Sunday, February 9, 2020

Ang Mga Dapat Kalimutan sa Bus Mo Iwanan Part 7

by: hegemony

Dumidighay siya ng mga alitaptap.

Mamula-mula ang pisngi ni Marco. Nangingintab. Mas lumulutang ang kinis ng balat niya. Hindi ko alam, mas masarap tingnan kapag oily ng kaunti ang mukha ng isang lalaki. Kumbaga sa pagkain, parang balat ng litson.

Ubos na ang first bucket. ‘Yung dapat na Lights naging Red Horse dahil wala raw nagdeliver sabi ng waitress. Dalawang table lang ang okupado. Sa kabilang table, double date ang nagaganap. Walang tumutugtog kasi Lunes. Kumakanta si Rihanna sa speaker. Tama lang ang lakas ng tugtog, nagkakarinigan naman kami ni Marco.

Mahina naman ako sa alak. Dalawang beer lang may konting tama na ako. Tigatlo kami ‘dun sa bucket. Ganito lang ‘yung gusto ko. Sakto lang na tama. ‘Yung mainit sa katawan. ‘Yung nakakarelax ng nerves.

Hindi pa ako lasing, pero paandap-andap ang mga alitaptap mula sa bibig niya. Gusto ko sanang lumapit para makita kung anong itsura. Sa malayuan lang ako nakakita noon, isang beses pa lang. Sa Sunken Garden, kasama ko ‘yung ex ko before Dello. Doon kami nagdiwang ng unang buwan namin. Bumili kami ng manok sa Andok’s saka Pancit Canton sa Kowloon . Naupo kami malapit ‘dun sa tapat ng Vinzon’s. Sandali lang ‘yung mga alitaptap wala pang twenty seconds. Siguro mga sampu lang sila. Pero ang ganda. Pinaghalong bughaw at pula na maliliit na ilaw.

“Isa pang bucket miss,” sabi ni Marco habang pumapak ng mani.

“Maaga pa pasok ko bukas,” natatawa kong sagot.

“Ako rin naman. Libre ko na ‘yung second bucket.”

Kung mahina ako sa alak, mas mahina itong si Marco. Unang beer pa lang, wala na siyang tigil sa pagkukuwento tungkol sa trabaho.

“Mahirap sa Operations kala mo. Kasalanan ng ahente, kasalanan ko. Pero nakakaguilty nga rin minsan, kapag pinipilit namin silang mag-OT.”

“Hindi pala lahat ng mga manager walang puso. Pero mas mahirap talagang maging agent. Underpaid ka na, ikaw pa ang haharang sa bala,” sagot ko.

“Naging agent din ako, so alam ko yan. Mabilis lang ang promotion noon kasi nagsisimula pa lang ang Outsourcing dati. Pero pinaghirapan ko ‘yun, bago ko mapunta sa posisyon ko.”

Hanggang sa unang bote sa ikalawang bucket puro trabaho pa rin ang kwento niya. At nakikinig lang ako, naghihintay na magkwento siya ng personal niyang buhay. Naghihintay na madulas ang kanyang dila.

Sakto lang ang pinahiram kong shirt sa kanya. Maluwag nga sa akin ‘yun ng kaunti. Hubog na hubog ang balikat niyang malapad. Mas bulky siya kay Dello, dahil mas maliit siya. Siguro hanggang tenga ko. Alagang gym ang katawan. Pero hindi sobrang tigas. Tama lang. Ayaw ko rin sa sobrang batong katawan. Nakakaumay kasi. Masarap ‘yung may malambot pang parteng napipisil.

“Hindi ka naman nakikinig,” sabay dighay na naman ni Marco.

“Nakikinig ako,”

“Anong sabi ko?”

“Kinukwento mo ‘yung boss mo na hindi marunong mag-Excel.”

“Tapos na ‘yun, ang sabi ko, kanina pa ako nagkukwento ikaw wala pa.”

“Ano naman ang ikukuwento ko?”

“Ano ‘yung nasa braso mo. May sinusulat ka kanina.”

“Ah wala ‘yun.”

“Nakita ko eh. Tattoo ba yan? Patingin nga,” inabot niya ang sleeves ng polo ko. Muntik ng mahulog ang mga bote sa mesa.

“Easy lang, may tama ka na ata.”

“Hindi ko mabasa, ilapit mo.”

Hinawakan niya ang braso ko. Mainit ang kamay niya. Inilapit niya ang mukha niya para makita ang nakasulat. Ramdam ko ang init ng alak sa hininga niya.

Bumubuga siya ng mga alitaptap.

“Mahal kita EDSA. So ‘yung EDSA ang sinulat mo kanina. Ayos ah. Ang weird ng tattoo. Pero maganda. Convenient, pwede mong palitan ang nakasulat anytime.”

Kelangan ng iliko ang usapan. Ayaw kong tanungin pa niya kumbakit ako nagpalagay ‘nun. ‘Yun madalas ang follow-up question. Ayaw kong inuungkat ang mga tanong na ayaw ko ng sagutin.

“So para kanino ‘yang tattoo?”

“Wala. Kaya nga blank ang dulo.”

“Weh? Lahat ng mga peklat may istorya.”

“E di para sa akin.”

“Ang labo mo. Ako rin meron.”

“Nasaan?”

Nilislis ng bahagya Marco ang tela ng shirt sa may bandang leeg. May nakita akong nakasulat doon, maliit lang. Kailangang lumapit para mabasa ko. Sa pagitan ng malaman niyang balikat at leeg, sakto sa ibabaw ng kaliwang collar bone nakasulat sa Old English font:

KISS.

Napatagay ako sa ikapat kong Red Horse. 

Itutuloy
Share:

0 comments:

Post a Comment