Friday, February 7, 2020

Ang Mga Dapat Kalimutan sa Bus Mo Iwanan Part 4

by: Hegemony

Pinatatawad natin ang kalungkutan ng iba/ kapag hindi sinasadya, natatabig natin/ ang kanilang pag-iisa sa pagmamadali/ sa pagtawid sa lansangan, o natatagpuan/ natin silang nakadungaw din sa bangin/ gaya natin…. - Pagtingin sa Bangin, Edgar Samar
Sunday Morning(s)

Kung may tagpo akong babalik-balikan sa panahong wala na tayo marahil ito na ‘yun. Dito sa kwarto mo, nakikinig sa basag na boses ng pari sa megaphone. Umaalingawngaw sa buong Bliss ang sermon niyang hindi ko naman maintindihan. Sinasala ng maalikabok na kurtina ang unang silahis ng Linggo. Mabagal na sumasayaw ang tela, nagluluwal ng alabok na tila mga alipato sa hangin.

Nakatagilid ka sa kama. Sapu-sapo ang braso kong nakayap sa bewang mo. Uubusin ko ang isang oras para pagmasdan ka. Bibilangin ang bawat baling mo sa kama. Ang bawat gusot na likha ng katawan mo sa kobre kama. Hihigpit ang kapit mo sa tuwing lumuluwag ang yakap ko. Iingit na parang sanggol sa tuwing aangat ang braso ko mula sa katawan mo.


Magigising ka ‘pag tumayo ako para umihi.

“Dito ka lang Baby. ‘Wag mo ako iwan.”

Mas hihigpitan mo ang pag-ipit sa braso ko. Babaling ka para halikan ako sa labi. Dampi lang, pero ramdam ko ang init, parang ‘yung Cuervo na ininom natin kagabi.

“Konti pa. Mamya na tayo bumangon. Parang binugbog ang katawan ko sa pagod. Mamaya ka na umuwi, gym pa tayo before lunch.” Garalgal pa ang boses mo at halos nakapikit pa ang mga mata.

Babalik ka sa pagtulog. Pipigilin ko ang ihi ko, tulad ng pagpipigil ko na mahulog sa’yo. Pero sa mga oras na ‘to, alam kong hindi na akin ang buhay ko.



Ito ang entry na bumungad sa akin. Sa bus ko lang nabubuklat ang binigay sakin na planner ni Dello. Starbucks 2010 Planner. Sa lahat ng pwede niyang ibigay na planner ‘yun pa. Ayaw ko kasi sa Starbucks. Ayaw ko sa kape. Pero siya mahilig sa kape.

Binigay niya sa akin noon ‘yun noon sa Greenbelt. Kakatapos lang namin manood ng sine at nag-aya siyang magkape sa usual.

“Nang-aasar ka ba?”

“Hindi. Para maalala mo ako, saka ‘yung boywatching natin kapag nagkakape tayo. Mahilig ka magsulat di’ba? Diyan ka magsulat. Tapos pabasa mo sa akin pag napuno mo na.”

“Ano naman isusulat ko rito.”

“Kaw bahala.”

Kahit bago pa niya ibigay ‘yun marami na akong naisulat para sa kanya. Tungkol sa kanya. Sa amin. Hindi ko pinabasa.

Noong gabi ring binigay niya sa akin ‘yun, bumili naman ako ng sketchpad. Mahilig kasi magsketch si Dello. Minsan mga tao. Madalas mga design sa bahay. O furniture design.

“O eto, para quits. Pwede ka rin magsulat dyan. Yung mga sketch mo sa kwarto mo pakalat-kalat eh.”

“Wow ang sweet naman.”

“Punuin mo yan.”

“Ng ano?”

“Mga designs mo, para pag may condo na tayo, may pagpipilian akong designs.”

“Salamat baby.”

“Saan, e quits na tayo.”

“Sa paniniwala mo sa akin. Kahit ang gulo-gulo ng buhay ko ngayon. Hayaan mo, ‘pag naayos na lahat babawi ako sa’yo.

“Okay sabi mo eh.” Pinisil niya ko ang kamay niya sa ilalim ng mesa.

Puro plano. Doon siya magaling. Puro drawing. Ako naman, puro tinagong hinaing. Puro sulat. Puro pangarap. Hindi naman niya mababasa.

Siksikan as usual sa bus. Rush hour pauwi. ‘Yung katabi ko, nakatulog marahil sa pagod. Pagod na rin ako. Pagod na akong magmaasim. Maghabol sa mga bagay na wala naman akong pinanghahawakan.

Huminga ako ng malalim. Pwede magmoment sa bus. Pero bawal umiyak. Baka magising ang katabi ko pag narinig niya akong humihikbi.

EDSA.

Binasa ko ang sinulat ko sa braso kaninang umaga.

Dito lang sa daang ito ako pwedeng maging mahina. Tinupi ko ang sleeves ng polo ko paitaas.

Mahal kita EDSA.

Hindi na masakit ang ‘Mahal kita’. Naghilom na ang balat. Pero ‘yung sa loob ko, sariwa pa rin.

Bukas pagligo ko mabubura naman ang ‘EDSA’. Blangko na naman ang patlang.

Kung ganoon lang sana kadali burahin lahat. Isang ligo, wala na. Konting hilod, ayos na.
Pero hindi. Mahirap talaga. Mahirap takasan kung sa araw-araw eh ako mismo ang gustong bumalik sa nakaraan.

Tanga.

Ipokrito.

Bulong ko sa sarili. Kung makapagpayo ka sa taong kanina mo lang nalaman ang pangalan kala mo kung sino ka. E ikaw nga itong hindi rin magtigil sa pag-iisip sa mga taong hindi ka naman na iniisip.

Marco.

Marco pala ang pangalan niya. Kelan ko kaya siya makakasabay ulit. Kahit pala si Pretty Boy nagmomoment rin. Ano kaya ang istorya niya sa buhay?

“O yung bababa ng Kamias dyan,” sigaw ng konduktor.

Pagbaba sa bus, iwan ang lahat ng dapat kalimutan.

Paulit-ulit yun sa isip ko. Iwan mo. Iwan.

“Aray! Puta mag-ingat ka naman.”

May nasiko na pala ako sa mukha.

“Pasensya na. Siksikan eh. Di sadya.”

“Pwede naman magdahan-dahan eh,” medyo mataas na ang boses ng sumagot.

Lumingon ako para mag-sorry. Bumungad sa akin ang salubong na kilay ni Pretty Boy. Mas gwapo pala siya ‘pag nakasimangot. At marunong pala magmura.

“Marco,” mautal-utal ako.

Goodluck talaga sa Rule #1.

Itutuloy
Share:

0 comments:

Post a Comment