Friday, February 14, 2020

Ang Mga Dapat Kalimutan sa Bus Mo Iwanan Part 16

by: hegemony

Walang walang hanggan.” Sabi ni Ram.

Apoy ang kulay ng malamlam na ilaw ng cabana. Dikit-braso kaming nakaupo ni Ram sa gilid nito, nagkukuyakoy ang aming mga paang naglalaro sa buhangin.

Walang bakanteng kwarto sa La Luz. Sa La Luz Labas naman, pati ang mga pinauupahang kubo ni Aling Ely ay okupado na lahat. Pinahiram na lang niya kami ng unan at kumot. Bakante naman lahat ng cabana. Doon kami pumwesto sa pinakadulo.

Ito ang hirap kapag biglaan ang lakad. Walang matinong matutulugan. Wala nga kaming damit na pamalit. Sabi ni Ram, bibili na lang raw kami sa palengke kinabukasan. Maaasar na sana ako, pero nakakatanggal ng galit ang tunog ng banayad na mga alon sa dalampasigan.

Hindi ko pa nakita kung malinaw ang tubig, pero snorkeling at diving site rin daw dito sabi ni Ram. Tahimik na ang buong paligid. Marahil tulog na ang karamihan, maliban sa ibang kubo na may inuman.

Nakatingin lang kami sa dagat, o sa langit. Napagpapalit ko na nga ang langit at ang dagat. Pareho kasing kalmado ang mga ito. Hindi ko nga namalayang ala una na sa cellphone ko.Isang oras na halos kaming walang kibuan matapos kumain at magkwentuhan tungkol sa pamilya niya, pamilya ko, at mga kaibigan.
Ang hindi ko maintindihan, kumportable ako sa katahimikan niya. Ako pa naman ang taong hindi mapakali kapag wala ng mapag-usapan. Pero sa pagkakataong ito, hindi awkward ang hindi namin pag-uusap.

“Anong walang walang hanggan?” tanong ko kay Ram.

“Walang forever.”

“Hindi naman natin malalaman ‘yun. Kasi mamatay rin tayo.”

“Exactly.”

“But that doesn’t mean forever does not exist just because we can’t prove it.”

“Sa bagay, pero sa tingin ko, lahat matatapos rin. Hindi lang natin makikita kasi mauuna tayong matapos kaysa sa katapusan.” Sabi ni Ram.

“Bagay ba ‘to? Nakakain? Lugar?” biro ko.

Tumingin siya sa mga mata ko. Hindi ko alam kung dagat ang nakita ko roon. O baka langit. Napagpapalit ko na ang langit, ang dagat, at ang kanyang mga mata. Pare-pareho kasi itong malalalim. Gusto ko sanang sabihin sa kanya na maaaring mayroong walang hanggan.

Marami rin akong gustong itanong, tulad ng kung anong mayroon kami ngayon, o kung saan kami papunta. Gusto ko ring tanungin kung anong pangalan ng huli niya, kung bakit siya malungkot, kung bakit masaya ako ‘pag kasama siya. Pero iniiwasan ko ang manghimasok. Marahil galos sa pride ko na ako ang unang magbigay ng interes sa personal niyang buhay. Marahil takot rin ako sa pwede niyang isagot.

“Pero ang pinaniniwalaan ko ay ang habambuhay,” tumingin ulit si Ram sa dagat.

“What’s the difference?”

“’Yung habambuhay mas finite, mas realistic. Sa relasyon, walang forever. Pero may habambuhay. Habang buhay pa ‘yung damdamin. Habang buhay pa ang tiwala.”

“Something that lasts.” Sabi ko.

“Oo. Napakailap nga lang. ‘Yung habambuhay, habambuhay mo rin hahanapin.”

Hindi ko alam kung saan niya hinugot ang mga ideyang ‘yun. Pessimistic, pero totoo rin naman. Siguro marami na rin siyang napagdaanan.

“Ram. Ano ba ‘tong nangyayari sa atin,” hindi ko napigilang tanungin.

Hindi siya agad sumagot. Mga dalawang minuto ring seryoso ang mukha niya.

“Yun na yun.”

“Ano ‘yun?”

“Gusto mo sigurong marinig na sabihin kong gusto kita. At gusto mo ring tanungin kita kung pwede bang maging tayo ano?” nakangiti niyang sagot.

“Excuse me?”

“Pag gwapo nga naman, ang taas ng ego.”

“Ano? Hindi kita ma-gets.”

