Sunday, February 9, 2020

Ang Mga Dapat Kalimutan sa Bus Mo Iwanan Part 8

by: hegemony

I swear, there was something in the way he looked at my neck.

Kumunot ang noo niya. Ramdam ko ang mata niya sa leeg ko. Nagtama ang aming tingin. Mabilis lang, tulad ng pinakatitipid niyang ngiti. Tapos napatingin siya muli sa tattoo sa leeg ko. At dinampot niya ang kanyang beer. Sabay kaming lumagok.

Mahirap siyang basahin. Masyadong malabo. Masyadong maraming tinatago.

Hindi ko namalayan na daldal na ako ng daldal habang wala pa akong alam tungkol sa kanya. Magaling siyang umiwas sa mga tanong at magpaikot ng usapan.

“Simulan na ang usapang lasing,” sabi ni Ram habang kinuha ang ikalima niyang beer mula sa bucket.

Hindi naman pala siya masyadong average. May mga anggulo siyang napapababad ako sa pagtingin. Tulad kanina, habang nakatingin siya sa mga dumadaang sasakyan sa kalsada. Nakakapukaw ng atensyon ang profile niya. Kanina naman sa bus noong umaga hindi naman masyado. Kapag sumasandal siya habang nakasalo ang mga kamay niya sa kanyang batok, napapabilis ang pulso ako.

Ano ba ‘to. Marahil umaagos na talaga ang alcohol sa dugo ko. ‘Yun lang siguro.

“Anong usapang lasing?”

“Yung mga naikukwento lang kapag may alak. Pwede mong simulan sa kung sino ang iniisip mo sa elevator kanina,” pupungay-pungay na ang mata niya. Bakit ang haba ng mga pilikmata niya?

“Wala ‘yun.”

“Sige na, mas gagaan yang pakiramdam mo ‘pag nailabas mo.”

“Wala nga eh.”

“Lovelife?”

Tuso talaga itong si Ram. Kala niya siguro hindi ko napapansin na puro ako na lang ang bumabangka.

“Ex-partner. Pero wala na ‘yun matagal na. Isang taon na rin halos.”

“Mahal mo pa. Kasi ‘di ka naman matutulala kung hindi na.”

“Ewan. Namiss ko lang siguro. Monthsary dapat namin ngayon.”

“Sigurado ako, hindi man lang niya naalala,” sabay ngiti ni Ram.
“Salamat ha. Napaka-supportive mo.”

“Your welcome. Sinasabi ko lang ang sa tingin ko ay totoo,” sabay kindat.

Kumindat siya. Average na kindat. Hindi, mas higit pa ‘dun. Nanuyo ang lalamunan ko. Napatagay ako sa bote.

“Gwapo ba? Kaya hindi mo malimutan,” tanong ni Ram habang nakatingin sa bote niya. Pinaglalaruan niya ang rim nito.

Mga tatlong segundo bago nag-register sa utak ko ang tanong niya. Paano niya nalaman? Ganoon na ba ako kahalata?

“Anong gwapo? Sinong gwapo,” depensa ko. Nakatingin na siya sa akin.

“Sus, Marco. Usapang lasing nga. Walang lalabas. Kapag gwapo ang hirap kalimutan, ‘no?”

Hindi ako makapaniwala sa narinig ko.

“Paano mo nalaman? Teka, ikaw rin?”

“Well, number one. Hindi tinatawag ng ‘partner’ ang isang babae. Maliban na lang kung kasal na sila. Kung kasal man, madalas ‘asawa’ ang tawag. Masyadong vague ang term na partner, masyado ring safe. Mas safe pakinggan sa term na lover,” as-a-matter-of-fact ang tono ng boses niya.

“At number two, ang classic na: it takes one to know one. Pero alangan pa ako sa’yo kanina, buti na lang nadulas ka,” sabay tawa siya ng malakas.

“Di kita naamoy.” Sagot ko.

“Talaga? Mahina lang ang radar mo.”

“Hindi ‘no. Marami lang sorpresa sa mundo.”

“Surprise!” Lasing na ‘tong si Ram.

“Cheers to that!” Lasing na rin ako siguro.

At tama nga si Ram, mas magaan sa loob. Kapag nailabas mo na. Naibahagi mo sa taong makakaintindi. This guy is full of tricks. Sa halos dalawang oras lang ng inuman nasabi ko ang mga bagay na hindi ko kayang sabihin sa magulang ko, o sa malalapit kong kaibigan.

“Anong pangalan niya?” tanong niya sa akin.

“It doesn’t matter. Ayaw kong sabihin.”

“Okay. ‘Di wag.” Nakangiti siya habang nakatingin sa akin. Hindi na siya nagtitipid sa pagngiti. Lasing na nga.

“E ikaw, ano ‘yung sa’yo?

“Secret. Hindi ko pa kayang sabihin. Masakit pa eh.”

