Tuesday, February 11, 2020

Ang Mga Dapat Kalimutan sa Bus Mo Iwanan Part 12

by: hegemony

Kailangan magaling kang pumili ng bus na sasakyan. May apat na bus na gustong-gustong sakyan ng mga tao. ‘Yung Mannrose na kulay purple, ‘yung Jayross na kulay blue at light brown, ‘yung Kellen na kulay pula, at yung Taguig Metro Linkna kulay dilaw. Makikintab ang pintura ng mga bus na ‘to. May flat screen na TV, maayos ang pihitan ng aircon. May plastic cover pa ang mga upuan.

Bihira ako sumakay sa mga bus na ‘yun. Ang hirap makipag-agawan ng upuan. Laging siksikan sa loob. Ganoon talaga kapag maganda, dinudumog.

Parang si Dello. Parang si Marco.

Sumakay ako sa paborito kong bus. Hindi ko alam ang pangalan pero iisa lang naman ang may byaheng Pacita. Walang masyadong sumasakay sa bus na ‘to. Samantalang malinis naman sa loob, at maluluwag ang upuan. ‘Yun nga lang maalikabok ang labas. Pero hindi pa naman kalumaan. Madalang nga lang ang bus na ‘to sa EDSA kaya madalas nauuwi pa rin ako sa pagsakay doon sa magagandang bus.

Umupo ako sa ikaapat na upuan sa kanan sa may tabi ng bintana. Doon sa pandalawahan lang. Apat lang kaming pasahero. Pagdating pa sa Cubao madalas nadagdagan ang tao sa loob.

Nagmamadali ang bangketa ng Kamias. Kahit sa pagitan ng salamin, naririnig ko ang takong ng mga saleslady na marahil ay pambungad ang shift. Paubos na rin ang tindang kakanin at nilagang saba ng Manang na nakapwesto sa waiting shed. Sa tabi niya, nakalatag ang mga tabloid na pinapasadahan ng tingin ng bawat lalaking daraan.

Apat na araw na rin simula nang may nangyari sa amin ni Marco. Noong mga nakaraang araw, hindi na kami nagkita ulit. Hindi ko naman alam ang number niya. Sa opisina naman, hindi kami nagkakabangga. Pinipigilan ko rin ang sarili ko na i-email siya, o i-add siya sa Outlook. Sasakit lang ang ulo ko. Ayaw ko munang makipag-date.

Alam kong gusto niya rin ako. Wala naman sigurong mangyayari sa amin kung hindi niya gusto. Hindi rin siguro niya ako aayaing kumain kung nagsisi siya noong gabing iyon. Pero ano naman kung may gusto kami sa isa’t isa? Ilang beses na bang nangyari ang ganito sa akin. Ilang beses na rin na ako rin ang nasasaktan sa huli. ‘Yung mga tulad niya ang dapat iwasan.

Ewan ko ba, kung kamalasan o biyaya ang mga ganitong pangyayari. Biro sa akin ni Jolyn na matalik kong kaibigan, para daw akong apartment for rent. Mabakante man, may pumapalit rin. Matagal na ang isang buwan bago magkaroon ng bago.

Sagot ko naman, ang lungkot naman ng buhay ko kung ganoon. Kasi yung mga nag-aapartment ‘yung mga hindi kayang bumili pa ng sariling bahay, o silang mga walang planong magtagal sa isang lugar. Sabi ko kay Jolyn, sana rent to own na lang ako.

Sinilip ko ang Facebook ni Marco kagabi. Siyempre hindi ko siya in-add. Buti at hindi ‘Friends Only’ ang buong profile niya. Para tuloy akong batang nakapulot ng isang balde ng candies. Pinagpuyatan kong isa-isahin ang mga litrato niya roon. Marcong close-up, Marcong malayo, Marcong pa-cute, Marcong lasing (ito ang paborito ko), Marcong may katabing magandang babae (panlinlang), Marcong nagfle-flex, Marcong emo, Marcong tinakpan ng DSLR ang mukha, at iba-iba pang picture niya.

Pati ang Wall post puro tungkol sa trabaho, wala namang mga status na nalulungkot. Madalas puro smiley lang ang status niya at ang daming nagcocomment.

Tapos napatingin ako sa birthday niya at nagbilang. 28 years old. ‘Yun lang. Rule # 4: Stay away from people who are 28 years old or claim that they are 28.

Si Dello 28. Si Ian 28. Si Lester na dinate ko rin ng matagal 28 years old rin. Si Chris sabi niya 28 siya noong una ko siyang nakilala, pero 35 na pala noong naging kami. Pati ‘yung una kong lover na si Dan pareho sila ng sinabi ni Chris. Putang inang 28.

