Tuesday, February 18, 2020

Ang Mga Dapat Kalimutan sa Bus Mo Iwanan Part 20 (end)

by: hegemon

May musika ang paggulong ng pushcart sa makinis na sahig ng Shopwise. Tumigil kami ni Marco sa section ng mga sabong pampaligo. Kumuha siya ng isang Zest Ocean Fresh at itinapat sa ilong ko. Kabisado ko na ang amoy ‘nun, tulad ng amoy ng kanyang balat. Kaninang umaga, tulad ng mga umaga ng Sabado, nalasahan ko na rin ‘yun sa kanyang tenga habang sabay kaming naligo.

Ngumiti siya bago inilagay ang sabon sa pushcart. Kumuha pa siya ng apat. Tulad ng nakakabulag na ilaw sa grocery ang kulay ng kanyang balat, maliban sa mamula-mula niyang pisngi at sa tattoo niya sa leeg na pinanggigilan ko kanina. Sky blue ang semi-fit shirt na suot niya tulad ng langit kaninang umaga.

Napangiti ako na kasintagal siguro ng isang dekada. Sa isip ko, bumalik ang Fiesta Carnival sa Araneta. ‘Yung musika ng pushcart naging tunog ng pagkalula sa riles ng rollercoaster. ‘Yung malinis na sahig naging libagin tiles na madikit sa paa dahil sa natapong softdrinks na nakaplastic. Naging stuffed toys ang mga paninda sa estanste. Bumalik ‘yung mga food stalls na may tindang palamig, cotton candy at hotdog na mukhang coiled spring.

Ano pa ba ang pwede kong hilingin? Lahat na naman narito na sa Shopwise (o Fiesta Carnival).

Ipagluluto raw ako ni Marco ng hapunan. Siyempre, natuwa ako dahil unang beses niyang susubukan ‘yun. Madalas nagtatake-out lang kami or nagpapadeliver sa apartment niya. Unang beses rin naming mag-grocery na magkasamama. Pero ayaw kong tandaan ito bilang una. Ayaw ko nang magbilang. Tulad ng mga buwan na nagdaan na binabyahe namin sa EDSA, gusto ko ganoon lang, hindi na bibilangin. Pero siyempre, bilang ko ‘yun. Ang labo.

“Spaghetti o Fetuccine?” tanong ni Marco pagtapat namin sa section ng mga noodles.

“Ano ba iluluto mo?”

“Alfredo.”

“Spaghetti na lang, mas madali i-spell.” Biro ko. Hindi naman niya pinakinggan. Kinuha niya pareho.

Umaapaw na nga ‘yung pushcart sa mga pinaglalagay niya, tulad ng nararamdaman ko.

Si Marco ay hindi si Dello. Ilang beses ko na ba sinabi yun? Hinalikan ng araw ang kutis ni Dello tulad ko. Buhay na araw naman ang balat ni Marco. Nangongolekta ng sapot ang kisame sa Bliss, samantalang walang gusot ang kobrekama sa Kamuning. Magkaibang-magkaiba. Pero marami silang pagkakapareho. Pareho silang maganda, halos mabali ang leeg ng mga lumilingon kapag naglalakad kami sa labas. Pareho rin silang malambing, lalo na sa mga lugar na kami lang dalawa. Marami. Ayaw ko nang magkumpara.

Madalas rin kami ni Dello dito sa Cubao. Meet-up point namin kapag alam kong trapik sa Evangelista. Doon kasi ang project niya noon. Isang MRT lang naman, mas convenient raw kesa maipit kami sa trapik. Sa dalas ng pagkikita namin dito, nalaman ko ang tunay na kahulugan ng Gateway. Noon ko lang naintindihan kumbakit laging lumuluwag ang MRT pagdating sa Cubao Station. O kumbakit laging trapik sa Cubao Ibabaw. Sabi ko kay Dello habang nakatambay kami sa tabi ng escalator sa bungad ng sinehan, gateway ang Gateway. Isang lagusan. Karamihan ng mga tao dumadaan lang. Sa dami ng pumapasok, ganoon rin karami ang lumalabas. Balanse lang. May kasiyahan sa pagsalubong sa taong hinihintay, o sa bagong makikilala. May kalungkutan naman sa pag-alis at sa paghihiwalay. Balanse nga ba? O mas matimbang ang kalungkutan? Hindi ko rin alam.

Ang relasyon ko sa Cubao ay tulad ng away-bating magkasintahan. Noong bata pa ako, madalas dito ako dinadala ni Nanay, o ng mga tita ko. ‘Yun pa lang ang sikat na mall noon. Wala pang SM North o Mega, Trinoma, Gateway, Greenhills. Hindi ko alam kung may Glorietta na, kung meron man, hindi namin kayang pumunta ‘dun noon. Kabisado ko kung paano kumokonekta ang Alimall sa SM Cubao, ang SM Cubao sa Fiesta Carnival, ang Fiesta Carnival sa Farmer’s.

