Monday, February 17, 2020

Ang Mga Dapat Kalimutan sa Bus Mo Iwanan Part 19

by: hegemony

Mata ng pusa ang titig ng buwan noong gabing ‘yun. Siguro ganoong paraan idedescribe ni Ram. Sabado ‘yun. Huling Sabado naming magkasama. Katatapos lang ng last full show sa Gateway. Nakalimutan ko na ang pelikula ng pinanood namin. Hindi naman mahalaga ‘yun. Mas mahalaga ‘yung paghahawak namin ng kamay sa dilim ng sinehan.

Dalawang linggo bago ‘yun, hindi kami nag-usap o nagkita. Tulad ng hiniling ko sa kanya, hindi ko siya tinitext o tinatawagan. Kahit mahirap. Kinaya naman niya. Ako, hindi ko kinaya.

Ako naman ang humingi ng ganoong set-up. Pinagbigyan niya ako. Lagi naman niya akong pinagbibigyan. Pero noong Sabadong ‘yun, hindi ko talaga matiis. Gusto ko siyang makita. Gusto kong alamin na naroon pa rin siya. Madamot ako. O malungkot. Marahil pareho. Tatlong araw mula noong Sabadong ‘yun ang flight ko.

Nilakad namin mula Starbucks Araneta hanggang sa Aurora. Isang tao ang pagitan namin ni Ram. Nakabulsa ang kamay niya sa kanyang brown na hoodie jacket. Lumapit ako at inakbayan siya. Akbay na yakap, ‘yung pinakamahigpit na kaya kong ibigay. Nang tumapat kami nakakasilaw sa 24 hours na McDonald’s, nakita ko ang malungkot na pagngiwi ng ngiti niya. Hinalikan ko ang gilid ng ulo niya. Inamoy.

Nagulat si Ram. Ramdam ko na uminit ‘yung tenga niya. Hindi kasi siya sanay na nagbibigay ako ng ganoon sa kanya sa labas.‘Yung grupo ng mga paminta sa likod ng salamin napatingin sa amin. Wala akong pakialam.

Marahil nasasaktan pa rin siya sa mga sinabi ko noon. Pati rin naman ako nasaktan.

Narating namin ang kanto ng Isetann. Kanya-kanyang pwesto na ang mga callboy. Parang mga pusang nag-iinat, siguro ganoon tatawagin ni Ram. Sabi niya isang malaking pusa ang Cubao. Pero hindi raw siya ang unang nakaisip ‘nun. Sa tingin ko naman, isang malaking basurahan ang Cubao at sa gabi naglalabasan ang mga pusa.

“Dello, kung tatanda ako gusto ko dito sa Cubao. Malapit nang matapos ang Manhattan Garden City.” Nakatingin si Ram sa 7-11 sa kabilang side ng Aurora.

Sa paanan namin, naglabasan ang mga ipis sa imburnal. Sabay-sabay nagtawiran ang isang grupo ng mga lalaking marahil ay gigimik. Nakatikwas ang mga naka-wax na buhok na kasintaas ng kanilang mga kwelyo.

“Anong drama naman yan? Bakit dito? Ang dumi-dumi. Ang luma-luma. It’s beyond repair. Wala kang taste Babe,” sabi ko.

“Ewan. Nakakahatak kasi. ‘Di ba sabi ko pusa ang Cubao? Parang pusang nagsusuot sa madilim na eskinita. Hindi nauubusan ng misteryo.”

“Pusang madumi at galisin. Andaming magaganda. The Fort. Ortigas. Makati . Mangangarap ka na lang dito pa.”

“Ewan. Siguro nahawa lang ako kay Tony Perez.”

“Malamang writer na naman ‘yang si Tony?”

“Oo. Pintor din pala ‘yun. Bakit ba ‘pag artist, magaling rin magsulat?”

“Eh ako artist pero hindi naman ako nagsusulat. Ikaw nagsusulat pero hindi ka naman nagpipinta.”

