Saturday, February 8, 2020

Ang Mga Dapat Kalimutan sa Bus Mo Iwanan Part 6

by: Hegemony

Bawat tapak ko ay paglalakad sa bubog. Bawat paghinga ko ay sinisikil ng sapot sa dibdib. Naipit ang puso ko sa aking lalamunan.

Sa mga lugar na matatao, sa bus halimbawa, o sa babaan ng mga pasahero, nakatungo akong maglakad. Natatakot akong makita ang mga mukha mo sa kanila. Kaya hindi ko rin sinusuot ang salamin ko. Mas maigi ng malabo ang paligid, parang bintanang hindi napunasan.

Hindi madali ang lumimot Dello. Hindi ganoon kadali ang magpatuloy.

Kanina, nagpatattoo ako. ‘Dun sa mall malapit sa opisina. 'Yung ikalawang Sabado na hindi na kita kasama, doon ako tinopak. Nasa LRT ako noon, mula Anonas hanggang Recto nang maisip ko ang design. Sabi ko gusto kong gumawa ng bagay na maaari kong pagsisihan sa hinaharap. After a week ng pag-iisip, tinuloy ko.

Ganoon naman ang buhay 'di ba? Puro pagsisisi at mga sana-hindi-ko-ginawa-'yun. Pero ngayon wala naman akong pinagsisisihan sa namagitan sa atin.

Kapag nakita mo marahil sasabihin mo sobrang cheesy, at tatawa ka ng malakas.

Namimiss ko na ang tawa mo. Namimiss ko boses mo. Namimiss ko lahat ng meron tayo.

Hindi ba sabi mo, walang permanente sa mundo? Lalo na sa relasyong tulad ng atin, walang nagtatagal. Buti pang mag-asawa na lang. Magkaanak. May mag-aalaga pa sa’yo pagtanda. Sabi ko aalagaan kita hanggang tumanda tayo, hindi ka naniwala.

Masyado pa akong bata. Sabi mo. Huwag paabutin sa ganoon ang mga plano .

Iyon ang nagtulak sa akin para ituloy ang tattoo. Para iparating sa’yo na merong permante. Merong pwedeng balikan. Merong naghihintay.

MAHAL KITA _________.

Ang emo ‘di ba? Bagay na bagay sa akin. Dito ko pinalagay sa left arm sleeve. ‘Pag nakita mo, tiyak ko hahagalpak ka sa tawa. Naikwento ko sa’yo yung ex ko di’ba? ‘Yung tadtad ng tattoo sa katawan. Madalas naming pinag-aawayan kapag nagpapatattoo siya. Ayaw ko kasi siyang nagpapatattoo. Nagseselos ako kasi buti pa ‘yung tinta, hanggang libing niya kasama.

Tapos heto ako ngayon, walang pinag-iba sa kanya.

At least lagi kitang maaalala. Hindi ko makakalimutan kung bakit kailangan mong umalis. Kumbakit kelangan tapusin ang hindi naman natin nasimulan ng pormal.

Dahil tulad ng sabi mo, marami pa akong pwedeng makilala. Marami pang pwedeng mahalin. Dito ko sila isusulat sa patlang, sa espasyong iniwan mo, ang mga pangalan nila. Habang hindi ka pa bumabalik, sila muna ang isusulat ko.

Pero huwag kang mag-alala. May isulat man ako sa blangko mabubura rin naman. Parang alak na isusuka sa hangover. Parang palitan ng laway na idudura ko sa lababo.

Kasi ‘yung pangalan mo, naisulat ko na sa aking kaluluwa. Sana pagbalik mo magpatattoo tayo pareho. Sana maisulat ko ng permanente sa balat ang pangalan mo. Dito sa blangko.

Ang sakit pala. Parang ginahasa ng isanlibong demonyo ang bawat butas ng balat ko. Lalo na ‘dun sa malapit sa pulso muntik na akong mahimatay sa sakit.

Bawat tarak ng karayom, iniisip ko ang mga sinabi mo. Na magpakatatag. Na kayanin ko na wala ka. Na kung mahal talaga kita hahayaan kita sa gusto mo.

Masakit pa rin Dello.

Mas masakit pa sa isanlibong demonyo.

Pero pagkatapos ng session, lumuwag ang dibdib ko. Pakiramdam ko kakayanin ko kahit papaano. Sana ‘pag gumaling na ‘to nakamove-on na ako ng kaunti.

I’m wearing my heart on my sleeve.

Itutuloy
Share:

0 comments:

Post a Comment