Bilang bata, masaya ako ‘pag dinadala nila ako para makalaboy. Pero nang tumagal, kinamuhian ko ‘yung pagbibitbit nila sa akin habang nagtitingin sila ng mga damit na hindi naman kayang bilhin sa department store ng Rustan’s.

Nang magbinata ako tinuring kong masamang alaala ang pagtungtong sa Cubao. Isang mababaw na pagtatampo sa kawalan ng kakayahang mabili ang maliliit na luho. Naalala ko ‘yung pagnganga ko habang nakahawak sa rehas ng Carousel na hindi ko masakyan. Pati ‘yung mga mumurahing laruang iniyakan ko sa DAKT Toys dahil sabi ni Nanay, hindi tayo mayaman. Ginatungan pa ‘yun ng ideyang sa isang pribadong paaralan ako iginapang ng mga magulang ko, kung saan lahat ng kaklase ko ay de-kotse.

Nang makatungtong sa kolehiyo, inibig kong muli ang Cubao. Pinagsisihan ko ‘yung angst na sinayang ko noong High School. Nagkaroon ng justification ang naging buhay ko. Cliché man, pinalaya ako ng Unibersidad. Ang kabalintunaan, doon naman guminhawa ang buhay namin. Ako naman ang de-kotse sa mga kaklase kong karamihan ay walang pang-matrikula.

Maraming naging una sa Cubao kaya malapit ‘to sa puso ko. Unang SEB. Unang date sa kapwa lalaki. Unang check-in sa motel na mumurahin. Unang date sa unang boyfriend, unang date sa pangalawa. Maraming una. Ayaw ko na sabing magbilang.

Pero simula noong huling gabi namin ni Dello, kinasuklaman kong muli ito. Kung pwede lang burahin sa mapa ng Pilipinas ginawa ko na. Sa tuwing madadaan sa Cubao ang bus na sinasakyan ko para akong ginigilitan. Sa tuwing nagpapasama si Nanay mamalengke sa Farmer’s para akong naluluging tindero.

Ngayon heto, nag-uukit na naman ako ng alaala sa Cubao. Masayang alaala naman. Ganoon naman siguro ang buhay, paglilikha ng mga alaala. ‘Yung mga gusali mag-iiba. ‘Yung mga tao aalis-babalik. Pero ‘yung Cubao mananatiling Cubao kung paano ko gustong alalahanin.

Ito ‘yung natutunan ko kay Dello kahit hindi niya tinuro. Ito rin ‘yung gusto kong matutunan ni Marco.

“O bakit ganyan ka makangiti, para kang bata.” Kunot-noong tanong ni Marco habang nakangiti pa rin.

“Wala may naisip lang ako.” Sabi ko. Tinulak ko ang pushcart papunta sa counter.

“Kalibugan na naman yan malamang.” bulong ni Marco. Naging ngisi ang ngiti niya. Inayos niya kunwari ang mga bilihin sa pushcart para saglit na hawakan ang kamay ko sa handle na natatabunan ng bag ng Lays. Gusto ko sanang tikman ulit ang lasa ng ngiti niya kung wala lang mga tao.

“Sorry Mother Theresa. Ako na ang malibog. Ikaw na ang immaculate.”

“Hmp.”

“Alam mo diyan sa pwesto ni Ate, diyan nakatayo ‘yung Carousel dati.” Tinuro ko ang kinatatayuan ng kahera.

“Huh? Kaweirduhan mo na naman ha.”

“Nasakyan mo ba ‘yung Carousel sa Fiesta Carnival dati?”

“Oo naman. Oo nga pala. Carnival ‘to dati.”

“Buti ka pa, ako hindi eh.”

“Wala kang childhood.”

“Meron naman. Hindi ko lang nasakyan kung makapag-judge ka.”

“Joke lang.”

“Bakit ganun kung ano ‘yung mga hindi ko naranasan ‘yun ang pabalik-balik?”

“Pati ba naman Carousel gagawan ng issue? Punta tayo sa EK o Star City, mahilo ka sa Carousel.”

“Nakasakay na ako ‘dun.”

“O ‘yun naman pala eh. Same shit.”

“Hindi iba pa rin.” Hindi ko na pinalawig pa. May point naman si Marco. Sumuko na lang ako sa ngiti niya.

Lumabas kami ng Shopwise. Papalubog na ‘yung araw. Ewan ko, pero parang nakaamoy ako ng kemikal ng mga litrato. Sa isip ko, sa tabi ng entrance ng Shopwise naroon pa rin ang lumang photoshop. AGFA. Fujifilm. May malaking litrato ni Aga Muhlach, Aiko Melendez at iba-iba pang artista.

Sa tabi ko, bumukol lalo ang braso ni Marco sa bitbit naming groceries. Tumawid kami patungong Araneta Colliseum, sa parking lot.

Siguro pagkatapos ng isa na namang dekada, itong imahe naman ng Shopwise ang manunumbalik ‘pag madadaan ako sa Araneta. Marahil Shopwise pa rin, o baka ibang establishment na. 

Siguro sa panahong ‘yun mag-isa na lang ako, o baka kasama ko ulit siya..........

End.
Share:

0 comments:

Post a Comment