Tuesday, February 11, 2020

Ang Mga Dapat Kalimutan sa Bus Mo Iwanan Part 13

by: hegemony

Sinuwerte akong makakuha ng upuan sa tabi ng bintana sa may bandang gitna ng bus. Magtataxi na sana ako pero thirty minutes na akong pumila para sa wala. Kapag Biyernes lahat ng tao nagkakandakumahog makatakas sa opisina.

Tulad ko, gusto kong makauwi agad para makaligo at makatulog. Naging mahaba ang linggong ito. Tambak ng trabaho na dapat hindi ko naman tinatrabaho.

Sa likod ng salamin ng bintana, tanaw kong nagsisindi ng gasera ang tindero ng siomai. Binabanlawan naman ng tindera ng pares ang mga mangkok na plastic sa isang timba ng tubig. May kanya-kanyang lakad ang mga tao. Karamihan, nag-aabang sa bangketa ng masasakyan pauwi.

Nang umandar ang bus, saka ko lang napansin na agad itong napuno. ‘Yung lalaking nakatabi ko, may halukipkip na plastic envelope sa kili-kili. Nakasuot ng puting polo na manilaw-nilaw ang manggas. Marahil nag-apply sa kumpanya namin. Siksikan na sa loob ng bus, hindi na halos makasiksik ang konduktor para maningil. Hindi ko man makita ang palabas sa TV, alam kong Avatar na naman ‘yun. Tutok na tutok sa panonood ang katabi ko.

Nakita ko Ram kaninang umaga papasok sa opisina. Tinawag ko siya pero hindi niya ako nilingon. Nagmamadadali siya sa paglalakad. Hindi ko alam kung narinig niya ako, pero isinusuot pa lang niya ang headphones nang tawagin ko siya.

Hindi ko na hinabol. Maganda ba siya para habulin? Kung ano man ang nangyari sa amin, hanggang doon na lang ‘yun. Aamin kong malaking dagok sa ego ko na naapektuhan ako sa pag-iwas niya. Hindi ako sanay na ako ang dinidedma.

I had my share of rejections. Dalawa lang. Sobrang kaunti na naaalala ko sila. ‘Yung una, si Charle. Orgmate ko dati noong college. Freshman ako, siya third year. She was a Film Major, ako Econ. Siya ang VP ng org. Napakaganda niya. Tinatago niya ‘yun behind glasses and oversized shirts. ‘Yung buhok niya laging naka-bun na inipit ng lapis. Lulugay lang ‘yun kapag magsusulat na siya ng concept ng film project niya. Pero kahit ganoon siya manamit, hindi niya matago-tago ‘yung ganda niya. Lahat kaming newbies sa org crush siya. At ang daming sumasali sa org dahil sa kanya kahit hindi naman mahilig sa Film.

Hindi naman ang mamula-mula niyang pisngi ang nagustuhan ko, o ang mahahaba niyang legs. She has this commanding presence. Kapag nagsalita na siya, talagang mapapatutok ka sa bawat sabihin niya. Sinubukan ko siyang ligawan, pero binasted ako. Hindi lang naman ako nag-iisa. Lahat ng nanligaw sa kanya, basted. Masyado raw akong boy-next-door para sa kanya. Naging boyfriend niya ‘yung gusgusing Fine Arts major na sophomore na laging may tapon ng pintura ang sapatos.

Pero naging close kami ni Charle noon after kong mabasted. Lagi niya akong hila-hila sa mga film events at mga art exhibits ng boyfriend niya. Doon ko nakilala ‘yung pangalawa, si Andy.

Kinuha siyang talent ni Charle sa thesis niya. Hindi pa ‘yun boom ng mga gay-themed films sa Pinas pero isa si Charle sa nag-risk gamitin ‘yun sa thesis. Nagbunga naman kasi Best Thesis siya nang gumraduate siya. Bilang celebration, nagpa-inom si Charle sa resthouse nila sa Tagaytay. Kasama ang buong org. Kasama rin si Andy.

Si Andy may trabaho na nang time na ‘yun bilang creative head sa isang ad agency sa Makati . Siya ‘yung VP ng org before ni Charle. Boy-next-door type rin. Kaya siya ang kinuhang lead talent ni Charle. Biro nga nila, ako ang younger version niya.