“Sige ikaw na ang artist.” Biro ni Ram.

“Sige ikaw na ang writer. ‘Pag nagkaanak siguro tayo writer-slash-artist-slash-director at kung anu-ano pa.” Biro ko, gusto ko siyang patawanin.

“ Sana hindi niya mamana ang kayabangan mo. Pero malabo ‘yun, unless may maimbentong attachable na bahay-bata.”

“Eh di mag-ampon tayo ng mga pusa.” Mas hinigpitan ko pa ang akbay ko sa kanya.

“Alam mo si Tony Perez, hindi ko maaalala kung siya, o ‘yung nagbigay ng foreword sa kanyang libro, naririnig daw nila noong 1980s ang imaginary na tren sa hatinggabi. Dito sa Cubao.”

“O ngayon?”

“Tingnan mo, ngayon may LRT na. Hindi nga lang bumabyahe ng hatinggabi, pero at least nagkatotoo ‘yung panaginip niya,” nakatingala si Ram sa riles ng LRT.

Kahit sarado na ang Cubao Station, tatlong tren ang dumaan na katahimikan sa amin.

“Babalik naman ako Ram.”

“Huwag mo simulan Dello. Alam ko na ang sasabihin mo. Nang pinili kong maging ganito, tinanggap ko na ‘yung kalungkutan na pwedeng kong bunuin. Ilang ulit mo na ring sinabi sa akin na walang seguridad sa ganitong pamumuhay.”

“ Sana pagbalik ko, mahal mo pa rin ako.”

“Siguro. Siguro tatanda na lang rin akong mag-isa. Masasanay rin ako siguro sa mga gabi na lagi na lang may nagpapaalam umalis, o may bagong magpapakilala. Gusto ko rito sa Cubao. Mangangarap rin ako sa mga bagay na dalawang dekada bago dumating. Siguro marami akong madadala sa condo unit ko sa Manhattan.Tapos after ilang taon, maluluma rin ‘yun. May kung anong mall na naman ang gigibain para tayuan ng ibang gusali. ‘Yung mga luma tatapalan para magmukhang bago.”

“Laging malungkot kang magsalita.”

“Masaya lang naman ako ‘pag kasama ka. At sa buhay bakla, dapat masanay na ako sa kalungkutan. Sabi ni Tatay, dapat may foresight daw ako. Kung mangangarap, hindi laging dapat masaya. Dapat realistic rin.”

“Sayang hindi ko siya nakilala.”

“Oo nga. Magkakasundo kayo ‘nun sa arts.”

“Sorry ha. Sa lahat. Alam mo na ‘yun. Babawi na lang ako pagbalik ko.”

“Ayos lang, sabi ko nga, masasanay rin ako. Tulad ng pusa, siyam rin siguro ang puso ko. Tulad ng Cubao. Tutugisin kami ng pagbabago, ng kagandahan. Pero tandaan mo, ‘yung mga galising pusang sinabi mo, silang nagkakalkal sa basurahan habang sinususo ng apat na kuting, sila ‘yung nagtatagal ang buhay.”

“Tama na ang drama. Tara libre kita ng Pineapple Juice sa 7-11. Paborito mo ‘yun diba?” Aya ko sa kanya. Huling gabi namin noon, gusto ko masaya lang.

“May L-Carnitine kasi ‘yun. It’s good for the heart.” Hindi talaga nagpatalo si Ram. Pero hinarap ko na lang ‘yung mga sinabi niya. ‘Yung mga hinanakit niya sa akin. Tama naman lahat. Kasalanan ko naman lahat.

'Yung buwan ngayong gabi habang sinusulat ko 'to para sa kanya, pusang may muta. Sabi ko sa kanya nakalimutan ko na umiyak. Pero namimiss ko siya. Namimiss kita. 

Itutuloy
Share:

0 comments:

Post a Comment