Friday, March 13, 2020

Most Valuable Player (A true to life story) Part 24

by: sympaticko

CHAPTER 24

Wala ako sa sarili nung mga sandaling yun. Siguradong hindi si Mark ang taong bitbit-bitbit ko. Mahirap man ipaliwanag pero hindi ko talaga makilala ang sariling ako.

“Akala ko ba ayaw mo sa Jollibee?”

“Basta.”

“May problema ka?”

Hindi ako makasagot sa tanong nya. Magulo ang isip ko. Napansin sigurado nya ang hilatsa ng mukha ko.

“Mark okey ka lang?” nagsimula na syang magalala.

“Mags mahal mo ko?”

“Ha?” nagulat sya sa tanong ko. Hindi sya makasagot, halatang nagtataka.

“Kasi ako mahal kita.” dagdag ko.

“Mark ano ba nangyayari sayo?” tumaas ang kanyang boses. Nagulat sya marahil sa sinabi ko.

“Gusto ko sana tayo na.” seryoso kong tugon.

“May girlfriend ka.”

“Wala na yun. Ano sex tayo?”

Sinampal nya ako, malakas at sigurado akong narinig yun ng mga tao sa paligid.. Nagtinginan ang iba at ang ilan ay patay malisya. Tinitigan nya ako ng masama, nanggigilid ang kanyang luha. Bigla akong natauhan sa aking mga ginawa. Nagsimula na akong makaramdam ng matinding pagkahiya.

“Sorry Maggie.” nakayuko ako, hiyang hiya. Wala akong mukang maiharap sa kanya.

Bigla syang umiyak. “Mark babae ako na dapat ding igalang. Akala ko iba ka, iba sa mga bastos na lalaki jan. Akala ko hindi ka tulad nila na kung tratuhin ako ay isang laruan.” pinagpipyestahan kami ng mga matang nasa paligid pero hindi ko yun pinansin.

“Sorry. Hindi ko sinasadya.” nanginginig ang boses ko.

Tumayo sya at biglang lumabas. Sinundan ko naman sya pero yun nga lang hindi ko alam ang gagawin ko. Naglakad sya, naglakad palayo. Sinundan ko lang sya.

“Sorry Maggie. Magulo lang kasi isip ko kanina.” kinakausap ko sya habang naglalakad kami. Nasa harapan sya, nauuna habang ako ay nasa likuran lang nya.

“Hindi ko inaasahan na sayo manggagaling yun Mark.” alam ko umiiyak parin sya.

Binilisan ko ang paglalakad at naabutan ko sya sa tapat ng isang walang taong eskenita, sa ilalim ng isang poste ng ilaw. Hinawakan ko sya sa kamay, nagpupumiglas sya. Niyakap ko sya, kumakawala parin sya.

“Patawarin mo ko Maggie. Magulong-magulo lang talaga ang isip ko kanina. Ikaw ang unang pinuntahan ko dahil iniisip ko na ikaw lang ang makakaintindi sa akin, sa pinagdadaanan ko. Hindi ko talaga sinasadya na bastusin ka pero tinatanggap ko ang pagkakamali ko. Sinaktan kita at hindi man lang inisip ang mararamdaman mo, puro sarili ko lang ang inintindi ko. Nagmamakaawa ako sayo Maggie, patawarin mo ako.”

Tumigil na sya sa pagkawala sa pagkakayakap ko. Mas lalo pa syang umiyak kaya mas lalo ko pang hinigpitan ang yakap ko.

“Gusto kita Mark, gustong gusto pero hindi dahilan yun para ibaba ko ang level ng pagkababae ko. Hindi ko alam yang pinagdadaanan mo pero iintindihin nalang kita. Nagagawa mo lang siguro ang lahat ng ito dahil may mabigat kang dahilan.”

Ilang saglit pa ay umupo kami sa isang tabi, hindi kalayuan sa poste ng ilaw. Nung una medyo naiilang pa kaming magsalita pero sya na ang bumasag ng katahimikan ng panimulang “Sige ilabas mo yan, makikinig ako.” Nabubulol pa ako sa kaba nung simula pero nagawa ko naman ikwento ang lahat ng nangyari at pagkatapos ay niyakap nya ako, tinapik sa balikat.

“Hindi parin sapat yan Mark para gawin mo yun pero pinapatawad na kita.”

“Salamat Maggie. Sorry ulit.”

______________________________________________


Ang sakit ng puson ko. Nanghihina pa ako pero pinilit kong bumangon. Ang dami kong text at missed calls na natanggap kaya isa-isa kong binuksan. Halos lahat galing kay Kevin. Oo nga pala pupuntahan nga pala nya ako sa bahay, nakalimutan ko. Iniwan nalang daw nya yung pasalubong nya sakin kay yaya. Ang dami nyang text na wala man lang akong reply. Hindi ko na kasi nagawang basahin yun kagabi.

