Saturday, February 15, 2020

Ang Mga Dapat Kalimutan sa Bus Mo Iwanan Part 17

by: hegemony

Martes ang pinaka-ayaw kong araw simula ng makauwi kami mula sa Batangas. Pero napansin ko, Martes naman ang pinakamasayang araw para kay Ram. Coding kasi siya kapag Martes. Sa apat na araw ng isang linggo sa opisina, walang sawa niya akong sinusundo’t hatid. Isang bagay na na napakalaking convenience sa akin. At isang bagay na talagang na-appreciate ko.

Noong unang Miyerkules na sunduin niya ako, tinanong ko kung bakit. As usual, hindi niya sinagot ng diretso. Sabi niya on the way rin naman daw ako kaya sabay na kami pumasok. Hanggang sa napansin ko na araw-araw na niya akong sinusundo. At halos gabi-gabi pagkahatid sa akin, sa bahay na rin siya natutulog.

Sa umaga, lagi ‘yung may baong dalawang Chocolait. Pagsakay ko sa kotse, ibabato niya sa akin ‘yung isa. Hindi man lang ako babatiin ng Good Morning. Tahimik lang ‘yun. Parang naalimpungatan. Pag-andar ng kotse, sabay kaming iinom habang naiipit kami sa trapik sa crossing ng Kamuning-Kamias. Kapag naubos na niya ‘yung Chocolait, ayun, parang laruang nasusian. Kung anu-ano na ang pag-uusapan namin mula sa bagong librong napirata niya sa Internet hanggang sa kung magkano ang goma na isinusuot ng konduktor sa kanilang hinlalaki.

Kung anu-ano ang kaya naming pagkwentuhan, pero ‘yung tungkol sa amin, hindi namin mapag-usapan.

Pero bakit pa? Hindi ko man matanggap, masaya naman akong kasama siya. ‘Yun ang mahalaga. Tulad ng mga byahe namin sa EDSA na kahit trapik ay hindi ko namamalayan, hindi ko rin napansin na siya na parati ang kasama ko.

Kapag Martes, aabangan niya ako sa kanto ng Kamias sa tapat ng Chowking. At sabay kaming papasok. Panlimang Martes na ngayon. Siya lagi ang pumipili ng bus na sasakyan. Sa sobrang nasanay ako na mula bahay hanggang opisina ay isang sakay lang, nakakatamad mag-commute. Pero isang beses lang naman sa isang linggo. Pansin ko sa mga Martes, mas kalmado si Ram. Mas positive ang aura niya.

Umupo kami sa bandang gitna, walang masyadong tao sa bus. Sa buong byahe, hawak niya ang kamay ko na tinatago namin sa nakapatong niyang backpack sa aming hita.

“Bakit parang mas gusto mong sumasakay sa bus kesa nagkokotse?” tanong ko.

“Di’ba sabi ko sa’yo, mas masarap maging pasahero,” sagot niya

“Eh bakit mo pa ako pinagmamaneho?”

“Wala gusto ko lang. Mas may private time tayo sa kotse. Pero kahit naman driver, dapat may day-off rin sa pagdadrive.”

“Basta driver, sweet lover?” Biro ko.

“Barya lang po sa umaga.”

“God knows Hudas not pay.”

“Badge not honored.”

“Chicks na white cover, pang-alis ng hang-over.”

Nagtawanan kami sa mga kababawan.

“Masarap ‘yung ganto lang, yung pareho tayong pasahero lang.” sabi ni Ram.

“Sa bagay.”

“Saka dito tayo nagkakilala di’ba?” pinisil niya ang kamay ko. Hindi rin naman pala masamang mag-commute ulit. 

Itutuloy
Share:

0 comments:

Post a Comment