Nang lasing na lahat, si Andy gising pa. Hindi pa ako umiinom masyado noong time na ‘yun. Nagkatinginan lang kami, tapos ‘yun na. May nangyari na sa amin. Kinabukasan, hindi na niya ako pinansin. Hiningi ko ang number niya kay Charle. Tinext ko ng tinext pero hindi ako pinapansin. Nang minsan bumisita siya sa org meeting, sabi niya, hindi raw niya ako gusto. Masyado raw akong simple para sa kanya. Ano ‘yung simple? Hindi ko alam.

Kaya ‘yun, kinarir ko talaga ang pag-aaral. Sinigurado kong Laude ako pag-grad. Pinag-aagawan ako ng mga kumpanya noon, pati ng mga tao. Sabi nga ni Charle, ang aga ko daw magbloom. Biro ko sa kanya, binasted mo kasi ako eh. Simula noon, hindi na ako ang nanliligaw, ako na ang nililigawan. Ako ang nambabasted.

Kaya itong kay Ram, siguro parang isang challenge sa akin.

Lumuwag ang bus pagdating sa Ortigas. Halos kalahati ng mga pasehero nagsibabaan. Napuno ng amoy ng ginisang bawang ang buga ng aircon nang pumasok ang nagtitinda ng mani.

“Ang layo ng iniisip mo, ah.” Napatingin ako sa bago kong katabi.

Si Ram.

“Oy.” Ang tangi kong nasabi. Nagulat talaga ako. Kung maglaro talaga ang tadhana.

“Kanina pa ako nakatayo sa likod. Tinatawag kita, hindi mo ako narinig.”

“Ikaw nga kaninang umaga tinawag kita hindi mo rin ako nilingon.”

“Hindi naman kita nakita kanina.”

“Okay. Kamusta?”

“Ayos lang. Ikaw?”

“Ayos lang rin.”

Umandar na ulit ang bus. Parang naghihintayan kami ng sasabihin ni Ram. Babanggitin ko sana ang tungkol sa T-shirt niya ng biglang bumuhos ang ulan. Kasinlaki ng mga pako ang bawat patak sa bintana.

“Kung kailan hindi mo inaasahan saka dumadating.” Sabi ni Ram, na nakatingin rin sa bintana ko. Hindi ko na maalala kung kailan huling umulan sa siyudad.

“Takte. Wala akong payong.”

“Kelan ka ba nagdala ng payong?” Nangingiti niyang tanong.

“Oo nga. Hindi ako nagdadala ng payong. Nakakasira ng porma. Kung maliit naman na payong, ayaw kong may basang gamit na ilalagay ko sa bag.” Sagot ko.

“Takot kang masira ang poise, pero hindi ka takot mabasa ng ulan.”

“Wala na siguro ‘yan pagdating ng Kamias.”

“May payong ako. Maliit lang, pero kasya tayo.” Bumangga ang hita niya sa hita ko nang dumaan ang konduktor sa aisle. Magkadikit ang aming mga braso. Malamig ang buga ng aircon. May eksenang bumalik sa utak ko. Pinilit kong itulak ‘yun palabas sa sistema ko.

“Ram, tungkol noong Lunes.” Bungad ko.

“Marco, alam ko na. Huwag na natin pag-usapan. Giniginaw ka ba?”

“Hindi, ayos lang.” Inabot ni Ram ang pihitan ng aircon at tinutok sa kanya.

Hindi na kami nag-usap hanggang makarating kami ng Kamias. Malakas ang agos ng tubig sa kanal ng bangketa. Nauna akong bumaba. Tinakbo ko ang silong ng ukay-ukay store sa tabi ng Andok’s.


Bumaba si Ram at binuksan ang itim niyang foldable na payong.


“Tara , hatid na kita sa inyo. Mamaya pa titigil ‘tong ulan.”

“Hindi. Una ka na. Papara na lang ako ng taxi ‘pag may dumaan.”

“ Tara na, kukunin ko pa ‘yung t-shirt ko sa bahay mo.” Hinila niya ako sa papaloob sa payong. Umakbay siya sa balikat ko para magkasya kami.

Sumakay kami sa tapat ng Jolibee Kamias. Hindi siya kumibo sa buong byahe, maayos niyang pinagpag ang payong. Pagbaba namin sa kanto, mas lumakas ang buhos ng ulan. Basa na ang mga polo namin. Hinila niya ako lalo sa katawan niya, para hindi kami mabasa. Nilakad namin hanggang sa gate ng apartment.