“Hindi mo na kailangang ma-gets kasi pati ako hindi ko pa rin ma-gets. Basta ang alam ko, alam mo na may something. ‘Yun naman ang mahalaga, higit pa sa salitang gusto kita.

“Eh bakit hindi mo masabi?”

“‘Eh bakit kailangan mo pang marinig?”

“Ang labo mo.”

“May mga bagay na hindi na natin dapat pangalanan. Kasi alam na natin. Kapag binigyan pa natin ng pangalan kung anong meron tayo, nagbibigay daan din ‘yun sa mga bagay na maaari nating burahin sa hinaharap.

“Nosebleed.”

“Basta tandaan mo ang gabing ‘to. ‘Yung nararamdaman mo ngayong gabi. Kasi ako tatandaan ko. Hindi ko alam kung saan tayo papunta pero kung may babalikan tayong tagpo sa panahon na magulo na lahat, ito ‘yun. Kasi kahit hindi natin masabi ‘yung mga gusto nating sabihin, at kahit hindi natin marinig ‘yung mga gusto nating marinig, alam natin sa isa’t isa kung ano ang mga ‘yun. Kahit malabo, masaya tayo. At ‘yun ang mahalaga.”

“Ok.” Yun lang ang nasabi ko.

Hindi ko ma-digest lahat ng sinabi ni Ram, pero ang tumatak sa akin ang mga salitang ‘tandaan’ at ‘masaya’. Humiga kami sa cabana. Lumulusot sa siwang ng kawayang papag ang hanging dagat, pero sa pagitan namin, walang makasingit na hangin.

***

Gumising sa akin ang sigawan ng mga batang naglalaro. Hindi pa mainit ang sikat ng araw. Kumikinang ang dagat sa malayo. Wala na si Ram sa tabi ko, pinalitan ng mga bote ng mineral water, dalawang twalya, nakasupot na boardshorts, at sabon at sunblock. May nakasupot rin na styro ng Jollibee, pineapple juice at the Philippine Star.
“Kumain ka na?” paglingon ko ay bumungad si Ram. May bitbit na supot ng pusit.

“Hindi pa. San galing yan?”

“Pag umaga kasi may naglalako dito. Pinabili ko si Aling Ely. Papaihaw ko. Lunch natin later. Mababakante pala ‘yung isang kwarto mamya, lilipat na tayo ‘dun. Aircon.”

“Good.”

“Hiyang-hiya naman akong mapawisan ka.” Biro ni Ram.

Sabay kaming kumain ng brunch. Chicken Tocino sa akin, sa kanya Longanisa. Hinabol namin na hindi pa tirik ang araw para maligo. Pagdating namin sa beachfront, pinasuot ako ni Ram ng lifevest na nirentahan namin. Humiram rin siya ng snorkel at goggles. Maliit na part lang ng beachfront ang mababaw, biglang lalim agad.

“Hindi ka magvevest?”

“Hindi ako makakasisid ‘pag may vest.”

“Gaano ba kalalim dito.”

“May vest ka naman. Dapat di mo na tinatanong ‘yan, sabak na agad.”

“Nakakatakot naman, wala pang lifeguard”

“Andito naman ako.”

“Lifeguard ka?”

“Hindi. Pero uno ako sa Skin Diving at SCUBA namin na PE.”

“Wow, may credentials?” nagtawanan kami pareho.

At hinila na niya ako sa tubig.

Nakakalunod ang kagandahan ng dagat. Umaapoy yung mga corals, ‘yung mga isda samu’t sari ang laki at kulay. First time ko ring makakita ng seahorse. Si Ram, sinisid talaga ‘yung mga corals. Naiingit nga ako kasi hindi ako marunong ‘nun. Tapos pasikat na sumisirko-sirko pa siya sa tubig.

Nang magsawa siya sa kakasisid, tumabi siya sa akin sa ibabaw. Hinawakan niya ang kamay ko. Una kong naisip na lumingon at baka may makakita pero naaala ko nasa dagat pala kami. Nagpaubaya ako. Nagpalutang-lutang lang kami ‘dun na hindi ko alam kung gaano katagal. ‘Yung sinag ng araw binabaluktot ng malikot na tubig. Naririnig ko ang sarili kong paghinga sa snorkel. Hindi man kami makapag-usap, alam ko ang tumatakbo sa kanyang isip. Sa ibabaw namin ang langit, sa ilalim namin ang dagat. Hindi ko alam pero sa puntong ‘yun naisip ko na nasa gitna ng langit at dagat na ‘yun ang walang hanggan.  

Itutuloy
Share:

0 comments:

Post a Comment