Tuesday, February 11, 2020

Ang Mga Dapat Kalimutan sa Bus Mo Iwanan Part 11

by: hegemony

"Gusut-gusot ang kumot—
siguro iniukit niya roon ang kanyang lungkot
habang ako’y natutulog."

- Mark Angeles, One Night Only


Nagising ako sa pagbangon niya pero ayaw ko pang dumilat. I’m half-wishing he’d be gone before I wake up. Para walang complications, walang awkard moments. Walang bigayan ng thank you.

Bakit kailangan mag-thank you pagkatapos? Eh pareho niyo namang ginusto ‘yun. Salamat sa sex? Eh hindi ka lang rin naman nagbigay, kumuha ka rin. Sabi nga niya, quits lang.

Niyakap niya ako buong gabi. Ang huling naaalala ko ay hinihilot niya ang kamay ko bago ako makatulog. It was something I’m not really fond of. Cuddling after sex. Matagal na rin ng may huling gumawa sa akin ‘nun, nakalimutan na ng katawan ko kung paano. Pero kagabi, hinayaan ko lang. It actually felt good. Weird. Parang sumukay ulit ako ng bisikleta matapos ang sampung taon. Pagewang-gewang pero nakabalanse pa rin.

Nang dumilat na ako at bumangon, nagsusuot na si Ram ng pantalon. Malaki ang mga hita niya. Malaman. Siguro doble ng sa akin. Kaya pala kagabi walang pagod ang mga iyon. Naaalala ko lahat. Napakapit ako sa mga hitang iyon habang siya ay taimtim na nakaluhod sa kama habang umiikot ang kisame sa paningin ko. Nakakapit ako sa mga hitang iyon habang nagdikit ang pilikmata niya sa pilikmata ko, habang nagkandabuhol-buhol ang aming mga dila sa mga bagong salitang kami lang ang lumikha.

Bumilis na naman ang pulso ko. Bakit ko ba naaalala? Sa ibang nakasiping ko pangalan pa lang ang hirap ng tandaan. Pero bakit nalalasahan ko ang pangalan niya sa dila ko tulad ng Red Horse namin kagabi?

“Ram. San ka pupunta?” Lumingon siya saglit at tumalikod para para ayusin ang pantalon.

“Uuwi na. Alas nuebe na. Maghalf-day na lang ako.”

Hindi na siya nagsalita. Tumabi siya sa kama para magsuot ng sapatos. Maga pa ang mga mata niya sa kakulangan sa tulog. Kagabi lamang nakalingkis ang braso niya sa katawan ko, at ngayon, isang dipa ang layo niya sa akin. Kasing-layo ng katahimikan sa pagitan namin.

“Una na ako. Kita-kits.” Tumayo siya ng tuwid. Tulad ng una naming pagkakatabi sa bus. Hindi man lang siya tumingan para magpaalam. Hindi man lang niya nabanggit ang aking pangalan.

Ganito siguro ang pakiramdam nila. Naiinis ako. Ganito pala ang pakiramdam nila kapag nagpapaalam ako na parang walang nangyari. Hinihintay ko na lumapit siya. Tumabi sa akin at halikan ako sa pisngi. Aasang ibigay ko ang number ko sa kanya. At bibigyan ko siya ng numerong gawa-gawa ko lang. Magbibitaw ako ng pangako na magkikita kami ulit. Magtatanong siya kung kailan, at sasabihin kong kapag hindi na busy. Lagi akong busy.

Bakit ba affected ako? Eh average lang naman ‘to. Hindi. He is more than that. Ewan. Dahil ba dagok sa ego ko? Siguro. Dahil ba pakipot siya at nacha-challenge ako? Marahil. Dahil ba masarap ang ginawa namin sa kama? Pwede. Baka ‘yun lang.

Pero may mga bagay na hindi ko maintindihan. Tulad ng kagustuhang makita ko ulit ‘yung ngisi niya ngayong blangko na naman ang mukha niya. Nakakaasar. Putang ina mo Ram, ang arte mo.

“Samahan mo ko kumain.” Hindi ko narinig ang lumabas sa bibig ko.

Hindi siya agad sumagot. Umupo siya ulit sa kama.

“Maghahalf-day ka rin ba?”

“Hindi ko alam. Tinatamad ako. Gusto ko muna kumain saka ko na pag-iisipan.”

“Sigurado ka?” Tanong ni Ram.

“Oo, late na rin naman ako, lulubusin ko na.”

“Hindi ‘yun. Kung sigurado kang sabay tayong kakain?”

Ngumiti siya, yung hinintay kong ngiti. Fishing ‘tong gagong ‘to.

“Oo.”

“Sige bihis ka na dali. Gutom na rin ako.”