Paubos na ang huli naming beer. Lagpas 9 P.M. na. Lasing na rin ang mga nasa kabilang table. Nagkakahawakan na sila sa ilalim ng mesa.

“Ubusin natin, huwag kang magtitira! Kampay para sa iniisip ni Marco at sa iniisip ko. Sana isipin rin nila tayo kahit papaano,” itinaas ni Ram ang bote niya.

“Wow, nag-rhyme yun ha.” Inumpog ko ang sa akin at sabay naming inubos ang huli naming Red Horse.

Ang lakas ng sipa. Ang sarap malasing ulit ng ganito. Lasing pero hindi plastado.

“Ito na ‘yung part magpapahatid ka sa bahay, maglalasing-lasingan para matake-home mo ako,” sabi ni Ram. Hindi na siya nakangiti, nakangisi na siya.

“Asa ka naman. Inimbita mo pa sarili mo. Sorry, choosy pa ako.”

At tumawa siya ng malakas. Mas malakas sa dance music sa speaker na hindi ko na alam kung sino ang kumakanta. Nagtawanan kami pareho.

Nagsplit kami sa bayad.

“Pa’no, sibat na ako. Dito na ako sasakay ng jeep.” Nakatayo kami sa kanto sa tapat ng beer garden.

“Kaya mo ba umuwi.” Nakasandal ako sa poste ng ilaw.

“Oo naman. Lapit na lang rin ‘yung amin.”

“Kape ka muna sa bahay. Two blocks away lang dito ‘yung apartment ko.”

“Huwag na. Kaya ko naman. Isa pa, baka kung ano pang maisipan mong gawin sa akin.” Pinigilan niyang tumawa.

“Ulol! Sige na, kape lang. Para mahimasmasan ka ng kaunti.”

“Sigurado ka? Baka kung anong magawa ko sa’yo.”

“Nasa kanto namin ang presinto.”

Nakakahawa ang tawa ni Ram.

Pasuray-suray kaming naglakad papunta sa apartment. Nakapatong ang kanang kamay niya sa kaliwang balikat ko. Pagdating namin sa ikalawang kanto, umakbay siya na buo. Mainit ang singaw ng alak sa aming katawan. Amoy na amoy lalo ang body spray niya. Mossimo Fusion.

Kumikinang sa ilaw ng mga poste at headlights ang langis sa semikal niyang gupit. Akala ko nakakita ako ng bahaghari sa anit niya. Lasing na talaga ako.

Malikot ang kamay ni Ram. Habang naka-akbay, naglaklakbay ang mga daliri niya sa dibdib ko. Parang may hinahap. Nang makita ng kamay niya ‘yun, nakuryente ang katawan ko. Napatawa na naman siya.

“Perky.”

“Gago.”

Marunong magpinta ang mga daliri niya. Parang buhay na paintbrush. Napahawak ako sa bewang niya. Hindi ko namalayang nakarating kami sa apartment. Binuksan ko ang gate.

“Hindi ako mahilig sa kape Marco. At late na rin. Maaga pa ako bukas. Salamat sa inom. Sa uulitin.”

“Ang arte mo,” hindi ko alam kung bakit hinila ko siya papasok ng pintuan. Pumalag siya. Ayaw ko ng namimilit. Siya pa lang ang unang lalaking tatanggi sa akin. Hindi ata pwede ‘yun.

“Marco, may tama tayo. Alam kong lasing tayo pareho pero maaalala mo rin ‘to lahat pagising.”

May point siya doon. Lahat ng one night stands ko, hindi maganda ang pagising. Pero gusto ko siya ngayon. Gusto ko ang ginawa ng mga daliri niya kanina. Gusto kong malaman kung mas magaling sa caligraphy ang dila niya.

“Tara na.” Idinikit ko ang katawan ko sa kanya. Nalaman kong iba ang sinasabi niya sa gustong sabihin ng kanyang katawan.

“Rule # 2: Don’t do things you know you will regret in the morning. Especially if it falls under Rule# 1.” Nakatitig siya sa akin. Mga pakpak ang pilikmata niya.

“Lasing ka na, gago! Kung anu-ano na naman pinagsasabi mo.”

“Kasalanan ‘to ‘eh.”

“Kanino, single ka naman di’ba?”

“Sa isa’t isa. Kasi niloloko natin ang sarili natin. Gusto nating mawala ang katawan natin sa katawan ng iba, sa pag-asang makalimot ang kaluluwa.”

“Ang bigat. Nosebleed.” Kumiskis ang balbas niya sa sa leeg ko.

“Take a shower before you sleep.” Bulong niya sa tenga ko.

“Sabay tayo.”

“Tempting and sinful.”

“Let us sin then, and sin to infinity.”

“Did you just quote Foucault?” tanong ni Ram. Napakapit siya sa likod ko.

“Para quits.” Sagot ko.

Ngumisi si Ram. Mapait ang beer sa lalamunan. Pero tumamis ‘yun nang maglapat ang aming labi.  

Itutuloy
Share:

0 comments:

Post a Comment