Saturday, March 14, 2020

Most Valuable Player (A true to life story) Part 26

by: sympaticko

CHAPTER 26

Na-shocked ako dahil hindi ko ineexpect na makikita ko sya sa ganong paraan. Nakatingin lang din sya sa akin. Himala hindi sya naka killer smile, hindi sya nagpapacute, hindi sya nangungulit. Parang pansamantalang huminto ang oras ng sandaling yun.

“Oh para kayong nakakita ng multo.” pinitik ni yaya ang kanyang baso gamit ang isang tinidor, sapat na yun para buwagin ang kung ano man ang nagbibigkis sa mundo namin ni Kevin sa mga sandaling yun.

“Uy.” yun lang ang tanging nasabi ko sa kanya. Tinapik ko sya sa kanang balikat.

“Uy.” yun lang din ang kanyang nasabi. Ngumiti naman sya pero halatang pilit.

“Musta?”

“Okey naman.”

“Ikaw kumusta ka?”

“Ah eh eto okey din.”

Nakanganga si yaya habang nagmamasid lang sa aming dalawa.

“Ako nagluto nyan.” sabay turo sa ulam na nakahain sa aming harapan. Sa wakas ngumiti na sya, smile ala Kevin Huget, yan ang namiss ko sa kanya.

“Ah kaya pala mukang hindi masarap. Tsssk.”

“Aha nagsisinungaling ka, sabi mo sakin dati my adobo is the best in the world!”

“Hmmmm.” tumawa nalang ako. Tinignan ko si yaya, mukang gulong-gulo sa mga pangyayari.

“Natanggap ko text mo kanina, pauwi na ako nun kaya dumaan na ako sa mall para mamalengke ng pang adobo. Kinasabwat ko si tita.” ngumiti ulit sya.

“Bakit naka off cellphone mo?” tanong ko.

“Para naman mamiss mo ako kahit konti.” tumawa ulit kami.

Lilinga-linga ang mata ni yaya. Halatang nagtataka.

Pasimple akong sinipa ni Kevin sa paa, tinitigan nya ako at dinala ang aking tingin kay yaya. Agad ko naman nakuha ang gusto nyang sabihin, OP na si yaya sa amin kaya tinigil na namin ang kulitan.

“Yah yung binigay ko sayong Jollibee kanina, hati kayo ni Kevin ha?”

Kagago ko, binigay ko na sa kanya tapos bigla kong babawiin. Pero okey nayun, hati naman sila tsaka hindi naman nya yun kayang ubusin. Hehe.

Buti nalang tumango naman si yaya at hindi nagalit. Akala ko magtatampo sya pero mukang naiintidihan naman nya, naiintindihan nya na para talaga kay Kevin yun, second choice lang sya. Hehe.

“Kain na tayo?” aya ni Kevin.

Nanlaki ang mata ni yaya ng kuhanin ni Kevin ang aking plato para lagyan yun ng pagkain. Sinipa ko si Kevin sa paa para itigil nya ang ginagawa nya.

“Aray Mark. Bakit mo naman ako sinisipa?” buset na Kevin to, ibuko ba ako. Ngumiti sya, nakakagago. “Tita si Mark po sinisipa ako sa ilalim ng lamesa, may gusto atang ipahiwatig, hindi ko lang alam kung ano.”

Lokong Kevin, mas lalo pang pinagulo ang iniisip ni yaya. Palagay ko may world war three na sa utak ni yaya ngayon. Hehe.

Ang sarap ng kain naming tatlo. Ang tagal namin nagkwentuhan. Gaya ng pagkain, masarap din ang aming naging usapan este dalawa lang pala kaming nagkulitan, hindi kasi maka relate si yaya sa amin.

“Mark dito ako matutulog ha?” paalam nya habang kumakain ng burger. Nakatayo na kami pareho papuntang sala. Tapos na kasi kami kumain at si yaya naman ay naghuhugas na ng mga pinggan.

“May pasok na tayo bukas loko, baka mapuyat na naman tayo nyan.”

“Okey lang yun, minsan-minsan lang naman.”

“Anong minsan-minsan ka jan, lagi-lagi kaya.”

Wala naman ako magagawa eh. Umuwi muna sya sa bahay nila para magbihis at para kumuha ng gamit, dito na daw sya gagayak bukas para sabay na kaming pumasok. Alas otso ang klase ko, alas diyes naman sya.

Saglit lang sya nawala at ilang minuto lang ay nasa bahay na ulit ang loko.

***********************************************************

Inaayos ko na ang bihisan namin para bukas, kung sakali na mapuyat man kami ngayong gabi, hindi na kami mahihirapan sa paggayak kinabukasan. Sya naman ay nakaupo lang, tahimik na nanunuod ng basketball sa tv. Interview ata kay Kobe Bryant yun kaya tutok na tutok sa harap ng telebisyon.

“Mark.”

“Ano yun?”

“Baka may assignment ka bukas, tulungan na kitang gawin.”

Oo nga pala, may assignment ako sa laboratory bukas. Dibale na, kokopya nalang ako siguro.

Bigla akong natigilan, parang ilang segundong huminto ang lahat ng sistema ng katawan ko, biglang kumabog ang aking dibdib. Bigla kong naalala si Maggie, bigla kong naalala ang mga nangyari sa amin, bigla kong naalala ang mga katangahan ko nung isang araw. Natakot ako, natatakot ako ng hindi ko alam.