Minsan nakausap ko si Andre, isa sa matalik kong kaibigan na straight, tungkol sa mga edad. Noong panahong ‘yun in-love siya sa katrabaho niyang babae na 28 years old rin, at sumakit lang rin ang ulo niya. Napagkasunduan tuloy namin na pinakamaganda ang isang tao kapag 28 siya, pero may kapalit ‘yun, puro hang-ups. Puro kaguluhan sa buhay.

Noong unang beses namin magkape ni Dello, tinanong niya ang edad ko. Tapos sabi niya, bata pa raw ako. Limang taon ang pagitan namin.

“33 na ako kapag nag-28 ka. Pababa na ang market value ko noon, tapos ikaw peak mo pa lang.” Sabi niya. Papalubog ang araw noon sa Makati at maganda ang view mula sa smoking area ng Starbucks G4.

“Kaya pala ang benta-benta mo.” Biro ko.

“Naman! Kaya ikaw, ‘pag 28 ka na, mas mag-invest ka sa katawan mo. Sigurado, pila-pila sila sayo ‘nun. Tapos ako, mag-aabang sa rooftop ng dreamhouse natin, equipped with a sniper rifle. Lahat ng nakapila sa gate pagbabarilin ko.”

Umandar na ang bus ng mapansin kong hindi nakabukas ang TV. Patay.

Pinakaiiwas-iwasan ko kapag hindi nakasindi ang TV sa bus. Dahil kapag ganoon, malamang tutugtog ang radyo.

Umagos ang boses ng Air Supply sa ere. Kasing tinis ng gulong na biglaang pumreno ang birit sa chorus ng Here I Am. Kung sinuswerte ka nga naman. Ang aga-agang sakit sa ulo at dibdib. Hindi na ako naiiyak hindi tulad ng mga unang araw na naghiwalay kami ni Dello pero humihiwa pa rin sa loob sa tuwing may mga love songs sa bus.

Napakapit ako sa bag, Sa isang normal na araw, siguro bubuklatin ko ang planner na bigay niya at babasahin ang mga nakasulat doon, pero ngayon may kung anong distraction sa utak ko kaya hindi ko ‘yun nahugot mula sa bag.

28. Paulit-ulit ‘yun sa aking utak. Si Marco 28 rin. Pero mukhang maayos naman ang buhay niya. Typical na bachelor. Nagagawa ang gusto, nabibili ang gusto. Gwapo, matalino, stable.

Pero malamang sakit rin sa ulo.

Gusto ko siya. Hindi ko ikakaila na gusto ko siya ulit makita. Pero natatakot ako na kung saan na naman mauwi. Baka hanggang pisikal lang na pagkakaunawaan lang ang mabuo namin. Kung ganoon man, wala ring talo. Pero paano kung hindi lang ganoon ang gusto niya. Baka ako naman ang makasakit, at ayoko naman ng ganoon.

Hindi ko napanood ang movie ni John Lloyd ng buo, pero napanood ko sa Youtube ang part tungkol sa pagsusumbat niya ng 3-month rule. Malapit nang matapos ang 3-month rule ko. Isang linggo na lang.

Wala naman talagang ganoong rule. Si Dello naman ang nagsabi na makipagdate na ako sa iba kahit kami pa. Basta ipakilala ko lang muna sa kanya kapag ‘yun na daw. Nasaktan ako nang sabihin niya ‘yun, parang pinamimigay lang ako. Kaya ko lang naisip na maglapat ng ganoong batas dahil baka makarma na naman ako ‘pag masyado kung minadali.

Napatingin ako sa tattoo ko sa braso. Blangko.

Hindi ko na kailangang isulat pa ang pangalan ni Dello para lagi ko siyang maalala. Pero nitong mga nakaraang araw kapag naiisip ko si Marco, hindi na ganoong kasakit kapag dumadaan ang pangalan ni Dello sa utak ko.

Nakarating ako sa babaan ng bus ng di ko namamalayan. Bumaba ako. Iniwan ko ang pangalan ni Dello sa singit ng upuan. Pati ang mga bagay na gumugulo sa isip ko. 'Yung Rule # 4, binulsa ko baka kailanganin ko mamaya. ‘Yung mga iniiwan ko naman sa bus, makikita ko ulit sa susunod ko na pagsakay. Kaya nga ako nag-iiwan ng mga bagay para may babalikan. Si Dello, may iniwang planner sa akin, pero hindi ko alam kung balak niya pang balikan.

Pero ‘yung T-shirt ko na kay Marco pa.

"Ram!" sigaw ng pamilyar na boses.

Bumaba sa isang Kellen bus si Marco. Napakapkap ako sa bulsa ko. 

Itutuloy
Share:

1 comment:

  1. ganda ng story habang tumatagal nakakapanabik

    ReplyDelete