Thursday, February 13, 2020

Ang Mga Dapat Kalimutan sa Bus Mo Iwanan Part 15

by: hegemony

Lumulukso ang mga headlight ng mga kasalubong na sasakyan sa mukha ni Marco Gumagapang ang mga anino ng buhok niya sa kamay ko sa manibela. Pangalawang beses kong makita magulo ‘yun, pinapasayaw ng hangin sa rolled-down window ng sasakyan. Nakatulog siya sa byahe, matapos ng walang tigil na pagkukuwento mula EDSA haggang Lipa.

Akala niya siguro, nagbibiro ako na tutuloy kami sa Batangas na wala man lang kaplano-plano. Akala ko rin nagbibiro ako.

Pero may mga bagay talaga na hindi na talaga pinag-iisipan, na hindi dapat pinaplano. At marahil isa ito sa mga ‘yun.

Ni-recline ko ang passenger’s seat. Mahimbing ang tulog niya Lumaylay ang kaliwa niyang kamay sa handbrake. Gusto ko sanang damputin ‘yun para pagbuhulin ang aming mga daliri. Pero hindi ako mapagsamantala. Siguro itong pagtingin ko lang sa kanya ang maaari kong nakawin. Hindi ko kayang magnakaw ng halik, lalung-lalo na ang angkinin ang kamay niya ng walang paalam. Para sa akin, sagrado ang paghahawak ng kamay at ayaw kong maging one-sided ‘yun.

Kasi kung kaya kong hawakan ang kamay ng isang tao sa lugar maliban sa kama, siguro lahat kaya ko nang ibigay para sa kanya. Hindi naman siguro lahat, kundi kung ano na lang ang natitira pa sa akin.

Minsan, habang naglilimlim kami sa kama ni Dello, tinanong niya kung gaano raw karami ang pagmamahal ko sa isang tao. Sabi ko hindi naman ‘yun nabibilang.

“Hindi. Kung sa percent, ilang percent yung kaya mong ibigay sa partner mo?” tanong niya habang nakatingin kami pareho sa kisame ng kanyang kwarto.

“Kung mahal ko, siguro kaya ko lahat ibigay,” inisip ko siya, at ‘yun ang unang pumasok sa isip ko.

“Suicide ‘yun. Paano ‘yung ibang tao, tulad ng family, paano ‘yung sarili mo.”

“Siguro 80% sa partner ko.”

“Mahirap ‘yun. 70/30 nga mahirap na.” sagot niya.

“Ikaw ba?”

“Siguro 60/40.”

“Saan ‘yung 60?”

“60 sa sarili ko, 40 sa ibang tao. Dati, pareho tayo mag-isip. Kaya noong iniwan ako ni Edgar, wala na ring natira sa akin.”

Hindi ko na siya sinagot. Nalungkot lang ako na sa 40% na natira, makikihati pa ako sa iba.

Dinampot ko ang kamay ni Marco at inilapag sa hita niya. Ilang buwan na rin nang may huli akong damputing kamay sa loob ng kotse. ‘Yung huling gabing mahawakan ko ang kamay ni Dello. Nakabukas ang makina ng kotse habang nakapark kami noon sa loob ng Bliss. Kumunat sa lamig ng aircon ang nginagata kong Jolly Fries na dinrive thru namin sa C5. Hindi ko alam kung paano sisimulan ang gusto kong sabihin, at ganoon rin siya.

“Gusto ko maging handa ka. Gusto ko kayanin mo na wala ako. Magkikita pa rin naman tayo. Hindi naman ako mawawala, hanggang maging okay ka. Gagawin pa rin natin ‘yung mga ginagawa natin pero babawas-bawasan na natin ‘yung mga lambingan. Gusto ko enjoy natin ‘yung last days ko sa Pinas na parang magbarkada lang,” bungad ni Dello.

“Mahirap naman ‘yun. Paano ko maeenjoy ‘yung mga araw na ‘yun kung pipigilan ko ‘yung sarili ko.”

“Kailangan.”

“Kaya ko naman. Kung aalis ka, e di umalis ka. Kung sasaktan mo ako, saka na pag-alis mo. Para isang bagsakan na lang.”

‘Tingnan mo ‘to. Ang tigas ng ulo mo talaga. Ang akin lang naman, hanggang maaga iwasan mo na ako. Kontrolin mo ‘yung nararamdaman mo.”

“Eh di sana matagal mo na sinabi ‘yan noon pa. Diyan ka magaling sa control-control. Muscle control.” Pinilit kong tumawa sa sarili kong biro.

“Basta andito pa rin ako.”

“Yun na nga eh. Andiyan ka pa rin. Naririnig mo ba mga sinasabi mo? Kontradiksyon. Sabi mo andiyan ka lang. Tapos sabi mo iwasan kita.

“Para sa iyo rin naman. Para hindi ka mahirapan.”

“Wow, salamat sa concern. Para sa akin, o para sa’yo? Gusto mo ako bitiwan pero gusto mo andiyan pa rin ako sa tabi mo ‘pag kelangan mo. Bumili ka na lang sana ng yoyo.” Nararamdaman kong umiinit ang magkaiba kong tenga sa inis.

