Monday, February 10, 2020

Ang Mga Dapat Kalimutan sa Bus Mo Iwanan Part 10

by: hegemony

when the memory of the body awakens,
and an old desire runs again through the blood;
when the lips and the skin remember, and the hands feel as if they touch again.”

-C.P. Cavafy, Return


Suot ko pa ang kanang medyas ko. Kulang ng isang botones ang suot kong polo kagabi. Nakayuko kong dinampot iyon at nakita ang magkahalong damit namin ni Marco sa sahig. Nangininig ang boses ng aircon sa kwarto tulad ng paos na takbo ng makina ng mga jeep sa labas ng bintana.

Nakatagilid siya sa kama. Gusto ko sanang paagusin ang daliri ko sa linya ng kanyang likod. Kumukurba iyon tulad ng ilog. Gusto ko sanang halikan ang kanyang batok ng paulit-ulit. Para magtanim sana ng mga pangako tulad ng hindi kita iiwan o nandito lang ako sa likod mo.

Pero hindi siya ang mahal ko. Hindi siya si Dello. At pagising niya hindi namin pag-uusapan ang nangyari kagabi. Magpapanggap kaming may hang-over at mauuna akong magpaalam. Hindi ko hihingin ang number niya sa takot na baka hindi niya ibigay. At magpapatuloy ako sa pang-araw-araw na buhay.

Malinis ang kwarto niya. Kulay dagat ang pintura sa pader. Flat-screen na TV. DVD Player. Maayos na nakasalansan ang mga koleksiyon niya ng mga pelikula sa rack. Walang sala-salabit na kurdon. Walang agiw sa sulok ng kisame. Lahat nasa ayos, tulad marahil ng buhay niya.

Tuyo ang lalamunan ko, parang nagmumog ako ng buhangin. Wala namang hang-over. Seperation anxiety lang siguro. Nagkadikit rin siguro ang bituka namin sa pagniniig.

May mga one night stands na hiniling ko na hindi lang maging one night. Siguro pang-apat ito sa mga ‘yun. ‘Yung mga nauna nasundan rin naman ng muling pagkikita. Pangalawa, pangatlo, tapos noon, wala na. Siguro ganito lang rin ‘to. Dapat ganito lang rin.

Minsan naiisip ko kumbakit napapasok ako sa mga ganitong sitwasyon. Kumbakit nakakabulag ako ng mga mag-uuwi sa akin sa gabi. Kahit minsan, hindi ko naisip na gwapo ako.

You’re beautiful. Sabi ni Dello dati. I love you. Sabi nilang nagdaan sa buhay ko. Naniwala ako, hindi naman pala totoo.

Hindi na dapat ako gumawa ng paraan kagabi. Hindi na sana ako nag-aya uminom. Mahina lang ako. At nalulungkot rin. Salamat sa mga nilikha kong batas. At marahil gagawa ako ng gagawa ng mga rules na nakahanda ko rin namang suwayin.

Isinuot ko ang polo. Nakita ko ang pantalon malapit sa estante ng TV. Tulog pa rin siya. Uuwi na ako. Alas nuebe na. Pagdating sa bahay ililigo ko na lang lahat ng ito. Kapag sinipag, baka maghalf-day sa trabaho.

“Ram. San ka pupunta?” Umupo si Marco sa kama. Kinusot ang mga mata. Unang beses kong nakitang magulo ang buhok niya.

Itutuloy
Share:

0 comments:

Post a Comment