mga mata.

“Yah medyo masama lang pakiramdam ko. Akyat lang po ako sa taas.”

“Ilang araw kang absent anak. Halos hindi ka lumalabas ng kwarto mo, maghapon ka lang nakakulong. Masaya ako nang makita kita kanina na nakagayak para pumasok pero hindi parin maaalis sa akin anak na magalala sayo. Alam kong may mabigat kang dinadala.”

Humarap ako at lumapit sa kanya. “Yah salamat po.” hinalikan ko sya sa pisngi.

Muli akong tumalikod, naglakad papalayo. Umakyat ako sa aking kwarto, nahiga sa kama. Sobrang lakas parin ng ulan.

Masyado pang maaga, wala naman akong ibang magawa kaya nagbukas nalang ako ng computer. Bahala na kung saan ako mapadpad sa mundo ng internet. Pagbukas ay picture namin ni Kevin ang bumungad, yun kasi ang desktop background ng computer. Picture namin yun sa Mines View park na kuha nga isang matandang foreigner. Magkaakbay kami, nakangiti, sobrang saya.


***************************************************

Sabado.

Hindi na umuulan, sumikat na si haring araw. Unti-unti nang natutuyo ang bakas ng nagdaang ulan. Walang pasok kaya lumabas ako ng bahay. Tumambay ako sa kanto malapit sa amin. Nakihalobilo ako sa mga kakilala na matagal ko ng hindi nakakasama. Sinamahan ko silang mag-ubos ng oras sa kakaiba nilang paraan. Ang dami nilang trip, ang saya kaya saglit kong nakalimutan ang aking dinadala.

Sa unang pagkakataon sinubukan kong magyosi. Ang sakit sa ulo ng bawat singhot ng winston at fortune. Yun kasi ang madalas na yosi ng mga tambay sa amin, mura daw kasi. Nakarami din ako ng stick sa loob lamang ng ilang saglit. Pagkatapos namin tumambay ay nagkayayaan kaming magbola. Dumayo kami sa ibang lugar para makipagpustahan. Nanalo naman kaya tuloy na yun sa maboteng harapan. Napilitan akong uminom ng pambansang alak, ang Gin bilog. Ang tapang pala ng na inumin na yun, parang acido na lumulusaw ng lalamunan, bawat lagok ay napapapikit ako sa pakla, sapat na yun para matunaw ang aking problema, panandalian.

Mabilis akong nalasing, wala ako sa kalingkingan ng mga tambay kong kaibigan. Hindi ko na kayang umuwi kaya hinatid nalang nila ako. Sinalubong ako ni yaya sa gate ng bahay, susuray-suray. Hilong-hilo talaga ako, umiikot ang paligid ko.

Sobrang hirap ni yaya na iakyat ako sa kwarto. Umiiyak sya habang pinapangaralan ako. Unang beses yun nangyari sa akin. Naiintindihan ko parin ang kanyang sinasabi kahit ako'y langong-lango sa alak. Alam ko sobrang dami kong salita, alam kong sobrang dami kong drama kay yaya sa mga oras na yun. Hindi nya ako iniwan hangga't hindi ako nakakatulog.

***************************************************

Sobrang sakit ng ulo ko, nasisilaw ang mga mata ko sa liwanag na nagmumula sa nakabukas na bintana. Ang sakit ng sikmura ko, parang nabutas ng acedo. Ang sakit... buset ang daming masakit...

“Sunog baga ka na pala.” sabi ng tao na nakaupo sa aking harapan.

Pilit ko syang tinignan, pilit kong sya inaninag.

“Tinawagan ako ni tita kagabi, umiiyak.” dagdag pa nya.

Pamilyar ang boses nya pero hindi ko parin sya makilala. Sobrang liwanag kasi sa direksyon kung saan sya naroon.

“Tumayo ka, tignan mo sarili mo sa salamin.” mataas na ang tono ng boses nya.

Nasa katawan ko pa ata ang ispirito ng alak kaya medyo nanghihina pa ako. Tumayo ako at tinuon ang mga mata ko sa kanya.

Nagkatitigan kami, matagal, sobrang tagal, walang gustong bumitaw ng tingin.

“Bakit nandito ka?”

Hindi sya sumagot.



“Umalis ka na. Hindi kita kailangan.” 
Share:

0 comments:

Post a Comment