Thursday, February 6, 2020

Ang Mga Dapat Kalimutan sa Bus Mo Iwanan Part 2

by: Hegemony

I am the one that makes you go to fractal places, what makes you believe in meetings by chance. I am completely random. I am omnipresent. I strike at the heart.

-Arvin Mangohig, The Gaze


Dahan-dahan siya sa pagsusulat. Barubal ang driver ng bus kaya pinag-iingatan niya ang bawat letra. Nasa Crossing na ako nang matapos siya. Siksikan sa loob ng biyaheng LRT/Ayala. Nakaupo siya sa tabi bintana, nakayuko. Nakatayo ako sa aisle ng bus, katapat ng upuan niya. Palihim na tumitingin sa kaliwang bisig niya.

Maitim ang tinta, kasingkapal ng kanyang kilay. Parang sulat ng bata, marahil kaliwete. Pero malinaw ang nakasulat ‘dun, sa ibabaw ng patlang.

EDSA.

Kanina sa byahe, blank space lang ‘yun. Ang weird nga ng tattoo. Linya lang. Blank space. Parang fill-in the blank sa mga exam noong Grade School. Pagdating sa Ortigas, kinuha niya ‘yung black marker sa bag niya. Tapos saka siya nagsulat.

Hindi ko nakita ang kabuuan ng tattoo niya. Nasilip ko kasi na may ibang nakasulat pero natatago sa long sleeves.

‘Yung katabi niyang Manang, walang pakialam. Nakatutok sa Unang Hirit sa TV ng bus. Tumingin ako sa relo ko. 7:20.

Sumakay ako sa bus 7:00 AM. Bente minuto na akong nakatingin sa kanya. Weird. Forgettable naman ang mukha niya, nothing stunning. Pero parang nakita ko na siya dati. Di ko lang maalala kung saan. Hindi ko lang siya maamoy. More or less straight ‘to. Ano naman kung ganun. Hindi ko siya trip. Masyadong average para sa akin.

Tumingin na lang ako sa bintana. Buti at umandar na uli ang bus. Pagdating sa may Libertad, maraming bumaba. Pati ‘yung Manang bumaba. Umupo ako sa tabi ni Weirdo. Walang choice, sumuko na ang binti ko sa kakatayo.

Nakayuko pa rin siya, pero hindi naman tulog. Pupungay-pungay lang ang mata, parang inaantok. Parang tanga talaga, pasway-sway ang ulo niya mula kaliwa-kanan, marahan na sway, hindi mo mapapansin kung hindi mo siya katabi. Wala namang headphones. Wala namang tugtog sa bus. Iba rin ang trip nito.

Masyadong mahaba ang pilikmata niya para sa isang lalaki. O para sa isang Pinoy. Parang Venus Fly-trap. Mukhang hindi nakapag-ahit ng isang araw, mabubuo na ang sideburns na dudugtong sa goatee niyang bagong trim.

Tumigil siya. Biglang umayos ng upo. Biglang nag-iba ‘yung tindig niya. Kanina, naka-hunchback tapos ngayon biglang tuwid na tuwid sa upo. Parang sinapian. O parang binuhusan ng malamig na tubig. Inayos ang bag. Nirolyo pabalik ang sleeves ng polo. Buti at hindi ako nahuli sa pagtingin. Baka sapakin ako at maangasan sa tingin ko.

“Manong, bus stop lang. Boss, excuse, baba na ako,” kasing-tuwid ng upo niya ang kanyang boses. Malalim.

Tumayo ako. Pareho pala kami ng bababaan. Naalala ko na kung saan ko siya nakikita. Pareho pala kami ng building na pinapasukan.

Sa pagtapak sa labas ng bus dapat handa kang lumaban sa isa na namang Lunes. Walang habag ang siyudad, lahat nagmamadali para habulin ang alas-otso. Ang mga night shift kanina nagmamadali ring umuwi.

At eto ako, tuwid na naman ang tindig. Aayusin ang mga gusot ng polo. Dapat astang corporate slave. Tingin sa relo, lakad pangbrisk-walk. Tingin sa relo ulit. Game face on. Bawal ang tatanga-tanga sa bangketa, bawal ang walang direksyon.

