Wednesday, February 12, 2020

Ang Mga Dapat Kalimutan sa Bus Mo Iwanan Part 14

by: hegemony

Alam mo lobo na siguro ang pinakamalupit na gawa ng tao.” Sabi ni Ram. Inaya ko siyang magsimba sa Baclaran bago kami tumuloy sa Las PiƱas para bisitahin ang kapatid ko. Napatigil kami sa tapat ng tindero ng mga lobong Spongebob at Dora the Explorer. Maaliwalas ang sikat ng araw noong Linggong ‘yun, tulad ng pagkililing ng sorbetero sa sidewalk. Bumili kami ng sorbetes na ipinalaman sa tinapay.

“Bakit naman,” tanong ko.

“Kasi dinisenyo para lumipad tapos itatali para hila-hilahin lang ng bata.” Sumakay kami sa kotse. Pinaandar ni Ram ang makina.

“Bihira na nga ang mga lobong nakatali. Madalas nakastick na lang.” dagdag niya.

“Ano ‘yun Barbeque?”

“Pag cute na, huwag ng magpacute.”

“Ang sungit mo naman. Bakit nga ba tinatali?” Tanong ko.

“Kasi mahal ang asoge.”

“Asoge?”

“Helium. Mas mura ‘yung lobong walang asoge. ‘Yung may asoge, P75 ang isa. Tapos ‘yung malaki P150.”

“So kaya tinatali kasi mahal?”

“Siguro. Hindi ba ‘pag mahal mo, gusto mong itali?”

“Wow. Ang lalim mo na naman. Usapang pag-ibig ba ‘to?”

“Hindi, usapang lobo.” Ngumiti si Ram.

“Gago.”

“Ikaw paano kung ‘yung mahal mo, gustong lumipad?” Tanong niya.

“Eh di lumipad siya. Sabi mo nga, kung designed para lumipad, bakit mo itatali?”

“Kasi ang lobo, kapag binitawan mo hindi na babalik. Nang mamatay si Tatay, nagpalipad kami ng 14 na puting lobo"

Lagi niyang nababanggit ang Tatay niya. Ilang buwan pa lang rin kasi ang lumipas nang pumanaw ito. Pinatakbo ko ang usapan para malihis ang isip niya.

“So mas gusto mong itali hanggang sa maubos ‘yung helium tapos manguluntoy na lang?”

Natahimik si Ram. Ito ang iniiwasan kong usapan.

“Parang salagubang. Tinuruan ako ng pinsan ko na tanggalin ‘yung mga paa tapos susulsihan namin ng pisi. May instant laruan na kami. Pero pag napagod sa kakalipad ng paikut-ikot ‘yung salagubang, wala ng kwenta. Mamatay kinabukasan," sabi niya.

“Bata ka pa nga Ram. Madamot ka pa magmahal.” Sabi ko. Alam kong nasaktan siya sa binitawan kong salita.

“Lagi mo na lang sinasabi ‘yan. Eh kung tutuusin, mas matanda pa ako mag-isip sa’yo.”

“Babalik naman ako ‘di ba? Kelangan ko lang ayusin ang buhay ko. Ilang beses ko ba dapat sabihin sa’yo ‘yun. Kapag okay na ako at available ka pa, eh di simulan natin ulit.”

“Baka gusto mong ipaalala ko sa’yo kumbakit gusto mong bumalik sa Dubai. Para maka-ipon ng pera at hindi maging pabigat sa magiging ‘asawa’ mo. Kung sino man ang malas na babaeng ‘yun na hindi mo pa nakikita.”

“Hindi mo maiintindihan. Kapag nasa ganitong edad ka na marerealize mo rin na gusto mong magkapamilya.”

“Ayaw ko nang tumanda kung ganun. Besides, masaya na ako sa pamilya ko. Pwede naman tayong mag-ampon.”

“Tigas ng ulo mo. Huwag ka ngang magplano ng ganyan. Hindi mo yan masasabi ‘pag tanda mo. Malabo yan sa ganitong relasyon.”

“Anong relasyon ba ang meron tayo?” bumibilis ang paghinga ni Ram. Nakatingin lang siya sa manibela. Nagsimula ng maglabasan ang mga nagsimba.

Natahimik lang ako.

“Huwag mo namang gawing mahirap sa akin. Akala mo siguro madali lahat ‘no? Nakaplano na lahat. Pinag-isipan kong mabuti, kahit masakit rin sa akin." sabi ko. Inabot ko ang kamay niya.

“Nasan ba ako sa mga planong ‘yan?” sumisinghap na tanong ni Ram. Bumigat ang dibdib ko. Alam kong nahihirapan na siya sa akin. Alam kong nabibigatan siya sa sitwasyon ko. Kaya gusto ko ring umalis. Ayaw kong maging pabigat sa magiging partner ko. Babae man yun o lalaki.

“Basta andiyan ka lang. Ikaw lang naman ang naiisipan kong balikan. Sawa na ako sa ganitong buhay. Gusto ko maging proud ka rin sa akin.”

“Ano naman ang ikinahiya ko sayo?”

“Pero alam ko nahihirapan ka na rin sa akin. Hanggang magulo ang buhay ko, masasaktan at masasaktan ka lang.”

“Paano kung pagbalik mo may asawa ka na? O may makilala ka ‘dun?”

“Ikaw ang unang makakaalam. At kung mag-asawa man ako, hindi kita pakakawalan. Baby pa rin kita. Gagawa ako ng oras para sa’yo. Kala mo makakatakas ka sakin?” biro ko. Hinahabol na rin ako ng sarili kong hininga.

“Andaya mo talaga Rodelio Francisco. Ano ako lobo?” nangigilid na ang luha sa mata ni Ram pero ngumiti siya. Huminga siya ng malalim.

Umandar ang sasakyan na hindi niya binibitiwan ang kamay ko. At noong puntong ‘iyon, alam kong may dapat talaga akong balikan. 

Itutuloy
Share:

0 comments:

Post a Comment