Masarap parin ang tulog ni Maggie. Magkatabi kami sa higaan. Tinitigan ko sya ng matagal, naalala ko si Mariel, si Kevin. Nagi-guilty ako sa mga nangyari. Naging marupok ako, nahihiya ako sa sarili ko. Pinagpalit ko lang sila ng ganun-ganon lang.

Tumayo ako at dumiretso sa banyo. Naligo ako ng naligo, ilang beses kong sinabon ang buo kong katawan. Nandidiri ako sa mga ginawa ko.

Nagbihis na agad ako at umalis. Iniwan ko si Maggie sa motel ng walang paalam.

_______________________________________________


Ilang beses pa tumawag si Mariel sa araw na yun pero hindi ko sinagot, hindi dahil sa ayaw ko syang kausapin kundi wala akong maihaharap sa kanya.

Ilang beses din tumawag si Kevin pero hindi ko rin sinagot. Nakahiga lang ako maghapon sa loob ng kwarto. Hindi ko na nakuhang kumain ng almusal at mananghalian.

Tok tok...

“Mark.”

Hindi ako sumagot.

“Mark hindi ka ba bababa? Kanina ka pa nakakulong jan ah.”

Nasa labas lang sya ng kwarto ko dahil naka-lock yun, hindi sya makapasok.

“Yah mamaya nalang po.”

“Okey ka lang ba?”

“Opo.”

“Sya nga pala nakalimutan ko ibigay kanina. Eto yung pasalubong ni Kevin para sayo.”

Tumayo naman ako, naglakad ng dahan-dahan, binuksan ang pintuan.

Inabot ni yaya ang isang malaking box ng brownies.

“Ang tagal ka nya hinintay kagabi.”

Hindi na ako kumibo kaya bumaba na rin agad si yaya. Bumalik naman ako sa kwarto ko at kinandado muli ang pintuan, inilapag ang box ng brownies sa tabi ng keyboard ng computer at bumalik ulit sa higaan. Ilang saglit lang ang nakakaraan, may kumakatok na naman.

“Mark nandito si Kevin.”

Hindi ako sumagot. Nagkunwari akong natutulog.

Tok tok..

“Mark si Kevin to.”

Hindi ulit ako sumagot.

“Mark.”

Ilang beses pa nya tinawag ang pangalan ko.

“Mark alam ko gising ka. Hindi ko alam kung ano problema mo basta text ka lang pag kailangan mo ako. Bye.” umalis na sya.

________________________________________


Monday... hindi ako pumasok sa school kahit na may test kami sa first subject. Hindi narin dumaan si Kevin sa bahay para manundo. Maghapon lang ulit akong tumambay, sa bahay. Pilit kong kinakalimutan ang lahat.

Nagdecide na akong kausapin si Mariel. Naaawa na kasi ako sa kanya. Nasa malayo sya, malayo sa mga mahal sa buhay, malungkot at nagiisa tapos dadagdag pa ako bilang problema.

Nag email ako sa kanya at inabot pa ng halos isang oras bago sya tumawag. Kinumusta ko sya at sya rin naman sakin. Pilit kong itinatago ang aking dinadala dahil ayaw ko syang magalala ng sobra-sobra. Nagkunwari akong masaya kahit na sa loob ko ay puro kalungkutan. Iba naman sya dahil naging vocal sya sa kanyang nararamdaman. Hindi daw sya makagawa ng mga bagay-bagay dahil sa pagiisip sa akin. Halata sa boses nya ang nagpatong-patong na problema na nadadala sa mga katagang sinasambit nya, kahit milya-milya ang layo namin sa isa't-isa, alam ko.

Mahigit kalating oras din kaming magkausap. Hindi kami nagkabalikan pero atleast ngayon medyo maluwag na sa pakiramdam.

Napansin ko na nilalanggam na yung brownies na bigay ni Kevin kaya tinapon ko na yun sa basurahan. Sayang hindi ko man lang yun natikman. Inayos ko ang aking kama at niligpit ang mga kalat sa paligid. Binukas ko kurtina ng bintana para lumiwanag. Naligo ako, nag-ahit ng bigote at balbas at nagbihis. Alas kuwatro palang ng hapon kaya pumunta muna ako sa baba, nakipagkwentuhan kay yaya. Nang pumatak ang oras sa ika-anim nang gabi ako ay lumabas na.

“Miss pa-order naman ng apat na B3, double go large lahat, take out.”

Tinext ko si Kevin.

Namiss ko na si loko..



sobrang miss na miss na miss na super duper miss.. hehe. 
Share:

0 comments:

Post a Comment