“Mark bakit tinapon mo lang yung brownies?” seryoso nyang tanong. Tinalikuran nya ang kanyang pinanunuod at humarap sa akin.

Nasa magkabila kaming side ng kama nung mga oras nayun. Malapit sya sa trash can katabi ng computer table. Nakalabas ang ilang bahagi ng box ng brownies kaya nakita nya agad. Hindi pa pala naitapon ni yaya ang mga basura ko.

Hinugot nya ang box, nakita nya na hindi man lang yun nabawasan.

“Kanina ko pa gusto to itanong Mark. Ano ang nangyari sayo nung mga nakaraang araw?” seryoso talaga sya.

Hindi ako makasagot sa kanya, ni-hindi ko nga sya kayang tignan man lang sa mata. Kinakabahan parin ako, mas malakas pa yun sa mga naramdaman ko dati.

“Sorry Kevin.” nagba-buckle ako sa sobrang kaba.

Tinitignan lang nya ako.

Akala ko maibabaon ko na sa limot ang lahat. Akala ko okey na ako. Akala ko...

“Wala na kami ni Mariel.”

“Alam ko.” Nagulat ako sa sinabi nya.

“Pano mo nalaman?”

“Nung oras na alalang-alala sya sayo dahil hindi mo man lang sinasagot ang tawag nya, ako ang tinawagan nya, ako ang sinabihan nya, ako ang nilapitan nya para alalayan ka. Kung nagalala si Mariel sayo, syempre ako din kaya panay ang tawag ko sayo nuon. Maaga akong umuwi, nagpumilit akong makaalis agad kahit na hindi ako pinayagan ng pamilya na lumisan ng wala sa oras dahil sobra ang pagaalala ko sayo. Tinakbo ko ang Manila hanggang Pampanga ng halos dalawang oras lang para makita agad kita. Naghintay ako sayo dito sa bahay nyo magdamag pero walang Mark Lopez na dumating. Alam ko masakit para sayo ang mga nangyari pero masakit din sa akin yun dahil ayaw kitang nasasaktan. Di bale ako nalang, wag ka lang.”

“Sorry Kevin.” huminga ako ng malalim. Feeling ko nalulunod ako sa isang malalim na tubig. “Nakipagkita ako kay Maggie...” huminga ulit ako ng malalim. “Magkasama kami buong gabi...” sasabog ata ang dibdib ko sa bilis ng takbo ng puso ko. “Hinanap ko sa kanya ang isang Mariel, ang isang Kevin...” “Magkasama kaming natulog sa isang kama...” “Oo Kevin sa isang maikling gabi, naging marupok ako...” “Hindi ko man lang inisip ang ibang tao na nagmamahal sa akin, na nagpapahalaga ng sobra sobra.” "May nangyari..."
“Kung makakabalik lang ako sa kahapon, itatama ko ang maling ginawa ko. Maniwala ka Kevin nagsisisi ako.”

Lumapit sya sa kinatatayuan ko, ang bigat ng bawat hakbang nya. First time in my life na natakot ako ng ganon.

Alam ko ang gagawin nya kaya hinarap ko yun ng buong tapang. Sinapak nya ako sa kanang mukha. Napabalengkwas ako sa lakas. May malakas na tunog akong naririnig sa aking tenga, nakakabingi.

“Para yan kay Mariel!”

Tumayo ako at buong tapang ko syang hinarap, tinignan sa mukha. Naramdaman kong may tumutulo sa aking ilong, dugo. Pinunasan ko yun gamit ang aking kamay pero patuloy parin yun sa pag-agos. Kung kanina ay wala akong maramdaman dahil sa manhid, ngayon nararamdaman ko na ang sakit na dulot ng kanyang malakas na kamao.

Lumapit muli sya sa akin. Umamba muli ng suntok.

“At eto, para sa akin!”

Napapikit ako ng malapit na ang kanyang kamao sa kaliwa kong mukha.

Ang lakas! Sobrang lakas na tunog ang aking narinig. Wala akong naramdaman na panibagong suntok pero natatakot parin ako ibukas ang aking mga mata.

“Mark ano tingin mo sakin ha?” umiiyak na sya. Nararamdaman ko ang mabigat nyang paghinga.

Ibinukas ko ang aking mga mata, nakasuntok parin sya pero tumama yun sa cabinet sa tabi ko. Dumaan ang kanyang kamao sa gilid ng aking mukha, imbes na ako ang sapakin nya sa ikalawang pagkakataon, cabinet nalang ang binagbuhusan nya ng sobrang galit.

“Kevin.”

Inalis nya ang kanyang kamao sa nananahimik na cabinet, nasira, nawasak. Napansin ko na may mali sa kanyang kamao, sigurado ako nasaktan ng husto ang kanyang kamao pero agad nya yun itinago sa akin. Umalis sya, lumabas ng kwarto ng wala ng sali-salita.

Umupo ako sa isang gilid, pinunasan ang dugo na patuloy parin lumalabas sa aking ilong. Alam kong namamaga ang aking kanang mukha, ramdam ko ang sakit, ang kirot.



Hindi ko na namalayan na umiiyak na pala ako hindi sa sakit ng katawan kundi sa sakit na nararamdaman ng aking puso. 
Share:

0 comments:

Post a Comment