Sunday, February 16, 2020

Ang Mga Dapat Kalimutan sa Bus Mo Iwanan Part 18

by: hegemony

Noong ikalimang Martes, napatunayan kong maswerte talaga ako. ‘Yung lahat ng pwedeng kong hilingin sa isang potential na tasyo, nasa kanya na. At para piliin niya ako makasama araw-araw ng walang kasawaan, pakiramdam ko, napakaganda ko na rin.

Nararamdaman ko ‘yun, na mahalaga rin ako sa kanya. Minsan natanong sa akin ni Jolyn kung paano malalaman kung ‘yung tao na ay para sa iyo talaga. Sabi ko hindi ko pa masasagot ‘yun. At baka hindi ko na rin masagot. Ang tanging kakayahan ko lang ay malaman kung mahal rin ako ng taong mahal ko. O kung may nararamdaman rin sa akin ang taong gusto ko. Parang seventh sense. Parang kutob ng mga ina. ‘Yun ang mahiwaga, mararamdaman mo na lang. At kapag nawala na rin, mararamdaman ko rin.

At yun ang masakit, kapag nawala na. At pipilitin ninyong ayusin. Pero sa huli, hindi na rin naman maayos. Ilang beses na rin itong nangyari. Maraming beses na. At bawat pagkakataon na masaktan ka, matatakot ka na baka ‘yung susunod mas malalim sa sugat ‘yung iwan.

Higit isang buwan na kaming magkasabay ni Marco, at kailanman hindi na niya ulit tinanong ang tungkol sa kung anong meron kami. Hindi ko alam kung tama ‘yun, pero sa totoo lang, nakakatakot muling magpataw ng mga expectations sa isang tao. Kaya kahit labag sa loob ko, sinusubukan kong mas maging maluwag sa kanya. Pero darating rin ‘yun, na lalamunin kami ng mga bagay na hindi namin pinag-uusapan. Marahil duwag akong harapin ‘yun. Marahil masasaktan rin ako kapag isusumbat na niya sa akin na wala naman kaming pinagkasunduan.

Unfair na isipin ‘yun. Na pangunahan ang mga hindi pa naman nangyayari o baka hindi naman talaga mangyayari. Pero bad habit ko na rin na magduda sa patutunguhan ng isang bagay, na lahat ay matatapos rin, at sa pagtatapos na ‘yun sakit lang ang mararamdaman ko.

Rule Number Five: Do not impose rules on others. Isa sa mga pinakahalaga kong natutunan sa mga relasyong nagdaan ay ang huwag magpataw ng batas sa ibang tao. Kung sarili ko ngang mga batas hindi ko na masunod, paano pa kaya kung ipapataw ko pa sa iba?

Paglagpas ng EDSA Crossing, huminto ang bus na sinasakyan namin ni Marco sa tapat ng Nice Hotel. Pinatigil ng buwaya. Nagsakay pa kasi sa kanto ng Crossing.

“Mala-late na tayo.” Naiiritang wika ni Marco.

“Saglit lang ‘yan, wala sigurong pang-kape ang buwaya.”

“Bakit kasi magsasakay pa eh puno na nga? ‘Dun pa sa bawal nagsakay. ‘Yung dapat na pamasahe ng mga sinakay nila pambayad rin sa violation.”

“Hindi ko mo rin sila masisisi. Kabuhayan nila ‘yan eh. Parte na ng araw-araw na pasada ang paglabag sa traffic rules. Saka bawi rin naman. Sa bawat sampung nagmamadaling pasaherong sasakay sa maling terminal pwedeng kumita ng minimum na one-hundred ten pesos. Sabihin nating singkwenta ang lagay sa MMDA, may kita pa rin na sixty pesos.”

“Mali ka. Kasi kukunin rin nila sa kita ng buong araw yung pambayad sa lagay. So lugi pa rin”

“Hindi rin. Tatlong pasahero lang bigyan nila ng inulit na ticket, bawi na. Kung lugi sila in the long run, eh di sana hindi sila takot lumabag. Kung wala silang kita, eh di sana wala silang panghulog sa butaw.

“Butaw?”

“Hindi mo ba napapansin ‘yung mga nanghaharang sa bawat terminal? Madalas sa Cubao, o dun sa tapat ng Galleria. ‘Yung nangongolekta ng pera sa konduktor. Parang paluwagan nila.” Sabi ko.

“Ang dami mo namang napapansin.”

“Ikaw Marco, naniniwala ka ba sa mga batas?”

“Oo naman. Kailangan ‘yun. Kung wala eh di ang gulo-gulo ng mga tao. Ikaw ba?”

“Mahirap sagutin ‘yan. Kailangan nga ng batas para may order. Pero sa tuwing nakakakita ako ng mga sitwasyon na tulad nito, napapaisip ako kung ano pa ang saysay.

“Ang aga-aga ganyang usapan?” tumawa si Marco.

“Sa tingin ko, may mga bagay o pagkakataon na hindi kailangan ng batas. Kasi kung lahat meron, lagi na lang tayo maghahanap ng butas para makalusot. Mas maigi pang wala na lang.”

“Anarchism?”

“No. Responsible citizenship. Malaya ka, malaya ako. Nasa iyo na lang kung hanggang saan mo dadalin ang kalayaang ‘yun”. Napatingin ako kay Marco habang pinanonood niya sa bintana ang pagkamot ng ulo ng konduktor. Inabot nito ang singkwenta pesos sa traffic enforcer.

Hindi ko alam kung ‘yun talaga ang gusto kong sabihin sa kanya. Sa bawat araw, natatakot ako sa posibilidad na mawala siya. Pero ayaw ko siyang ikulong sa mga batas ko. Ayaw kong pangalanan siya bilang akin, dahil hindi pa rin naman ako buong-buong sa kanya.

Kaya gustong-gusto ko ang Martes. Ito lang ulit ang araw na kasama ko siya na pareho lang kaming pasahero. Hindi ko kailangang mag-isip ng direksyon. Hindi ko hawak ang manibela kundi ang kamay niya lang sa buong byahe. 

Itutuloy
Share:

0 comments:

Post a Comment