“Buti pa ang lupa nadidiligan.” Bulong ni Ram. Mainit ang katawan niya. Mabango. Tulad ng singaw ng lupa sa paanan namin. Pinisil niya ang balikat ko. Binilang ko ang mga butil ng ulan sa kilay niya at pilikmata.

“Lasing ka ba?” Biro ko.

“Hindi. Papapasukin mo ba ako?” May pagnanasa sa mga mata niya na ngayon ko lang nakita. Basang-basa na ang kanyang polo.

Bago pa ako makasagot, binasa na rin niya ang mga labi ko.

Nang matapos ang unang paglapat ng aming mga labi, nakahiga na ako sa kama.

Umagos ang dila niya sa leeg ko. Rumaragasa ang tubig ulan sa bintana. Umuungol ang alulod. At nalunod ako sa kanya.

Hindi ko alam kung anong oras kami natapos. O kung natapos man kami. Ang huling naalala ko ay nakatingin siya sa mga mata ko habang nakadagan siya sa akin. Nagtatama ang mata niya sa mata ko habang nalalasahan ko ang ulan sa bibig niya.



***


Nagising ako sa tunog ng tumatalon na mantika at amoy ng bagoong. Pagbangon ko, naghahain ng almusal si Ram. Naka-boxers lang siya.

“Kain na. Walang laman ang ref mo, so kailangan mag-improvise.”

“Ano ‘to?”

“Binagoongan rice with Egg Strips.”

“Ang baho, amoy bilat.”

"Bakit nakaamoy ka na 'nun?"

"Oo naman."

“Tikman mo, masarap yan. Parang ako,” ngisi niya.

“Tulad mo nga, mabaho.” Biro ko.

“Ako mabaho? Excuse me. Kung makayakap ka kagabi para kang tuko.” Tumabi siya gilid ko.

Sumubo ako ng luto niya. Masarap. Ngayon lang ako nakatikim ng ganoon. Nakatingin siya sa akin na parang pusang nag-aabang.

“Pwede na.”

“Aww. C’mon!” Pinagpaguran ko kaya yan.”

“Masarap nga. Happy?”

“Oo. Masaya ako. Ikaw masaya ka?”

“Secret. Bakit di ka kumakain ng luto mo, may nilagay ka dito ano? Gayuma?”

“Sorry, hindi na kailangan.” Hinaplos niya ang hita ko.

“Confident ha.”

“Bilangin mo ‘yung buhok ko sa kili-kili.” Tinaas niya ang kaliwang kamay niya.

“Bakit?”

“Kulang ng isang buhok. ‘Pag may sumabit sa ngipin mo, alam mo na.”

“Baboy mo. Magbreakfast ka na nga.”

“Pagkatapos mo na. Gusto ko breakfast in bed.” Hinalikan niya ako sa pisngi.

Umuwi si Ram sa kanila bago maglunch. Hindi niya kinuha ang T-shirt niya. Saka na lang raw.

Noong Sabado ng gabi iyon, sinundo niya ako sa apartment.

“Auto mo?” tanong ko sa kanya.

“Ewan. Ginagamit ko sa pagpasok noong college. Hindi naman formally binigay sa akin ng parents ko pero ako lang madalas gumagamit.”

“Machong-macho ‘to ha.” Malalaki ang gulo ng 4x4 niyang itim na Isuzu.

“Nakakaloko ‘no? Parang ‘yung may-ari.” Sabay tawa ni Ram.

“Bakit hindi mo ‘to dinadala sa opisina?”

“Ayaw kong nagmamaneho sa totoo lang. Mas gusto ko pasahero lang ako.”

“Eh bakit mo ‘to dinala ngayon.”

“Nagpapa-impress ano pa ba? Saka may pasahero na ako kaya hindi ako aantukin sa pagmamaneho.”

“Saan tayo pupunta?”

“San mo ba gusto?”

“Ikaw ang may hawak ng manibela.”

"Kahit saan mo gusto.”

“Kahit saan ha? Tara sa Batangas.” Biro ko.

“Okay. Sabi mo yan ha. Sa San Juan maganda.”

“Hoy joke lang ‘yun.”

“Tingnan natin kung makababa ka pa. Nognog ka na sa Monday.”

At pinaharurot ni Ram ang sasakyan.  

Itutuloy.
Share:

0 comments:

Post a Comment