Sa loob ng bus lang pwedeng yumuko, mag-reminisce, magparusa sa sarili, magpalipad sa utak. Pagbaba ng bus, dapat iwan mo na lahat ng sapot sa dibdib mo.

“Pare,” may sumigaw sa likod ko.

Dedma lang. Baka kung anong modus operandi na naman. Kahapon may naholdap akong ka-opismate sa hagdanan ng MRT. Ganitong oras rin. Ang aga-aga.

“May naiwan ka, pare.”

Hindi pa rin ako lumingon. Diretso lakad. Ako ang tipong walang maiiwan na gamit sa bus. Mga alaala lang ang dapat iwan ‘dun, mga himutok sa buhay. Hindi nga nililigpit ng konduktor, kaya sa araw-araw na pagsakay ko, ayun, mga hinaing ko rin ang katabi ko.

“Ram! Ram pangalan mo ‘di ba?”

Napatigil ako. Paakyat na sana ako ng hagdan ng MRT. Doon kasi ako tumatawid.

Paglingon ko, nakita ko siya. ‘Yung nakatabi ko kanina sa bus kanina, sa gitna ng pagmomoment ko.

Matagal ko na ‘yung nakikita. Madalas nakakasalubong ko sa lobby. Minsan sa entrance ng building nag-aabang ng taxi. Noong night shift pa ako, nakasakay ko siya sa jeep mula Kamias. Pauwi siya noon, ako papasok pa lang. Ako pa nga ang nagbayad ng bayad niya sa tsuper.

Kanina, siguro akala niya hindi ko nararamdaman ang pagtitig niya.

Hindi ko nga alam ang pangalan niya eh. Hindi ko naman masulyapan sa ID niya. As a rule, hindi dapat ipakita sa mga tulad niya na napansin mo siya.

Above Average. ‘Yun siya. ‘Yung tipong alam niyang gwapo siya. ‘Yung tipong every five minutes hahawiin ang buhok para ayusin. ‘Yung tipong may kaangasan kasi stable sa buhay.

Hindi dapat binibigyan ng pansin ang mga ganoon. They crave for attention.

Gwapo. Makinis ang balat. Makapal ang kilay. Laging malinis tingnan. Parang hindi pinapawisan, o kung pawisan man mabango pa rin tingnan. ‘Yung kahit puyat, parang wala lang.

Hindi dapat ipaalam sa mga tulad nila na gusto mo silang tingnan. Pero hindi ibig sabihin na hindi mo sila nakilatis. Kaya nga may peripheral view.

Sa isang patagong tingin kaya kong mamemorya ang lahat ng features ng mukha niya. Pati ang hapit na sleeves sa umuumbok niyang braso. O ang guhit ng kanyang likod.

Pero hanggang dun lang. Ang mga tulad niya ang dapat iwasan. Hindi mo naman makukuha ‘wag nang asamin pa. Makuha mo man, sasaktan ka lang, so bakit pa.

Rule # 1. Stay away from anything or anyone that is above average. Lumugar ka lang. Lumevel ka lang.

“Naiwan mo ID mo sa bus.”

“Salamat boss. Hassle kung mawala ko ‘to.” Inabot ni Pretty Boy ang ID ko.

“Wala ‘yun,” sagot niya na may ngiti. ‘Yung ngiting dapat suklian mo rin ng ngiti.

Hindi ko ‘yun sinuklian. Sa dami ba namang ng ngiting natatanggap niya, ‘yung sa akin hindi niya makukuha.

“Sige, sibat na ako, mali-late na ako. Salamat ulit boss.”

“Ah okay. Welcome,” parang nagulat siya. Hindi nga sanay ang loko. Siguro inisip niya engrata ako.

Dedma.

Pagtalikod ko, diretso agad sa hagdanan. Hanggang Ayala ang ngiti ko.

Exception to Rule #1: Kung sila naman ang lalapit, e di sakyan.

Itutuloy.
Share:

0 comments:

Post a Comment