Saturday, February 8, 2020

Ang Mga Dapat Kalimutan sa Bus Mo Iwanan Part 5

by: Hegemony

Sorry.”

Wala man lang concern sa mukha ni Ram. Walang sincerity. Ang sarap ring sikuhin ng mukha niya. Sa lahat ng pwedeng tamaan mukha ko pa. Pwede namang braso ko na lang o balikat. Mukha ko pa.

Hindi na ako kumibo. Hindi rin naman niya sinasadya. Pagbaba sa bus nagpaalam na ako. Napakahaba ng Lunes na ‘to. Tatlong ahente ang nagsubmit ng resignation. Dalawang TL ang nagfile ng three days na Vacation Leave. Muntik pa akong masabon ng Project Manager kanina dahil inapprove ko raw ang mga VL nila.

“Next time, mag-ingat ka. Hindi lang ikaw ang tao sa bus.”

“Sorry talaga Marco. Gusto mo sikuhin mo rin ako para quits,” ngumiti na naman siya. Ambilis. Parang makahiyang tumiklop.

“Loko.” Napangiti rin ako.

“Di ka naman nagmamadali di’ba, tara libre kita.”

“Ano yan suhol? Mas gusto ko ata ‘yung una mong offer.”

“Huwag na ‘yun baka lumipad ang mukha ko. Laki ng braso mo eh.”

Matao na ang kanto ng Kamias kapag ganitong oras. Kumpulan ang mga tao sa kariton ng tindera ng mga dalandan. Amoy na amoy ang bawang sa pinipritong mani. Mabentang-mabenta ang kwek-kwek ng mag-asawang tagaktak na ang pawis sa pagsalang ng mga itlog sa mantika.

Sa tabi ng entrance ng saradong 7-11 kami kumain.

“Hindi ka naman maselan di’ba, saka ito lang ang kaya kong ilibre,” sabay tuhog ni Ram sa fishball.

“Ayos lang. Ngayon lang ulit ako kakain ng ganto. Wala bang lalagyan?”

“Tuhugin mo na lang, mas masarap kapag ikaw ang tutuhog. Tapos isawsaw mo sa sauce na sinawsawan ng buong bayan. Goodluck Hepa.”

Gago rin talaga ‘to. Aayain ka ng libre fishball lang pala. Tapos tatakutin ka na magka-hepa. Bibingo na sa akin to’ eh.

“Joke lang. Hindi pa naman ako nagkasakit kahit araw-araw akong kumakain dito. Isipin mo na lang, yung crush mo kumain rin dito tapos sinawsaw niya rin ulit yung fishball niya. Parang nahalikan mo na rin siya.”

“Kadiri ka. Nawalan na tuloy ako ng gana.”

“Sus, selan mo naman. Ito pinagtuhog kita.”

“Salamat.”

Masarap yung sawsawan. Pinakamasarap pa rin talaga ang fishball sa bangketa. ‘Yung nasa mall hindi masarap.

“Masarap ‘no? Parang dirty kissing,” ngumiti si Ram. Mas matagal. Mas pilyo.

“Minsan kung ano ‘yung akala nating madumi, ‘yun pa ang masarap. Ang labo. Sa magulong bangketa ka pa makakahanap ng katahimikan, sa gitna ng usok ng tambutso at mukha ng mga taong hindi mo kilala,” dagdag pa niya sabay kain ng isang subo sa limang fishball sa stick.

Ang weirdo naman nito. Pero iba ‘yung ngiti niya. May kung ano sa ngiti niya na hindi ko maintindihan. Gugustuhin mo laging makita ‘yung ngiti niya. He is not my type. Too average for me. Too weird. Isa pa, straight siya. Pero bakit ganoon ang ngiti niya, parang may ibig sabihin. Parang may gustong hulihin.

“Wala ka na naman sa sarili mo. Hindi ka talaga marunong kumain ng fishball. Tumulo na sa polo mo.”

“Takte.”

Tumawa si Ram.

“Ang lutong mong magmura, parang hindi sa’yo bagay. Napaka-professional ng dating mo, eh.”

“Eh paborito kong polo to. Malas. Salamat sa libre. Una na ako.”

“Teka, ganun na lang ‘yun?”

“Ha?”

“Barado ‘yung lalamunan ko sa fishball. Nakakauhaw. Baka gusto mo ako ilibre ng maiinom.”

Ang kapal ng mukha. Letrang O na talaga ‘to.

“Sige na nga. Ano gusto mo? C2 o Coke.”

“Lights, para hindi masyado ang tama. May pasok bukas eh.”

“Ano?”

“May alam ako sa Kamuning na murang watering hole. Mura lang beer.”

“Beer para sa fishball? Ano ‘to scam?”

“Tingnan mo, kelangan mo talaga ng beer, kanina ka pa masungit. Libre ko first bucket. Suhol sa pagsiko ko sa mukha saka diyan sa polo mo. Saka para sa ID ko na rin”

“Madumi na nga ang damit ko, uwi na lang ako. Next time na.”

“Sus, wala namang titingin sa polo mo. Saka may extra shirt ako sa bag. Game?”

I need a beer. It was a long day. Besides, naiintriga na talaga ko dito kay Ram. Masyadong weird. A little info on him won’t hurt.

“Sige, game.” 

Itutuloy
Share:

0 comments:

Post a Comment