Kumain kami sa tapsihan sa kanto malapit sa apartment. Sa tinagal-tagal kong nangungupahan, noong time lang na ‘yun unang beses kong nakakain doon. Hindi ko rin kasi napapansin ‘yun masyado.

“First time mo kumain dito?”

“Oo, di kasi ako mahilig kumain sa ganito.”

“Ano ka ba. Masarap kaya dito. Dinadayo ko pa nga ‘yung pares nila dito. Dali tikman mo yung sabaw. Masarap ‘di ba?”

“Masarap nga. Lasang-lasa ‘yung karne sa sabaw. San ba gawa ‘to”

“Bulalo. Saka spring onions. Pati ‘yung medyas ng cook lasang-lasa. Nag-jogging siguro kanina.” Napangisi na naman si Ram. Muntik ko nang maibuga ang sabaw sa mukha niya.

“Gago ka. Kadiri talaga ‘yang utak mo.”

“Ang selan mo kasi. Siguro puro fast food ka saka mga restaurants.”

“Hindi naman. Takot lang ako baka madumi ‘yung pagkaluto.”

“Napaka-judgmental mo naman.”

“Ano?”

“Porke hindi masyadong maganda ‘yung lugar madumi na ang luto? Kung madumi e di sana matagal ng pinasara ‘to. E ang dami kayang kumakain. E di sana lahat sila nagkasakit. Wala kang alam sa pagkain, ‘yung masasarap na pagkain sa mga ganitong kainan nakikita. Hindi sa mall.”

“Oo alam ko ‘yun. Ngayon lang ulit kasi ako nakakain sa tapsihan. Huling kain ko college ata. Masarap ang pansit nila ah. Saka ‘tong tokwa. Sarap ng timpla ng suka.”

“Sabi sayo eh. Masarap dito. Mura pa. Madalas kami dito ni ano dito eh.”

“Nino?”

“Ah wala. Next time dadalhin naman kita ‘dun sa isang tapsihan na alam ko. Masarap ‘yung sinangag nila doon. Maraming serving.”

Ang galing talagang niyang lumiko sa mga ganoong usapan.

“Ram.”

“Bakit?”

“Bakit EDSA ‘yung sinulat mo diyan sa braso mo.”

Natahimik na naman siya. Sumubo ng pansit at humigop ng sabaw. Ngumuya ng matagal.

“Bakit hindi mo ba mahal ang EDSA?”

Tanong rin ang sinagot sa tanong ko. Nakakaasar na talaga ‘to.

“Bakit hindi pangalan ng tao?”

“Ah. Hindi ko alam. Wala pa akong maisulat na pangalan eh. Puro lugar naisusulat ko. Minsan mga bagay na nakikita ko. Tulad nito. Ang sarap ng pansit nila di’ba. Mamya buburahin ko pagligo tapos isusulat ko: PANSIT.”

“Baduy mo.”

“Anong baduy. Walang basagan ng trip. Ikaw, hindi mo ba gusto ang EDSA?”

“Hindi. Maingay, laging trapik, mausok. Ang dami pang sasakyan.”

“Hindi mo gusto pero lagi mong dinadaanan.”

“May iba bang choice?”

“Hindi mo lang nakita pa ang kagandahan ng EDSA. Kasi hindi mo napapansin. Pero kapag napansin mo na ‘yung hindi nakikita ng iba, mahuhulog ka sa kanya. Hindi ka na maiinip sa bawat byahe. Hindi ka na magagalit kahit trapik. Sa umaga siya ang babati sayo, pati sa pag-uwi sa kanya ka pa rin dadaan”

Nakatungong paliwanag ni Ram. Pinaglalaruan niya ang pansit at parang bumyahe na rin sa EDSA ang diwa niya.

“Okay.”

Malayo ang isip ni Ram. Hindi na kami nagkibuan hanggang maubos ang kinakain namin.

“Una na talaga ako. Nagtext ‘yung officemate ko kelangan ko talagang pumasok at matatambakan sila ng trabaho,” paalam ni Ram pagkatapos naming magbayad.

Naglakad kami sa sakayan sa tapat ng tapsihan. Wala pa rin kaming kibuan. Bago siya sumakay ng jeep, sinuntok ng marahan ang balikat ko.

Hindi ko alam, pero nalungkot ako sa pagtalikod niya. Sa pag-iwas naming pag-usapan ang nangyari kagabi. Hindi ko rin alam kumbakit ako affected, ganito naman dapat eh. Pero naaasar ako sa kanya. Hindi ko matanggap sa sarili ko na gusto ko pa siya ulit makita. Nakakaasar ka Ram.

Lumingon siya at ngumiti. ‘Yung mabilis at matipid niyang ngiti.

“Yung t-shirt ko ibalik mo ‘pag nalabhan ha.” sabi niya. 

Itutuloy
Share:

0 comments:

Post a Comment