“Mahalaga ka sa akin. Masaya ako ‘pag nandiyan ka. Ikaw ang comfort zone ko.” Nakatingin si Dello sa labas ng bintana. Madilim sa pinagparadahan namin. Hindi ko makita ang mukha niya pero naririnig ko na nababasag na rin ang kanyang boses.

“Mahal mo ba ako? Sagutin mo ‘yung unang sagot na maiisip mo.” Sumipsip ako ng coke para kumalma ako ng kaunti.

Hindi siya agad sumagot.

“Malapit na. Pinipigilan ko ang sarili ko alam mo ‘yun”

“So ‘yung mga I love you na ‘yun hindi ‘yun totoo?”

“Hindi naman sa ganoon. Iba’t ibang level naman ang pagmamahal ‘diba.”

“Sabi ko naman sa’yo simula pa lang, kung wala naman, kung hindi naman talaga nararamdaman, sana hindi mo na lang sinabi. Mahalaga ang mga salita sa’kin Dello, kasi lahat ng sinasabi ko, totoo, pinaninindigan ko.”

“Babe.”

“Para akong nakipagsuntukan tapos isang kamay lang ang ginamit mo. Hindi mo pala sineryoso.”

“Tama na.”

“Tama na talaga. Kung sakin mo tinanong ‘yung tanong ko, sasagutin kita ng oo. Alam mo naman ‘yun. Alam kong nararamdaman mo ‘yun.”

“Ganito na lang, kung mahal mo talaga ako. Pagbibigyan mo ako.”
Hindi ako umiyak. Ayaw kong umiyak sa harapan niya.

“Mapagbibigyan kita ‘dun sa iwasan ka, pero ‘yung pigilan kang mahalin, hindi ko siguro kaya.”

“Telenovela?” Biro niya.

“Kontrabida.” Sabi ko.

“Iwas-iwasan na muna natin magtext, i-uupdate kita once in a while.”

“Hindi ko kailangan ng update. I’ll be ok.”

Bago siya bumaba, kinuha niya ang kamay ko at hinalikan. Gusto ko sanang hatakin siya at sabihing ayusin natin. Pero alam kong wala namang dapat ayusin, simula pa lang magulo na. Tulad ng unit niya sa Bliss, tulad ng buhay niyang sala-salabit. Wala namang tinapos ng gabing ‘yun, dahil wala namang sinumulan. Wala ring sinira, dahil wala naman kaming pormal na binuo. ‘Yun ang pinakamasakit, ang mga bagay na hindi namin kayang bigyan ng pangalan. ‘Yun rin ang pinakamasarap balik-balikan, asahan, pangarapin. Parang sugat na paulit-ulit naghihilom dahil kinukutkot. Sarap-kati. Sarap-hapdi.

‘Yun ang huling beses na nagmaneho ako. Mula C5 hanggang Katipunan, humahagulgol ako sa iyak. Akala ko nga umuulan at sira ang wiper dahil basang-basa ang paningin ko.

At ngayon, eto, may lakas ng loob magmaneho ulit. Siguro dahil may katabi ulit ako sa kotse. Siguro dahil kahit mahirap aminin, masaya ako ‘pag kasama siya. Kahit nakakatakot, kahit wala naman sa plano ko. Tulad nitong biglaang pagpunta namin sa Batangas.

Nagpark ako sa tapat ng isang bakery sa palengke ng San Juan. ‘Yun na lamang ang bukas. Alas diyes na ng gabi sa relo ko. Nagising si Marco sa pagtigil ng sasakyan.

“Asan na tayo?”

“Nasa Bicol.”

“Akala ko Batangas?”

“Loko lang. Sarap kasi ng tulog mo.”

“Malapit na ba tayo.”

“Oo, mga 20 mins na drive andun na tayo. Tinext ko na si Aling Ely. Bili muna tayo ng tubig at makakain.”

“Sino si Aling Ely.”

“’Yung nagpapaupa ng mga cottages sa beach.”

Nag-unat ng braso si Marco, humikab.

“Anong dinner natin?”

“Kumakain ka naman ng tuna at monay ‘diba? Ito na lang kasi bukas ngayon. Mamalengke na lang tayo bukas.”

“Akala ko naman pinaghandaan mo ‘to.”

“Ikaw kaya nagsabi ng Batangas. Ayan, Batangas. Saka masaya kapag walang planu-plano.”

“Weird mo talaga.”

“Thank you. Next time, be careful what you wish for.”

“Apparently, I get things I don’t even wish for.”

“Kamalasan ba ‘yun o swerte?”

“Ewan.” Sagot ni Marco.

Bumaba ako ng kotse para bumili sa bakery. Naiwan si Marco sa sasakyan. Bumalik rin sa akin ang tanong ko. Ewan, bahala na. Baka malaman ko rin ang sagot. 

Itutuloy
Share:

0 comments:

Post a Comment